Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tinik

Tinik

Alinman sa maraming halaman na matinik o nakatutusok. Mahigit sa 70 uri ng matitinik na halaman ang iniulat na tumutubo sa Israel, kabilang sa mga ito ang thorny burnet, ang thorny caper, ang acanthus, ang boxthorn, at ang mga hawthorn. Bagaman ang mga halamang tinik ay nakapanliligalig sa tao, hindi naman lubusang walang-silbi ang mga ito. Ang matitinik na halaman ay ginamit bilang mga bakod (Os 2:6) at panggatong (Ec 7:6), at ang mga ito ay nagsilbing pagkain para sa mga asno, mga kamelyo, at mga kambing. Nitong kalilipas na mga panahon lamang, maaaring gaya rin ng ginawa noong sinauna, ang boxthorn at ang kambron partikular na ay ginagamit bilang mga bakod, at ang thorny burnet naman ay pinuputol upang maging panggatong ng mga hurnuhan ng apog.​—Isa 33:12.

Ang mga epekto ng isinumpang lupa, pati ang mga tinik at mga dawag nito, ay damang-dama ng mga inapo ni Adan (Gen 3:17, 18), anupat tinukoy ng ama ni Noe na si Lamec ang ‘kirot ng aming mga kamay dahil sa lupang isinumpa ni Jehova.’ (Gen 5:29) Pagkatapos ng Baha, pinagpala ni Jehova si Noe at ang mga anak nito, anupat sinabi niya na ang layunin niya para sa kanila ay punuin nila ang lupa. (Gen 9:1) Lumilitaw na noon ay inalis na ang sumpa ng Diyos sa lupa. (Gen 13:10) Gayunman, di-gaya sa kaso ng sakdal na si Adan, hindi sinabihan ni Jehova si Noe at ang pamilya nito na ‘supilin ang lupa.’ (Ihambing ang Gen 1:28 sa Gen 8:21–9:2.) Ipinahihiwatig nito na, kung wala ang patnubay ng Diyos, hindi kailanman masusupil ng di-sakdal na tao ang lupa sa paraang orihinal na nilayon ng Diyos. Patuloy na daranasin ng tao ang mga hirap sa pagsasaka ng lupa, pati na ang pakikipagpunyagi sa mapanligalig na mga halaman gaya ng mga tinik at mga dawag. Walang alinlangan, dahil sa maling paggamit ng tao sa yaman ng lupa ay nadagdagan ang kaniyang mga problema sa bagay na ito.

Sa Lupang Pangako, “isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan” (Exo 3:8), kinailangan ng mga Israelita na magtrabaho upang mapanatili ang lupain na walang mga tinik at iba pang mga panirang-damo, yamang madaling tumubo ang mga ito sa lupaing napabayaan o tiwangwang. (Isa 5:6; 7:23-25; 34:13) Nang bandang huli, dahil sa pagsuway nito kay Jehova, nagdulot ang Israel ng espirituwal na pagkawasak sa bansa, ang “mana” ng Diyos, at nakita ito noon kapuwa sa makasagisag at sa literal na paraan sa kanilang pagpapagal nang walang kabuluhan, anupat naghasik sila ng trigo ngunit gumapas sila ng mga tinik.​—Jer 12:7, 13.

Gaya ng itinampok sa ilustrasyon ni Jesus may kinalaman sa manghahasik, naging banta ang mga tinik sa pagtubo ng sinasakang pananim. (Mat 13:7; Luc 8:7) Kaya bago sakahin ang isang bukid na punô ng mga tinik at mga dawag, inaalis muna ang mapanligalig na mga halamang ito, karaniwan nang sa pamamagitan ng pagsunog sa bukid. (Heb 6:8) Ang mga tinik ay maaari ring pagmulan ng sunog. Lalo na sa panahon ng pag-aani, kapag ang mga tinik na katabi ng mga nakatayong halamang butil ay tuyo, madali silang magliyab, at ang isang buong bukirin ay maaaring matupok habang kumakalat ang apoy mula sa mga tinik tungo sa mga butil.​—Exo 22:6.

Bilang panlilibak, naglikaw ang mga kawal na Romano ng isang koronang tinik at inilagay ito sa ulo ni Jesus. (Mar 15:17; Ju 19:2) Bagaman ang partikular na halamang tinutukoy ay iniuugnay ng marami sa Paliurus spina-christi, isang palumpong na tumataas nang 6 na m (20 piye) at may malalambot na sanga at matitigas na tinik, hindi posibleng matiyak ang pagkakakilanlan nito.

Makasagisag na Paggamit. Ang “mga tinik” ay madalas banggitin sa makasagisag, o makatalinghagang diwa. Ang mga Asiryano, bagaman sala-salabid na gaya ng mga tinik, ay lalamuning gaya ng pinaggapasan na lubusang tuyo. (Na 1:10) Ginagamit din ang mga tinik upang tumukoy sa mga tao, pati na sa mga tagapamahala, na nakatakdang hatulan dahil sa kanilang masasamang pagkilos. (2Ha 14:9, 10; Isa 9:18, 19; 10:17-19) Ang balakyot na mga sumasalansang sa lingkod ni Jehova ay inilarawang pinapatay na tulad ng apoy sa mga tinikang-palumpong. (Aw 118:10, 12) Tinukoy ni Jesu-Kristo ang mga tinik noong inilalarawan niya ang katotohanan na ang mga indibiduwal ay nakikilala sa kanilang mga bunga.​—Mat 7:16.

Ang mga tinik ay tumutukoy sa mga tao at mga bagay na nagdudulot ng pinsala at mapanligalig. (Bil 33:55; Kaw 22:5; Eze 28:24) Maaaring ang “tinik sa laman” ni Pablo (2Co 12:7) ay isang karamdaman sa kaniyang mga mata o sa ibang bahagi ng kaniyang katawan (tingnan ang Gaw 23:1-5; Gal 4:15; 6:11) o marahil ay ang mga bulaang apostol at iba pang manggugulo na humamon sa pagka-apostol at sa gawain ni Pablo. (Tingnan ang 2Co 11:5, 6, 12-15; Gal 1:6-9; 5:12; 6:17.) Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Jeremias, inihambing ni Jehova ang mga puso ng mga tao ng Juda at ng mga tumatahan sa Jerusalem sa lupa na nababalutan ng mga tinik, samakatuwid nga, ng kabulaanan, kawalang-katarungan, at kalikuan. (Jer 4:1-4; ihambing ang Os 10:12, 13.) Ang paghahalili sa mga tinik ng mga punungkahoy ay angkop na lumalarawan sa pagsasauli ng pagsang-ayon ng Diyos.​—Isa 55:13; tingnan ang KAMBRON; MATINIK NA PALUMPONG; PALUMPONG; LOTUS, PUNONG; PANIRANG-DAMO.