Tomas
[mula sa Aramaiko, nangangahulugang “Kakambal”].
Ang apostol na ito ni Jesu-Kristo ay tinawag na “Ang Kakambal,” o Didymous. (Mat 10:3; Mar 3:18; Luc 6:15; Ju 11:16, tlb sa Rbi8) Lumilitaw na siya ay tila mapusok sa pagpapahayag ng kaniyang damdamin o sa pagsasabi ng kaniyang mga pag-aalinlangan. Gayunman, nang mawala ang kaniyang pag-aalinlangan, hindi nag-atubili si Tomas sa pagpapahayag ng kaniyang paniniwala.
Nang imungkahi ni Jesus na bumalik sila sa Judea upang magising niya si Lazaro mula sa kamatayan, ipinahayag ni Tomas: “Humayo rin tayo, upang mamatay tayong kasama niya.” (Ju 11:16) Yamang hindi pa natatagalan bago nito ay tinangka ng mga Judeano na batuhin si Jesus (Ju 11:7, 8), marahil ang nasa isip ni Tomas ay patibaying-loob ang iba pang mga alagad na samahan si Jesus kahit na magbunga ito ng pagsama nila kay Lazaro o kay Jesus sa kamatayan.
Nagpakita si Tomas ng mapag-alinlangang saloobin bilang tugon sa komento ni Jesus hinggil sa pag-alis nito upang maghanda ng isang dako para sa mga apostol, na sinasabi: “Panginoon, hindi namin alam kung saan ka paroroon. Paano namin malalaman ang daan?” (Ju 14:2-6) Gayundin, pagkarinig tungkol sa pagkabuhay-muli ni Jesus, sinabi ni Tomas: “Malibang makita ko sa kaniyang mga kamay ang bakas ng mga pako at maipasok ko ang aking daliri sa bakas ng mga pako at maipasok ang aking kamay sa kaniyang tagiliran, hindi talaga ako maniniwala.” Pagkaraan ng walong araw ay nagkaroon si Tomas ng pagkakataon na gawin ito nang muling magpakita si Jesus sa mga alagad. Ngunit hindi binanggit kung aktuwal na nasalat ni Tomas ang mga sugat sa pagkakataong iyon. Gayunma’y nakumbinsi siya at bumulalas: “Panginoon ko at Diyos ko!” Sa gayon ay malumanay siyang sinaway ni Kristo, na sinasabi: “Maligaya yaong mga hindi nakakakita at gayunma’y naniniwala.”—Ju 20:24-29.