Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tinig

Tinig

Sa Kasulatan, ang mga tunog na nanggagaling sa mga persona kapag nagsasalita, umaawit, at mga katulad nito, gayundin yaong nagmumula sa mga hayop, ay tinutukoy sa pamamagitan ng salitang Hebreo na qohl, ng katumbas nito sa Aramaiko na qal, at ng salitang Griego na pho·neʹ. (Gen 3:8, 10; 21:17; Job 4:10; Dan 4:31; Mat 27:46) Bukod sa “tinig,” ang qohl ay maaari ring tumukoy sa “kulog,” “tunog,” “ingay,” “balita,” at iba pa. (Gen 45:16; Exo 9:28; 20:18; 32:17) Sa katulad na paraan, ang pho·neʹ ay maaaring magkaroon ng mga kahulugan gaya ng “hugong,” “hiyaw,” “tunog ng pananalita,” at “tunog,” at maging ng “tinig.”​—Ju 3:8; Gaw 19:34; 1Co 14:10, 11; Heb 12:26; Apo 8:13.

Mga Espiritung Persona. Ang apostol na si Pablo ay may binanggit na “mga wika ng mga tao at ng mga anghel,” anupat nagpapahiwatig na ang mga espiritung persona ay may wika at pananalita. (1Co 13:1) Noong nakalipas, ang mga anghel, gayundin ang Diyos na Jehova mismo, ay narinig na nagsalita sa mga tunog ng tinig at mga wika na naririnig at nauunawaan ng mga tao. Ngunit hindi dapat ipalagay na gayong tinig ang ginagamit nila sa pakikipagtalastasan sa isa’t isa sa langit, sapagkat kailangan ang isang atmospera na katulad ng nakapalibot sa planetang lupa upang makalikha ng mga sound wave ng tinig na maririnig at makikilala ng tainga ng tao.

Samakatuwid, sa mga pangyayari noon kung kailan ang Diyos o ang mga anghel ay nagsalita sa pamamagitan ng tinig sa pandinig ng mga tao, ang kanilang tinig ay kapahayagan ng kanilang pananalita matapos itong kumbertihin sa mga sound wave, kung paanong kapag may lumitaw na mga anghel sa pangitain ng tao, nangangailangan ito ng pagkakatawang-tao o ng pagtatawid ng isang larawan sa isip ng tao. Sa ngayon, kayang gawin kahit ng mga taong siyentipiko ang pagkumberte sa mga sound wave ng tinig ng isang indibiduwal upang maging mga electric impulse na maaaring maitawid tungo sa isang receiver, anupat kaya naman nitong baguhin ang mga impulse na iyon upang muling maging mga tunog na kahawig na kahawig ng tinig ng naturang indibiduwal.

May mga tao bang aktuwal na nakarinig sa tinig ng Diyos mismo?

Sa tatlong pagkakataon sa rekord ng Bibliya, iniuulat na si Jehova ay nagsalita sa paraang naririnig ng mga tao. Ang mga ito ay: (1) Noong panahon ng bautismo ni Jesus (29 C.E.), nang sabihin ni Jehova: “Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.” Walang alinlangang narinig kapuwa ni Jesus at ni Juan na Tagapagbautismo ang tinig na ito. (Mat 3:17; Mar 1:11; Luc 3:22) (2) Noong magbagong-anyo si Jesus (32 C.E.), kasama ang mga apostol na sina Pedro, Santiago, at Juan, nang bigkasin ang halos gayunding mga salita. (Mat 17:5; Mar 9:7; Luc 9:35) (3) Noong 33 C.E., di-kalaunan bago ang huling Paskuwa ni Jesus, nang, bilang tugon sa kahilingan ni Jesus na luwalhatiin ng Diyos ang Kaniyang pangalan, isang tinig mula sa langit ang nagsabi: “Kapuwa ko ito niluwalhati at luluwalhatiing muli.” Inakala ng pulutong na kumulog noon o na isang anghel ang nagsalita kay Jesus.​—Ju 12:28, 29.

