Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tinapay

Tinapay

Isang pagkain na niluto sa tuyong init, karaniwa’y sa pugon; harina o giniling na binutil ang pangunahing sangkap nito at kung minsan ay mayroon itong lebadura. Ang tinapay (sa Heb., leʹchem; sa Gr., arʹtos) ay isang pangunahing pagkain ng mga Judio at ng iba pang mga tao noong sinaunang panahon, anupat ang kaalaman sa paggawa ng tinapay ay pangkaraniwan lamang sa mga Israelita, mga Ehipsiyo, mga Griego, mga Romano, at iba pa. Maging sa ilang bahagi ng Gitnang Silangan sa makabagong panahon, tinapay ang pinakamahalagang pagkain, at ang iba pang uri ng pagkain ay pangalawahin lamang. Kung minsan, waring ginagamit ng Bibliya ang “tinapay” upang tumukoy sa pagkain sa pangkalahatan, gaya sa Genesis 3:19 at sa modelong panalangin, kung saan may kahilingan: “Ibigay mo sa amin ngayon ang aming tinapay para sa araw na ito.”​—Mat 6:11; ihambing ang Ec 10:19, tlb sa Rbi8.

Sa paggawa ng tinapay, harinang trigo o harinang sebada ang karaniwang ginagamit noon ng mga Hebreo. (Huk 7:13; 2Ha 4:42; Ju 6:9, 13; ihambing ang Exo 34:22 sa Lev 23:17.) Mas mahal ang trigo, kaya kadalasa’y baka nagtitiyaga na lamang ang mga tao sa tinapay na sebada. Medyo magaspang ang ibang harina, palibhasa’y almires at pandikdik lamang ang ipinanggigiling sa mga ito. Gayunman, ginagamit din noon ang “mainam na harina,” na pino. (Gen 18:6; Lev 2:1; 1Ha 4:22) Noong naglalakbay sa ilang ang mga Israelita, ang manna na inilaan ng Diyos na Jehova ay ginigiling nila sa mga gilingang pangkamay o dinidikdik sa almires.​—Bil 11:8.

Kaugalian noon na maggiling ng mga butil at magluto ng bagong tinapay araw-araw, at kadalasa’y walang lebadura ang tinapay (sa Heb., mats·tsahʹ). Hinahaluan lamang ng tubig ang harina at walang idinaragdag na lebadura bago lamasin ang masa. Kapag gumagawa naman ng tinapay na may lebadura, karaniwang kaugalian na magtabi ng isang piraso ng masa at gamitin ito bilang pampaasim sa susunod na pagluluto; kapag gagamitin na, dinudurog ito sa tubig bago ihalo ang harina. Ang kombinasyong iyon ay minamasa, pagkatapos ay hinahayaang umalsa.​—Gal 5:9; tingnan ang LEBADURA.

Ang mga tinapay ay kadalasang pabilog. (Huk 7:13; 1Sa 10:3; Jer 37:21) Sa katunayan, ang salitang Hebreo na kik·karʹ (bilog [na tinapay]) ay literal na nangangahulugang “bagay na bilog.” (1Sa 2:36) Sabihin pa, gumagawa rin noon ng mga tinapay na may ibang hugis. Isang dokumentong papiro sa Ehipto ang bumabanggit ng mahigit sa 30 iba’t ibang klase ng tinapay.

Kabilang sa sinaunang mga labí ng tinapay na nakuha sa mga lupain sa Bibliya ang maninipis na tinapay na bilog, biluhaba, tatsulok, at hugis-kalso at ang makakapal at mahahabang tinapay. Gayunman, ang makakapal na tinapay, tulad ng mga tinapay sa mga bansang Kanluranin, ay waring hindi pangkaraniwan sa sinaunang Gitnang Silangan. Maging sa ngayon, ang tinapay sa Silangan ay maninipis, kadalasa’y mula 1 hanggang 2.5 sentimetro (0.5 hanggang 1 pulgada) ang kapal at mga 18 sentimetro (7 pulgada) ang diyametro.

