Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tolda

Tolda

Isang napagkakalas-kalas na silungan na yari sa tela o balat at sinusuhayan ng mga tukod. Kabilang ang mga tolda sa pinakasinaunang mga uri ng gawang-taong mga tahanan (Gen 4:20; 9:21) at karaniwang ginagamit ng mga pagala-galang grupo ng mga tao sa Gitnang Silangan.​—Gen 9:27; Aw 83:6.

Sa Bibliya ay may ilang detalye tungkol sa disenyo at paggamit ng mga tolda. Karagdagan dito ang kaalaman tungkol sa mga toldang ginamit ng mga Arabe nitong nakaraang mga taon, yamang waring wala namang gaanong ipinagkaiba ang mga iyon sa mga tolda noong kapanahunan ng Bibliya. Naniniwala ang maraming iskolar na ang pinakasinaunang mga tolda ay yari sa balat ng hayop. (Gen 3:21; Exo 26:14) Sa makabagong-panahong mga Bedouin, karaniwan lamang ang mga tolda na gawa sa maitim na tela na yari sa balahibo ng kambing. (Ihambing ang Exo 36:14; Sol 1:5.) Pinagtatahi-tahi ang pahabang mga piraso ng materyal na ito at ang kabuuang laki ng parihabang tolda ay depende sa kung gaano kayaman ang may-ari niyaon at kung ilan ang maninirahan doon. Ang tolda ay sinusuhayan ng maraming tukod na mga 1.5 hanggang 2 m (5 hanggang 7 piye) ang haba, anupat ang pinakamataas na tukod ay nasa bandang gitna; upang hindi maibuwal ng hangin, nakatali ito nang matibay sa lupa sa pamamagitan ng mga panali na nakakabit sa mga pantoldang tulos. (Huk 4:21) Bilang pantabing at proteksiyon sa hangin, nagsasabit ng mga tela sa mga gilid ng tolda, ngunit ang mga ito ay maaaring iangat o alisin para sa bentilasyon.

Lumilitaw na noong panahon ng Bibliya, ang mas malalaking tolda ay kadalasang hinahati sa dalawang silid sa pamamagitan ng pagsasabit ng mga telang pantolda. Ang “tolda ni Sara” na binabanggit sa Genesis 24:67 ay maaaring tumutukoy sa kaniyang silid o sa isang tolda na siya lamang ang umuukupa, sapagkat ang ilang mayayamang lalaki noon ay maraming pag-aaring tolda, at kung minsan ay binibigyan ang mga babae ng kani-kaniyang tolda. (Gen 13:5; 31:33) Malamang na nilatagan ng mga sapin ang sahig na lupa sa loob ng tolda.

Ang mga tolda ay isang pagkakakilanlang katangian noon ng pagala-galang pamumuhay, anupat naiiba ang mga ito sa mga bahay niyaong mga nakapirme sa isang lugar. Kaya naman inilalarawan si Abraham bilang “tumira sa mga tolda” habang “hinihintay niya ang lunsod na may tunay na mga pundasyon.” (Heb 11:9, 10) Waring noong panahon ng pamamalagi nila sa Ehipto, ang mga Israelita ay pangunahin nang nanirahan sa mga bahay, hindi sa mga tolda. (Exo 12:7) Ngunit pagkaalis nila sa Ehipto, tumahan silang muli sa mga tolda (Exo 16:16) at ginamit nila ang mga ito sa loob ng 40 taon sa ilang. (Lev 14:8; Bil 16:26) Noong yugtong iyon, dalawang partikular na tolda ang may pantanging kahalagahan, “ang tabernakulo” at ang tolda ni Moises.​—Exo 25:8, 9; 26:1; 33:7; tingnan ang TABERNAKULO; TOLDA NG KAPISANAN.

Kahit noong masakop na ng mga Israelita ang Lupang Pangako, ang mga pastol o ang mga manggagawa sa agrikultura na nasa bukid ay gumagamit pa rin ng mga tolda paminsan-minsan. (Sol 1:8) Malamang na sila ang tinutukoy sa Zacarias 12:7, yamang sila ang unang maaapektuhan at mangangailangan ng proteksiyon kapag dumating ang isang kaaway na bansa laban sa lupain upang sumalakay sa lunsod ng Jerusalem. Mga tolda rin ang ginagamit noon ng mga kumandante ng militar at ng mga hukbo kapag sila ay nasa malalayong ekspedisyon.​—1Sa 17:54; 2Ha 7:7; ihambing ang Dan 11:45.

