Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tipaklong

Tipaklong

[sa Heb., cha·ghavʹ; sa Ingles, grasshopper].

Hindi matiyak kung aling insekto o mga insekto ang tinutukoy ng terminong Hebreo na cha·ghavʹ. Gayunman, dahil ang hustong-gulang at may-pakpak na balang (sa Heb., ʼar·behʹ) ay binanggit kasama ng cha·ghavʹ sa Levitico 11:22 (bilang malinis na pagkain), maaaring ang cha·ghavʹ ay tumutukoy sa isang insektong lumulukso at hindi sa insektong lumilipad.​—Tingnan ang tlb sa Rbi8.

Ang katawagang Ingles na “grasshopper” ay ikinakapit sa alinman sa maraming lumuluksong insekto na mula sa mga pamilyang Acrididae (na kinabibilangan ng mga nandarayuhang balang at mga tipaklong na may maiikling sungot) at Tettigoniidae (kinabibilangan ng mga tipaklong na may mahahabang sungot).

Sa Kasulatan, bukod sa itinala ang tipaklong bilang insektong malinis kainin at mapanira sa mga pananim (2Cr 7:13), binanggit din ito sa makatalinghagang tagpo. Halimbawa, iniulat ng di-tapat na mga Israelitang tiktik na kung ihahambing sa laki ng mga naninirahan sa Canaan, sila’y gaya ng mga tipaklong. (Bil 13:33) Dahil sa kadakilaan ni Jehova, ang mga tao, lalo na yaong mga sumasalansang sa Diyos, ay gaya ng mga tipaklong sa pangmalas niya. (Isa 40:22) Bilang paglalarawan sa mga hirap na dulot ng pagtanda, ginamit ng tagapagtipon ang anyo ng isang tipaklong na kinakaladkad ang sarili nito, sa gayo’y inilarawan niya ang taong may-edad bilang nakabaluktot at naninigas ang katawan, na ang mga braso ay parang nakapamaywang sa likod.​—Ec 12:5; tingnan ang BALANG.