Dahil maninipis ang mga ito anupat malulutong din kapag walang lebadura, ang mga tinapay na ito ay pinagpuputul-putol sa halip na hiwain. Kaya walang pantanging kahulugan kung “pinagputul-putol” man ni Jesus ang tinapay na ginamit noong pasinayaan ang Hapunan ng Panginoon (Mat 26:26), yamang ito ang kinaugaliang gawin kapag kumakain ng tinapay.​—Mat 14:19; 15:36; Mar 6:41; 8:6; Luc 9:16; Gaw 2:42, 46Int.

Kabilang sa mga inihandog ng mga Israelita kay Jehova ang ilang bagay na niluto sa pugon. (Lev 2:4-13) Hindi maaaring gamitan ng lebadura ang mga handog na pinaraan sa apoy para kay Jehova, bagaman may ilang handog na hindi sinusunog sa altar at maaaring lagyan ng lebadura. (Lev 7:13; 23:17) Hindi pinahintulutan ang paggamit ng tinapay na may lebadura kapag panahon ng Paskuwa at ng kaugnay na Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa.​—Exo 12:8, 15, 18; tingnan ang TINAPAY NA PANTANGHAL.

Sa buong Kasulatan, ipinahihiwatig ng paulit-ulit na pagtukoy sa tinapay kung gaano ito kaprominente sa pang-araw-araw na pagkain noong panahon ng Bibliya. Halimbawa, si Melquisedec ay “naglabas ng tinapay at alak” bago niya pagpalain si Abraham. (Gen 14:18) Nang paalisin ni Abraham sina Hagar at Ismael, ‘kumuha siya ng tinapay at isang pantubig na sisidlang balat at ibinigay iyon kay Hagar.’ (Gen 21:14) “Isang bilog na tinapay” ang ibinigay sa nakabilanggong si Jeremias bilang kaniyang pang-araw-araw na rasyon. (Jer 37:21) Sa dalawang pagkakataon, makahimalang pinarami ni Jesu-Kristo ang ilang tinapay upang mapakain ang napakalaking mga pulutong. (Mat 14:14-21; 15:32-37) Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na manalangin ukol sa “tinapay para sa araw na ito ayon sa pangangailangan sa araw na ito.” (Luc 11:3) At angkop na tinukoy ng salmista ang Diyos na Jehova bilang ang naglalaan ng “tinapay na nagpapalakas sa puso ng taong mortal.”​—Aw 104:15.

Tinapay na Lapad, Tinapay na Walang Pampaalsa. Sa mga Hebreo at iba pang mga tao sa Silangan noong sinaunang panahon, kadalasa’y niluluto ang tinapay sa anyong lapad at bilog. Ngunit iba’t iba rin ang hugis ng gayong uri ng tinapay. Halimbawa, may ‘mga tinapay na hugis-singsing’ (sa Heb., chal·lohthʹ) na ginamit noong italaga ang pagkasaserdote sa Israel (Exo 29:2, 23), at naghanda naman si Tamar ng “mga tinapay na hugis-puso.” (sa Heb., levi·vohthʹ; 2Sa 13:8, tlb sa Rbi8) Inutusan ni Abraham si Sara na gumawa ng “mga tinapay na bilog” (sa Heb., ʽu·ghohthʹ) na maipakakain sa mga anghel na nagkatawang-tao at dumalaw sa kaniya.​—Gen 18:6; tingnan din ang Bil 11:8; 1Ha 19:6; Eze 4:12.

Sa pamamagitan ng propetang si Oseas, sinabi ni Jehova: “Ang Efraim ay naging tinapay na bilog na hindi ibinaligtad.” (Os 7:8) Nakisama ang Efraim (Israel) sa mga bayang pagano, anupat tinularan ang kanilang mga lakad at nakipag-alyansa sa mga bansang pagano, kaya naman naging katulad siya ng isang tinapay na hindi ibinaligtad. Pangkaraniwan noon na iluto ang mga tinapay sa ibabaw ng mainit na abo o mga bato. Kapag hindi ibinaligtad ang mga tinapay na iyon, maaaring maluto o masunog pa nga ang ilalim ng mga iyon samantalang hilaw na hilaw pa ang ibabaw.

