Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tinta

Tinta

Ang salitang Hebreo na deyohʹ, na matatagpuan lamang sa Jeremias 36:18, ay posibleng isang salitang hiram mula sa wikang Ehipsiyo. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan naman, tatlong ulit lamang na lumilitaw ang meʹlan (2Co 3:3; 2Ju 12; 3Ju 13) at ito ang anyong walang-kasarian ng pang-uring panlalaki na meʹlas, nangangahulugang “itim.”​—Mat 5:36; Apo 6:5, 12.

Karaniwan na, ang mga tinta ay gawa sa isang sangkap o materyal na pangkulay na inihalo sa isang timplada na may sahing, kola, o barnis; ang timpladang ito ay nagsisilbi kapuwa bilang tagapagdala ng pangkulay, o vehicle, at bilang pandikit upang kumapit ang pangkulay sa pinagsusulatan. Makikita sa pinakamatatandang pormula ng tinta, at sa pinakamatatandang ispesimen na natagpuan, na ang pangkulay na ginagamit noon ay itim na mga sangkap na may karbon, alinman sa abo na di-anyong kristal mula sa sinunog na langis o kahoy, o uling na anyong kristal mula sa hayop o halaman. Ang mga pangkulay naman ng tintang pula ay mula sa mga iron oxide. Gumamit din ng ilang uri ng tintura ang sinaunang mga tao. Sinabi ni Josephus na ang kopya ng Kautusang ipinadala kay Ptolemy Philadelphus ay isinulat sa mga titik na ginto. (Jewish Antiquities, XII, 89 [ii, 11]) Kung ginamit man ang mga katas ng halaman o mga tina bilang pangkulay sa mga tinta, matagal nang naglaho ang mga iyon dahil ang mga iyon ay madaling masira.

Upang makagawa ng pinakamaiinam na tinta, kailangan ang maraming panahon upang magiling nang pino ang pangkulay at humalo itong mabuti sa timplada. Pagkatapos, ang tinta ay kadalasang iniimbak bilang pinatuyong limpak o bara, na binabasâ ng eskriba nang husto habang ipinapahid niya sa tinta ang kaniyang pinsel o tambo.

Ang mga tintang Tsino ay matagal nang kilalá bilang ang pinakamatitingkad at ang pinakatumatagal na tinta. Ang mga dokumentong isinulat gamit ang ilan sa mga tintang ito ay maaaring ibabad sa tubig nang ilang linggo nang hindi natatanggal ang tinta. Sa kabilang dako, mayroon ding mga tintang ginawa na maaaring burahin ng basang espongha o mamasa-masang tela. Maaaring ito ang naging saligan nang sabihin ni Jehova, sa makasagisag na paraan, “Ang sinumang nagkasala laban sa akin, papawiin ko siya mula sa aking aklat.”​—Exo 32:33; tingnan din ang Bil 5:23; Aw 109:13, 14.