Tito
Isang Griegong Kristiyano na nagpagal kasama ng apostol na si Pablo. Nang panahong bumangon ang usapin ng pagtutuli sa Antioquia (mga 49 C.E.), lumilitaw na sumama si Tito kina Pablo at Bernabe patungong Jerusalem. (Gaw 15:1, 2; Gal 2:1-3) Noong mga 55 C.E., si Tito ay walang-pag-iimbot na naglingkod sa kongregasyon sa Corinto, yamang isinugo siya sa Corinto ng apostol na si Pablo upang tumulong sa paglikom ng pondo para sa nagdarahop na mga kapatid sa Judea at marahil upang alamin din ang reaksiyon ng kongregasyon sa unang liham ni Pablo sa kanila. (2Co 2:13; 8:1-6; 12:17, 18) Pagkatapos nito, nang makita ni Tito ang apostol sa Macedonia, nakapagbigay siya ng mabuting ulat tungkol sa kongregasyon sa Corinto, ulat na nagdulot ng kaaliwan at kagalakan kay Pablo. Si Tito mismo ay nagkaroon ng malaking pagmamahal para sa mga Kristiyanong taga-Corinto dahil sa kanilang pagkamasunurin at dahil ang kanilang kapuri-puring saloobin ay naging bukal ng pampatibay-loob at kagalakan sa kaniya.—2Co 7:6, 7, 13-15.
Yamang si Tito ang nagpasimula ng mga bagay-bagay may kaugnayan sa pag-aabuloy, ninais ni Pablo na tapusin ni Tito ang gawaing iyon at pinapurihan niya ito sa kongregasyon sa Corinto bilang “isang kabahagi ko at kamanggagawa para sa inyong mga kapakanan.” Palibhasa’y may taimtim na interes sa kapakanan ng mga taga-Corinto, at pinatibay-loob ng apostol na gawin iyon, kusang-loob na lumisan si Tito patungong Corinto.—2Co 8:6, 16, 17, 23.
Pagkatapos na mapalaya si Pablo mula sa kaniyang unang pagkakabilanggo sa Roma, lumilitaw na sina Tito at Timoteo ay gumawang kasama niya sa ministeryo. Habang nasa Creta (maliwanag na sa pagitan ng 61 at 64 C.E.), iniwan ni Pablo roon si Tito upang ‘ituwid ang mga bagay na may depekto at mag-atas ng matatandang lalaki sa bawat lunsod.’ (Tit 1:4, 5) Lumilitaw na ito ay isang pansamantalang atas, sapagkat hiniling ni Pablo na gawin ni Tito ang buong makakaya nito upang masamahan siya sa Nicopolis.—Tit 3:12.
Noong ikalawang pagkakabilanggo ni Pablo sa Roma (mga 65 C.E.), si Tito, malamang na sa tagubilin ng apostol o may pagsang-ayon nito, ay umalis patungong Dalmacia.—2Ti 4:10; tingnan ang DALMACIA.