Sa mga pagkakataong iyon, ang Diyos na Jehova mismo ang nagpahayag sa pamamagitan ng naririnig na mga tunog ng pananalita na nauunawaan ng kaniyang mga lingkod. Maliwanag na sa huling nabanggit na pagkakataon, hindi malinaw na narinig ng pulutong ang tinig, yamang inihambing ito ng ilan sa kulog. Walang alinlangang si Jehova ang nagsalita sa mga pagkakataong iyon, sapagkat si Jesus, na pinatutungkulan ng mga pananalitang binigkas, ay sariling Anak ng Diyos, anupat mas malapít sa Ama kaysa sa sinumang ibang nilalang.​—Mat 11:27.

Noong panahon ng Paskuwa ng 31 C.E., nang makipag-usap si Jesus sa isang grupo ng di-sumasampalatayang mga Judio, sinabi niya sa kanila: “Gayundin, ang Ama na nagsugo sa akin ang siyang nagpatotoo tungkol sa akin. Hindi ninyo kailanman narinig ang kaniyang tinig ni nakita man ang kaniyang anyo; at hindi nananatili sa inyo ang kaniyang salita, sapagkat yaon mismong isinugo niya ay hindi ninyo pinaniniwalaan.” (Ju 5:37, 38) Hindi pa kailanman narinig ng di-sumasampalatayang pulutong na ito ang tinig ng Diyos, at hindi sila sumusunod sa kaniyang salita ni tumatalima man sa maliwanag na patotoong nakita nila sa pagsuporta ng Diyos sa mga gawain ni Jesus. Kaya naman maliwanag na noong panahong iyon, tanging si Jesus at si Juan na Tagapagbautismo pa lamang ang nakarinig sa naririnig na tinig ni Jehova, sapagkat ang huling dalawang pagkakataon ng pagsasalita ni Jehova ay hindi pa nangyayari noon.

Kung minsan, ang pagbanggit ng Bibliya sa “tinig” ni Jehova ay tumutukoy sa awtoridad ng kaniyang utos bilang “ang tinig ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.”​—Eze 10:5, RS.

Tinig ng mga anghel. Sa iba pang mga pagkakataon na ‘nagsalita’ ang Diyos, mga anghel ang ginamit bilang mga kinatawan niya upang magpahayag sa pamamagitan ng tinig. Mga anghel ang kumatawan sa Diyos nang magsalita siya kay Moises sa Bundok Horeb at sa Israel, na nagkakatipon noon malapit sa paanan ng bundok. (Exo 34:4-7; 20:1-17; Gal 3:19) Kung minsan, ang mga anghel na ito ay walang anumang anyong ipinakikita, gaya noong marinig ang tinig mula sa yumayanig at umuusok na bundok. (Exo 20:18, 19; Deu 4:11, 12; Heb 12:18, 19) Kung minsan ay nagpapakita sila sa pangitain (Dan 8:1, 15, 16; Apo 14:15-18) at sa ilang pagkakataon ay nagkatawang-tao sila upang maghatid ng sinasalitang mga mensahe sa mga tao.​—Gen 18:1-3, 20; 19:1; Jos 5:13-15.

Pakikinig sa Tinig ng Diyos. Ang ‘pakikinig sa tinig ng Diyos’ ay hindi laging nangangahulugan ng pagkarinig sa isang literal at naririnig na tinig. Mas madalas, nangangahulugan ito ng pagkilala at pakikinig nang may pagsunod sa bagay na ipinasulat ng Diyos sa kaniyang Salita at itinawid sa pamamagitan ng kaniyang makalupang mga lingkod na kumakatawan sa kaniya. (1Ju 2:3, 4) Sa gayon, ang “tinig” ay ginagamit upang tumukoy sa “bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova,” samakatuwid nga, sa kaniyang mga utos, bibigan man itong iniharap sa indibiduwal ng Diyos mismo o ng mga anghel o mga tao, o sa pamamagitan ng kinasihang kasulatan.​—Aw 103:20; Mat 4:4; tingnan ang PAGKAMASUNURIN.

