Tirhaka
Kadalasang ipinakikilala bilang si Paraon Taharqa, bagaman ang mga petsa na karaniwang itinatakda ng makabagong mga istoryador sa pamamahala ni Taharqa ay hindi tumutugma sa kronolohiya ng Bibliya. (Para sa katibayang mas pabor sa kronolohiya ng Bibliya kaysa sa sekular, tingnan ang KRONOLOHIYA [Ang Kronolohiya ng Bibliya at ang Sekular na Kasaysayan].) Noong panahon ng paghahari ni Hezekias, habang nakikipaglaban ang Asiryanong si Haring Senakerib laban sa Libna, dumating ang balita na si Tirhaka, ang Etiopeng hari ng Ehipto, ay paparating upang makipaglaban sa mga Asiryano. (2Ha 19:8, 9; Isa 37:8, 9) Isang inskripsiyong Asiryano, bagaman hindi bumabanggit kay Tirhaka, ay nagsasaad na tinalo ni Senakerib ang mga hukbo na nanggaling sa Ehipto at binihag ang “mga tagapagpatakbo ng karo ng hari ng Etiopia.” Ipinaghambog naman ng sumunod na Asiryanong hari, si Esar-hadon, ang kaniyang paglupig sa Ehipto, na sinasabi: “Ang hari nito, si Tirhaka, ay sinugatan ko nang limang ulit ng mga tama ng palaso at namahala ako sa kaniyang buong bansa.” Noong panahon ng paghahari ng anak at kahalili ni Esar-hadon na si Ashurbanipal, naghimagsik si Tirhaka laban sa pagpapasakop sa Asirya. Ngunit, ayon kay Ashurbanipal, “ang pagkasindak sa (sagradong) sandata ni Ashur, na aking panginoon, ay nanaig kay Tirhaka sa dakong pinanganlungan niya at wala nang nabalitaan pa tungkol sa kaniya.”—Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 287, 288, 290, 295.