Kapag ipinagdiriwang ng Israel ang Paskuwa, “mga tinapay na walang pampaalsa” (o tinapay na walang lebadura; sa Heb., mats·tsohthʹ) ang dapat nilang kainin, at kaugnay ng pagdiriwang na ito ang “kapistahan ng mga tinapay na walang pampaalsa.” (Exo 12:8, 15, 17-20; 13:3-7; 23:15; 34:18; Deu 16:3, 8, 16) Kabilang sa mga handog na dapat ihain ng Israel sa Diyos na Jehova ang mga tinapay na hugis-singsing na walang pampaalsa na nilagyan ng langis o ang maninipis na tinapay na walang pampaalsa na pinahiran ng langis. (Lev 2:4-7, 11, 12) Sa kautusan tungkol sa haing pansalu-salo na ihahandog kay Jehova, may probisyon din para sa paghahandog ng mga tinapay na hugis-singsing na tinapay na may lebadura.​—Lev 7:13.

Pagkatapos dalhin sa Jerusalem ang kaban ng tipan, “hinati-hati [ni David] sa buong bayan, sa buong pulutong ng Israel, sa lalaki at gayundin sa babae, sa bawat isa ang isang tinapay na hugis-singsing [sa Heb., chal·lathʹ] at isang kakaning datiles [sa Heb., ʼesh·parʹ] at isang kakaning pasas [sa Heb., ʼashi·shahʹ], pagkatapos ay umuwi ang buong bayan sa kani-kaniyang bahay.” (2 Sa 6:19) Ang kakaning pasas ay pinatuyong mga ubas o mga pasas na pinipi. Gayunman, posible na ang ibang kakaning pasas na ginawa noong sinaunang panahon ay gawa sa mga pasas at harina.

Noong mga araw ni Jeremias, nagsagawa ng huwad na pagsamba ang mga taong-bayan ng Juda at Jerusalem, at ang mga babae roon ay “nagmamasa ng masang harina upang gumawa ng mga haing tinapay para sa ‘reyna ng langit.’⁠” (Jer 7:18) Sa Jeremias 44:19, binabanggit din ang huwad na bathalang ito at ang “mga haing tinapay” (sa Heb., kaw·wa·nimʹ) na ginawa para sa kaniya. Hindi matiyak kung ano ang mga sangkap ng mga haing tinapay na ito, ngunit maliwanag na inilalagay ang mga ito sa altar bilang handog.​—Tingnan ang REYNA NG LANGIT.

Ang iba pang uri ng tinapay na binanggit sa Bibliya ay ang ‘mga kakaning igos na pinipi [o pinatuyo]’ (sa Heb., deve·limʹ [1Sa 30:12; Isa 38:21]), “tinapay na matamis” (sa Heb., la·shadhʹ; Bil 11:8), ‘mga tinapay na lapad’ (sa Heb., tsap·pi·chithʹ; Exo 16:31), “bilog na tinapay” (sa Heb., tselulʹ; Huk 7:13), ‘mga kakaning pasas’ (sa Heb., tsim·mu·qimʹ; 1Sa 25:18), at “mga tinapay na binudburan” (sa Heb., niq·qu·dhimʹ; 1Ha 14:3). Ang salitang Griego na aʹzy·mos ay nangangahulugang “walang pampaalsa; walang lebadura,” at ang walang-kasarian at pangmaramihang anyo nito ay ginagamit upang tumukoy sa “walang pampaalsang tinapay” at sa “kapistahan ng mga tinapay na walang pampaalsa.”​—1Co 5:8; Mar 14:1.

Makasagisag na Paggamit. Ang terminong “tinapay,” gaya ng pagkakagamit sa Bibliya, ay may iba’t ibang makasagisag na pagkakapit. Halimbawa, sinabi nina Josue at Caleb sa nagkakatipong mga Israelita na ang mga tumatahan sa Canaan ay “tinapay sa atin,” maliwanag na nangangahulugang madaling matalo ang mga iyon at na mapalalakas o mapatitibay ang Israel ng karanasang iyon. (Bil 14:9) Waring ipinahihiwatig naman ng Awit 80:5 ang matinding lumbay na dulot ng di-pagsang-ayon ng Diyos, anupat sinasabi roon tungkol sa Pastol ng Israel na si Jehova: “Pinakain mo sila ng tinapay na mga luha.” Tinutukoy rin si Jehova bilang ang nagbibigay sa kaniyang bayan ng “tinapay sa anyo ng kabagabagan at ng tubig sa anyo ng paniniil,” maliwanag na tumutukoy sa mga kalagayang daranasin nila kapag kinubkob sila anupat magiging pangkaraniwan sa kanila ang mga iyon gaya ng tinapay at tubig.​—Isa 30:20.

