Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Timnah

Timnah

1. Isang lokasyon sa hangganan ng Juda at Dan. (Jos 15:1, 10; 19:40-43) Ipinapalagay ng ilan na ito ay ang lugar na doo’y napanatili ang kaunting pagkakahawig sa sinaunang pangalan, ang Khirbet Tibnah, na mga 6 na km (3.5 mi) sa K ng Bet-semes. Gayunman, sa lugar na iyon ay walang natagpuang arkeolohikal na mga labí na mas maaga pa sa mga panahong Romano. Pinapaboran naman ng marami ang Tell el-Batashi (Tel Batash), na mga 7 km (4.5 mi) sa KHK ng Bet-semes na nasa T na pampang ng agusang libis ng Sorek.

Nang “naghahanap siya ng pagkakataon laban sa mga Filisteo,” na noo’y namamahala sa Israel, si Samson ay pumili ng isang babaing Filisteo na taga-Timnah upang mapangasawa niya. Habang patungo siya sa lunsod, isang leon ang pinatay niya sa pamamagitan lamang ng kaniyang mga kamay sa mga ubasan ng Timnah. (Huk 14:1-6) Noong panahon ni Haring Ahaz, binihag ng mga Filisteo ang Timnah at ang mga sakop na bayan nito.​—2Cr 28:16-19.

2. Isang lunsod sa bulubunduking pook ng Juda. Ipinapalagay ng mga iskolar na ang Timnah na ito ay ang Khirbet et-Tabbana (Horvat Tibnah), na mga 3 km (2 mi) sa HK ng Gibeah (El Jabʽa). (Jos 15:20, 48, 57) Maliwanag na malapit sa Timnah na ito, pinlano ni Juda na gupitan ang kaniyang mga tupa, at sa Enaim (na nasa daan patungong Timnah) ay sumiping siya kay Tamar, palibhasa’y napagkamalan niya itong isang patutot.​—Gen 38:12-18.