Timbangan
Isang kasangkapan na ginagamit sa pagtimbang. Pamilyar ang mga tao noon sa isang simpleng timbangan. Binubuo iyon ng pahalang na pingga, na ang gitnang bahagi ay nakakabit sa isang tulos o panali, at sa magkabilang dulo ng pingga ay may nakasabit na isang bandeha o pangawit. Inilalagay ang bagay na titimbangin sa isang bandeha (o isinasabit sa isang pangawit, gaya ng ginagawa sa maliit na supot ng salapi), at inilalagay naman sa kabilang panig ang katumbas na mga panimbang. (Jer 32:10; Isa 46:6; Gen 23:15, 16; Eze 5:1; tingnan ang SALAPI.) Sa panahon ng taggutom, maging ang pagkain ay maingat na sinusukat sa isang timbangan. Ang sakay ng kabayong itim na inilalarawan sa Apocalipsis 6:5 ay may hawak na isang pares ng timbangan “para sa pagsukat ng tinapay ayon sa timbang, upang lumarawan . . . sa mahihirap na panahon, kung kailan nagiging napakamahal ng mga panustos.”—The Expositor’s Greek Testament, inedit ni W. Nicoll, 1967, Tomo V, p. 390.
Iniutos ni Jehova ang pagkamatapat at ang paggamit ng hustong timbangan (Lev 19:35, 36), sapagkat karima-rimarim sa kaniya ang madayang pares ng timbangan. (Kaw 11:1; 16:11; Eze 45:10) Magiging di-husto ang timbangan kung gagawing hindi pantay ang haba ng mga braso nito, at magiging mas mababa ang ipakikita nitong timbang kung gagawing medyo maikli ang mga braso nito o gagawing mas makapal at mas mabigat ang pingga nito. May mga pagkakataong gumamit ang mga Israelita ng mga timbangan nang may pandaraya (Os 12:7; Am 8:5), at dinagdagan pa nila ang panlilinlang sa pamamagitan ng paggamit ng di-hustong mga panimbang, anupat may isang set ng panimbang para sa pagbili at may isa pa para sa pagbebenta.—Kaw 20:23.
Tinutukoy rin ang timbangan sa makasagisag na paraan, gaya noong banggitin ni Job na ‘tinimbang sa timbangan ang kaniyang kapighatian.’ (Job 6:2) Ang pagiging walang-kabuluhan ng mga tao ay idiniin sa pagsasabing mas magaan sila kaysa sa isang singaw sa timbangan (Aw 62:9), at ang mga bansa naman ay inihambing sa walang-halagang alikabok sa timbangan ayon sa pangmalas ni Jehova na, wika nga, may kakayahang timbangin ang lahat ng mga burol sa timbangan. (Isa 40:12, 15) Kung minsan, ginagamit ang timbangan upang lumarawan sa hustong sukat ng kahatulan.—Job 31:6; Dan 5:27.