Pakikinig sa Tinig ni Jesus. Tinukoy ni Jesu-Kristo ang kaniyang sarili bilang “ang mabuting pastol” anupat ang kaniyang mga tupa ay “nakikinig sa kaniyang tinig, . . . ang mga tupa ay sumusunod sa kaniya, sapagkat kilala nila ang kaniyang tinig. . . . sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng ibang mga tao.” (Ju 10:2-5, 11) Yaong mga kabilang sa “mga tupa” ni Kristo ay ‘nakakakilala’ sa kaniyang tinig sapagkat kanilang kinikilala at tinatanggap bilang tunay ang mga sinasabi ni Kristo gaya ng nakaulat sa Bibliya. Ayaw nilang kilalanin ang turo ng ‘ibang mga tao,’ o mga bulaang pastol. “Nakikinig” sila sa kaniyang tinig sa pamamagitan ng pagsunod nila sa kaniyang mga utos gaya ng nakasaad sa Kasulatan. (Ju 15:10, 15) Yamang si Kristo Jesus ang Punong Kinatawan ng Diyos, na laging nakikinig sa tinig ni Jehova at nagsasalita niyaong mga iniuutos ni Jehova, ang isa na sumusunod kay Kristo ay magiging kaisa ni Jehova.​—Ju 5:19; 1Ju 2:6.

Ang tinig ng binuhay-muling si Jesu-Kristo. Pagkatapos na buhaying-muli at umakyat sa langit, si Kristo ay nagpakita kay Saul ng Tarso (nang maglaon ay naging ang apostol na si Pablo), anupat nagsalita siya kay Saul sa isang tinig na naunawaan nito ngunit hindi naunawaan ng mga lalaking kasama nito. (Gaw 9:1-9; 22:6-11; 26:12-18) Sa Gawa 9:7, sinasabi ng ulat na ang mga lalaking kasama ni Saul ay nakarinig ng “isang tinig [“tunog,” mga tlb sa Da at Ro].” Dito, ang ginamit ay ang salitang Griego na pho·nesʹ, na kaukulang genitive [buhat sa pinagmulan] ng pho·neʹ, sa diwa ng ‘pagkarinig sa tinig.’ Dahil dito, posibleng nangangahulugan ito na ang narinig lamang ng mga lalaki ay ang tunog ng tinig, ngunit hindi nila ito naunawaan. Nang ilahad ni Pablo ang karanasang ito nang dakong huli, sinabi niya na “hindi narinig [ng mga lalaking iyon] ang tinig niyaong nagsasalita.” (Gaw 22:9) Sa ulat namang ito, ang ginamit ay ang kaukulang accusative (objective) [para sa pinatutungkulan] na pho·nenʹ. Maaaring magpahiwatig ito ng diwa na, bagaman narinig ng kanilang mga tainga ang tunog, hindi nila narinig ang tinig bilang malilinaw na salita na naunawaan nila gaya ni Saul, na siyang kinakausap ni Kristo.

Nang sumusulat ang apostol na si Pablo sa kongregasyon ng Tesalonica tungkol sa pagtitipon ng mga banal na pinahiran ng Diyos, sinabi niya: “Ang Panginoon [si Jesu-Kristo] mismo ay bababa mula sa langit na may nag-uutos na panawagan, may tinig ng arkanghel at may trumpeta ng Diyos.” (1Te 4:16) Ang terminong “arkanghel” ay nangangahulugang “punong anghel” o “pangunahing anghel.” Maliwanag na itinatawag-pansin ni Pablo sa pananalitang “tinig ng arkanghel” ang awtoridad ng nag-uutos na tinig ni Jesus. Noong naririto si Jesus sa lupa, isiniwalat niya ang awtoridad na ipinagkaloob ng Diyos sa kaniya nang sabihin niya: “Sapagkat kung paanong ang Ama ay may buhay sa kaniyang sarili, gayundin niya ipinagkaloob sa Anak na magkaroon ng buhay sa kaniyang sarili. At binigyan niya siya ng awtoridad na gumawa ng paghatol, sapagkat siya ay Anak ng tao. . . . Ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at lalabas.”​—Ju 5:26-29.

