Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tipunang-tubig ng Batis

Tipunang-tubig ng Batis

Isang tipunang-tubig o imbakan ng tubig. Lumilitaw na ito’y nasa dakong T ng Lunsod ni David kung saan nagsasalubong ang Libis ng Hinom at ang Gitnang Libis (Libis ng Tyropoeon). (Ne 3:15) Waring ang tipunang-tubig na ito ay tinawag ding “mababang tipunang-tubig.”​—Isa 22:9.

Tinutukoy ito bilang “Tipunang-tubig ng Shela” sa tekstong Masoretiko sa Nehemias 3:15. Naniniwala ang ilang iskolar na ang “Shela” ay dapat baguhin at gawing “Siloa,” na nangangahulugang “Tagapagpadala” at tumutukoy sa isang kanal, o lagusan, ng tubig patungo sa isang tipunang-tubig. (Isa 8:6) Kaya bagaman hindi isinalin ng ilang bersiyon ng Bibliya ang “Shela,” isinalin naman ng The Jerusalem Bible ang pananalitang ito bilang “padaluyan ng tubig,” at ang Bagong Sanlibutang Salin ay kababasahan ng “Tipunang-tubig ng Batis.”

May natagpuang mga guho ng isang lagusan, o kanal, na bumabagtas patungong T mula sa bukal ng Gihon. Sumusunod ito sa kurba ng pampang ng Kidron at ang dulo nito’y isang sinaunang imbakan ng tubig na tinatawag ngayong Birket el-Hamra. May mga seksiyon ng kanal na natatakpan ng malalapad na bato, ngunit waring may mga butas upang makalabas ang tubig para patubigan ang ilang bahagi ng libis. Palusong nang kaunti ang kanal at maaaring ito ang tinutukoy sa mga salitang “ang tubig ng Siloa na umaagos nang banayad.” (Isa 8:6) Ang lokasyon ng Birket el-Hamra ay tumutugma sa binanggit ni Nehemias na lokasyon ng Tipunang-tubig ng Batis, malapit sa Hardin ng Hari at sa Hagdanan na pababa mula sa T na dulo ng Lunsod ni David.