Tungkol sa mga taong napakabalakyot anupat “hindi sila natutulog malibang makagawa sila ng kasamaan,” sinasabi ng aklat ng Mga Kawikaan: “Pinakakain nila ang kanilang sarili ng tinapay ng kabalakyutan.” (Kaw 4:14-17) Oo, waring pinalalakas nila ang kanilang sarili sa pamamagitan ng balakyot na mga gawa. Tungkol sa isang tao na maaaring nagtatamo ng materyal na mga paglalaan para sa buhay sa pamamagitan ng panlilinlang o pandaraya, sinasabi ng Kawikaan 20:17: “Ang tinapay na natamo sa pamamagitan ng kabulaanan ay kalugud-lugod sa isang tao, ngunit pagkatapos ay mapupuno ng graba ang kaniyang bibig.” Sinasabi naman may kinalaman sa mabuti at masipag na asawang babae: “Ang tinapay ng katamaran ay hindi niya kinakain.”​—Kaw 31:27.

Makasagisag ding ginagamit ng Bibliya ang “tinapay” sa kaayaayang diwa. Ipinakikita ng Isaias 55:2 na ang espirituwal na mga paglalaan ni Jehova ay higit na mahalaga kaysa sa materyal na mga bagay, na sinasabi: “Bakit kayo patuloy na nagbabayad ng salapi para sa hindi naman tinapay, at bakit ang inyong pagpapagal ay hindi sa ikabubusog? Makinig kayong mabuti sa akin, at kumain kayo ng bagay na mabuti, at hayaang ang inyong kaluluwa ay makasumpong ng masidhing kaluguran nito sa katabaan.”

Noong pasinayaan niya ang bagong hapunan na magpapaalaala sa kaniyang kamatayan (noong Nisan 14, 33 C.E.), “kumuha si Jesus ng tinapay at, pagkatapos bumigkas ng pagpapala, pinagputul-putol niya ito at, nang ibinibigay sa mga alagad, sinabi niya: ‘Kunin ninyo, kainin ninyo. Ito ay nangangahulugan ng aking katawan.’⁠” (Mat 26:26) Ang tinapay ay nangahulugan ng sariling katawang laman ni Jesus “na siyang ibibigay alang-alang sa inyo.”​—Luc 22:19; 1Co 11:23, 24.

Mga isang taon bago nito, ipinakita ni Jesu-Kristo ang kaibahan ng “tinapay na bumababa mula sa langit” at ng manna na kinain ng mga Israelita sa ilang at sinabi niya nang tuwiran: “Ako ang tinapay ng buhay.” Ipinakita niya na siya ang “tinapay na buháy na bumaba mula sa langit,” pagkatapos ay idinagdag niya: “Kung ang sinuman ay kumain ng tinapay na ito siya ay mabubuhay magpakailanman; at, ang totoo, ang tinapay na ibibigay ko ay ang aking laman alang-alang sa buhay ng sanlibutan.” (Ju 6:48-51) Kailangan itong ‘kainin’ ng isang tao sa makasagisag na paraan, sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pananampalataya sa bisa ng sakdal na hain ni Jesus bilang tao. (Ju 6:40) Noong umakyat si Jesus sa langit, iniharap niya ang halaga ng kaniyang haing pantubos sa kaniyang Ama, ang Diyos na Jehova. Sa pamamagitan ng halaga nito, makapagbibigay si Kristo ng buhay sa lahat ng taong masunurin. Gaya ng inihula sa ilalim ng pagkasi ng Diyos, isinilang si Jesus sa Betlehem, na nangangahulugang “Bahay ng Tinapay” (Mik 5:2; Luc 2:11), at sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, inilalaan ang nagbibigay-buhay na “tinapay” para sa lahat ng taong nananampalataya.​—Ju 6:31-35.