Paggamit ng Tinig ng Tao. Ang tinig, kasama ng wika, ay kaloob ng Diyos. Dahil dito, ang tinig ay dapat gamitin sa pagpuri sa Diyos. Maaari itong gawin sa pamamagitan ng pagsasalita tungkol sa “mariringal na mga bagay ng Diyos,” pagpapatibay sa iba sa pamamagitan ng impormasyon mula sa Salita ng Diyos na katotohanan, o sa mga awit ng papuri at pasasalamat.​—Gaw 2:11; Aw 42:4; 47:1; 98:5; Efe 5:19; Col 3:16.

Naririnig ng Diyos ang tinig ng kaniyang mga lingkod. Yaong mga naglilingkod sa Diyos sa espiritu at katotohanan ay maaaring tumawag sa Diyos taglay ang katiyakan na naririnig niya ang kanilang tinig, anuman ang wikang ginagamit nila sa pagtawag sa kaniya. Bukod diyan, kahit pa nga walang kalakip na literal na tinig, anupat ang pakiusap sa Diyos ay tahimik lamang, ang Diyos, na nakakakilala sa mga puso ng mga tao, ay “dumirinig” o nagbibigay-pansin. (Aw 66:19; 86:6; 116:1; 1Sa 1:13; Ne 2:4) Naririnig ng Diyos ang mga napipighati na humihingi ng tulong sa kaniya, at naririnig din niya ang tinig at nalalaman ang mga intensiyon ng mga taong sumasalansang sa kaniya at nagpapakana ng kasamaan laban sa kaniyang mga lingkod.​—Gen 21:17; Aw 55:18, 19; 69:33; 94:9-11; Jer 23:25.

Walang-buhay na mga Bagay. Marami sa di-mabilang na mga bagay na nilalang ng Diyos ang hindi nakalilikha ng tunog ng tinig. Ngunit ang salitang Hebreo na qohl (“tinig,” “tunog”) ay ginagamit may kinalaman sa patotoong ibinibigay ng walang-tinig na mga bagay na ito tungkol sa karingalan ng kanilang Maylalang. (Aw 19:1-4) Sa pamamagitan ng personipikasyon, ang karunungan ay sinasabing ‘naglalakas ng tinig nito’ sa mga liwasan, sapagkat maaari itong kunin ng lahat niyaong naghahanap nito, at iniutos ng Diyos na ang karunungan ay ipahayag sa lahat, anupat walang maidadahilan ang sinumang hindi nakikinig.​—Kaw 1:20-30.

Makasagisag na Paggamit. Ang panggigipuspos ng mga tumatahan sa Jerusalem dahil sa napipintong pagsalakay ng Babilonya ay inihahambing sa nababagabag na tinig ng isang babaing may sakit, anupat “ang tinig ng anak na babae ng Sion” ay inihahalintulad sa tinig ng babaing nagsisilang ng kaniyang unang anak. (Jer 4:31) Ibababa ng kaaway ang Jerusalem nang gayon na lamang anupat ang anumang kapahayagang gagawin sa pamamagitan ng kaniyang tinig ay manggagaling sa kaniyang hamak na posisyon na waring nasa alabok at magiging tulad ng mahinang tinig ng isang espiritista. (Isa 29:4) Sa pamamagitan ng propetang si Jeremias, inihula rin ng Diyos na ang Ehipto ay lulupigin ng mga Babilonyo, na hukbu-hukbong paroroon na gaya ng mga mamumutol ng kahoy, upang putulin siya. Mahihiga siya sa lupa, abang-aba samantalang tumatangis nang mahina at humahalinghing, anupat ang kaniyang “tinig” ay magiging mahina tulad niyaong sa isang serpiyenteng sumasagitsit habang umuurong.​—Jer 46:22.