Walang alinlangan na dahil matagal na panahong gumamit ng mga tolda ang mga Israelita kung kaya ginamit noon ang “tolda” sa matulaing paraan upang tumukoy sa anumang tirahan, kahit isang karaniwang bahay ang tinutukoy.​—Exo 12:23, 30; 1Sa 13:2; 1Ha 12:16; Aw 78:51.

Makasagisag na mga Paggamit. Ang pagiging pamilyar noon ng mga tao sa mga tolda ay makikita rin sa maraming makasagisag na pagtukoy ng Bibliya sa mga tolda. Noong panahong malapit na siyang mamatay, sumulat si Hezekias: “Ang aking tirahan ay binunot at inalis sa akin na parang tolda ng mga pastol.” (Isa 38:12) Kung paanong madaling baklasin at alisin ang isang tolda na nakatirik sa isang lugar, anupat inilalabas ang mga tukod at binubunot ang mga tulos nito, gayundin ang dako ni Hezekias sa lupain ng mga buháy ay waring pansamantala lamang at madaling alisin. Inihalintulad naman ni Elipaz ang kamatayan sa pagbunot ng pantoldang panali, na magiging dahilan upang bumagsak ang isang tolda.​—Job 4:21.

Kahawig nito, ginamit ni Pablo ang metapora ng isang tolda nang tukuyin niya ang katawang-tao ng mga Kristiyanong inianak sa espiritu. Ang isang toldang napagkakalas-kalas ay isang mas marupok at pansamantalang tirahan kung ihahambing sa karaniwang bahay. Bagaman nabubuhay sa lupa taglay ang isang mortal na katawang laman, ang mga Kristiyanong nagtataglay ng espiritu bilang palatandaan ng makalangit na buhay sa hinaharap ay umaasa sa “isang gusali mula sa Diyos,” isang makalangit na katawan na walang hanggan at walang kasiraan.​—1Co 15:50-53; 2Co 5:1-5; ihambing ang 2Pe 1:13, 14.

Nang ilarawan ni Jeremias ang pagkapuksang sasapit sa mga Judio, ginamit niya ang kaanyuan ng isang tolda. (Jer 4:20) Inihalintulad niya ang tiwangwang na bansa sa isang babae na may toldang nakabagsak, anupat ang mga panali nito ay putol. Bukod sa kaniyang kahabag-habag na kalagayan, ang mga anak niya ay nasa pagkatapon, kaya naman walang sinumang naiwan na maaari sanang tumulong sa kaniya sa pagtataas at paglaladlad ng tolda. (Jer 10:20) Nang wasakin ng mga Babilonyo ang Jerusalem, ang lunsod bilang isang dating kalipunan ng mga tirahan ay maaaring ilarawan bilang ang “tolda ng anak na babae ng Sion” na doo’y ibinuhos ng Diyos ang kaniyang pagngangalit.​—Pan 2:4.

Sa ilang pagkakataon, ginamit din ang “tolda” sa iba namang makasagisag na paraan. Ang tolda ng isang indibiduwal ay isang dako ng kapahingahan at proteksiyon laban sa masamang lagay ng panahon. (Gen 18:1) Dahil sa mga kaugalian may kinalaman sa pagkamapagpatuloy, may dahilang umasa ang mga bisita na pangangalagaan at igagalang sila kapag tinanggap sila sa tolda ng isang tao. Kaya naman nang sabihin sa Apocalipsis 7:15 tungkol sa malaking pulutong na ‘ilulukob ng Diyos sa kanila ang kaniyang tolda,’ nagpapahiwatig ito ng mapagsanggalang na pangangalaga at katiwasayan. (Aw 61:3, 4) Tinutukoy ni Isaias ang mga paghahandang gagawin ng asawa ng Diyos, ang Sion, para sa mga anak na lalaki na iluluwal nito. Sinabihan ang babae na “paluwangin mo pa ang dako ng iyong tolda.” (Isa 54:2) Dahil dito, palalawakin pa niya ang dako ng proteksiyon para sa kaniyang mga anak.

Sa Apocalipsis 21:1-3, itinuon ng Diyos ang pangitain ni Juan sa Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo at sinabi: “Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila [o, magtotolda siyang kasama nila].” Inilalarawan ng tolda, o tabernakulo, sa ilang, na ang Diyos ay mananahanang kasama ng sangkatauhan, hindi sa tuwirang paraan, kundi sa makasagisag na paraan habang nakikitungo siya sa kanila sa pamamagitan ng “Kordero ng Diyos,” na siya ring dakilang Mataas na Saserdote.​—Exo 25:8; 33:20; Ju 1:29; Heb 4:14.