Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tiyan

Tiyan

Ang bahagi ng katawan ng tao o hayop na kinaroroonan ng sistema ng panunaw at ng iba pang mga sangkap. Ang tiyan ng ilang hayop ay may apat na kompartment. Sa ilalim ng Kautusan, ang tiyan (sa Heb., qe·vahʹ) ng handog na hayop ay kailangang ibigay sa saserdote ng taong naghahain.​—Deu 18:3.

Ang salitang Hebreo na beʹten ay hindi lamang ginamit upang tumukoy sa tiyan (Huk 3:21, 22; Kaw 13:25), kundi ilang ulit din itong ginamit may kaugnayan sa pagkabuo ng isang bata sa loob ng katawan ng ina nito. (Gen 25:23, 24; Job 1:21; Aw 127:3; Ec 11:5; Isa 44:2; Os 9:11) Ang mga anak ay bunga ng bahay-bata na nasa tiyan. Gayunman, may isa pang salitang Hebreo, reʹchem (o raʹcham), na espesipikong tumutukoy sa bahay-bata, gaya ng mapapansin sa Job 31:15: “Hindi ba ang Isa na lumikha sa akin sa tiyan ang lumikha sa kaniya, at hindi ba Isa lamang ang naghanda sa amin sa bahay-bata?”​—Tingnan din ang Gen 49:25; Aw 22:10; Kaw 30:16.

Ang salitang Hebreo na beʹten (pinakatiyan) ay ginagamit din bilang isang termino sa arkitektura sa 1 Hari 7:20. Tumutukoy ito sa isang bahaging nakaumbok, isang bagay na pabilog at nakausli.

Sa ilang pagkakataon, kapag ginagamit ang mga salitang Hebreo na isinasalin bilang “mga panloob na bahagi,” lumilitaw na kasama rito ang “tiyan.” (Jon 1:17) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang koi·liʹa ay nangangahulugang isang “butas” at isinasalin sa iba’t ibang paraan bilang “tiyan” (Ro 16:18; 1Co 6:13, Int; Fil 3:19), “bahay-bata” (Luc 1:15, 41), “mga bituka” (Mat 15:17), at “kaloob-loobang bahagi” (Ju 7:38), depende sa konteksto. Inirekomenda ng apostol na si Pablo kay Timoteo na gumamit ng kaunting alak dahil sa kaniyang tiyan o sikmura (sa Gr., stoʹma·khos).​—1Ti 5:23.

Ang “tiyan” ay ginagamit sa makasagisag na paraan upang tumukoy sa makalamang pita, o pagnanasa (Ro 16:18; Fil 3:19), at bilang pinagmumulan ng pananalita o pangangatuwiran. (Job 15:2; 32:18, 19) Noong si Jonas ay nasa tiyan ng isda, inihambing niya sa Sheol ang pinakaloob ng isda nang sabihin niya, “Mula sa tiyan ng Sheol ay humingi ako ng tulong,” dahil para na rin siyang patay malibang makahimala siyang iligtas ni Jehova.​—Jon 2:2; tingnan ang BAHAY-BATA; BITUKA, MGA.