Tiya
Ang kapatid na babae ng ina o ama ng isang tao, o ang asawa ng kaniyang tiyo. Sa Hebreong Kasulatan lamang binabanggit ang ganitong kaugnayan ng magkamag-anak. Doon, ang seksuwal na pakikipagtalik sa isang malapit na kamag-anak, gaya ng isang tiya, ay itinuturing na insesto at mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng Kautusang Mosaiko.—Lev 18:12-14; 20:19, 20.
May kinalaman sa mga magulang ni Moises, ang tekstong Masoretiko ay kababasahan: “At kinuha ni Amram si Jokebed na kapatid na babae ng kaniyang ama bilang asawa.” (Exo 6:20; Bil 26:59) Noong panahong iyon ay pinahihintulutan pa ang gayong pag-aasawa, yamang nangyari iyon mahigit na 80 taon bago ibigay ang Kautusan.—Tingnan ang JOKEBED.