Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tiyo

Tiyo

Ang terminong Hebreo na dohdh, na kung minsan ay isinasaling “tiyo,” “kapatid na lalaki ng ama,” o “kapatid ng ama” (Lev 10:4; 20:20; 25:49; Bil 36:11; 1Sa 10:14-16; 14:50; Es 2:7, 15; Jer 32:7-9, 12; Am 6:10), ay may mas malawak na kahulugan kaysa sa salitang Tagalog na “tiyo.” Hindi lamang ito tumutukoy sa isang kamag-anak, kadalasa’y kapatid na lalaki ng ama, kundi maaari rin itong tumukoy (sa anyong pang-isahan o pangmaramihan) sa “pag-ibig” (Kaw 7:18), sa mga kapahayagan ng pagmamahal o ng pag-ibig (Sol 1:2, 4; Eze 16:8; 23:17), at sa isa na minamahal o iniibig (Sol 1:14, 16; Isa 5:1). Gayunman, kadalasa’y malalaman sa konteksto o sa iba pang kaugnay na mga kasulatan kung anong kaugnayang pampamilya ang tinutukoy ng salitang Hebreo na dohdh. Halimbawa, ginagamit ang dohdh upang ipakita kung ano ang kaugnayan ni Haring Jehoiakin kay Haring Zedekias. Yamang si Zedekias ay kapatid ng ama ni Jehoiakin na si Jehoiakim, maliwanag na ang salitang dohdh sa kasong ito ay tumutukoy sa isang tiyo, o sa kapatid na lalaki ng ama. (2Ha 24:6, 15, 17; 1Cr 3:15) Ibang ugnayang pampamilya naman ang tinutukoy sa 1 Cronica 27:32, kung saan ang tagapayong si Jonatan ay sinasabing dohdh ni David. Ipinakikita ng 2 Samuel 21:21 at ng 1 Cronica 20:7 na si Jonatan ay anak ng kapatid ni David na si Simei. Batay rito, malamang na ang dohdh ni David ay tumutukoy sa pamangkin ni David at hindi sa kaniyang tiyo.

Ang anyong pambabae ng dohdh ay ginagamit naman para sa tiya. (Exo 6:20; Lev 18:14; 20:20) Sa Hebreo, ang isang tiyo sa pamilya ng ina ay tinutukoy ng pananalitang ‘kapatid ng ina.’​—Gen 29:10.

Ang “anak na lalaki ng kapatid na babae ni Pablo” ang nagsiwalat kay Pablo, at pagkatapos ay sa Romanong kumandante ng Jerusalem, ng pakanang binuo para patayin ang kaniyang tiyo.​—Gaw 23:16-22.