Tore
Isang gusali (o isang bahagi ng isang istraktura) na kadalasa’y mas mataas kaysa sa diyametro nito at sa kapaligiran nito. Ang kasaysayan ng pagtatayo ng mga tore ay nagsimula di-nagtagal pagkatapos ng Baha nang ipahayag ng mga lalaking nasa Kapatagan ng Sinar: “Halikayo! Ipagtayo natin ang ating sarili ng isang lunsod at gayundin ng isang tore na ang taluktok nito ay nasa langit.” (Gen 11:2-4) Ipinapalagay na ang istilo ng toreng ito ay katulad ng pahilis at hugis-piramideng relihiyosong mga ziggurat na natuklasan sa bahaging iyon ng daigdig.—Tingnan ang ARKEOLOHIYA (Babilonia); BABEL.
Mga simpleng tore ang itinatayo sa mga ubasan upang makita at mabantayang mabuti ng mga bantay ang mga ubasan laban sa mga magnanakaw at mga hayop.—Isa 5:1, 2; Mat 21:33; Mar 12:1.
Bilang pandepensa, ang mga tore ay itinatayo sa mismong mga pader ng mga lunsod. Kadalasa’y mas prominenteng mga tore ang itinatayo sa mga panulukan at sa magkabilang tabi ng mga pintuang-daan. (2Cr 26:9; 32:5; Eze 26:4, 9; Zef 1:16; 3:6) Sa ilang kaso, ang mga tore ay nagsilbing sunud-sunod na mga himpilan sa kahabaan ng hanggahan, o kanlungan para sa mga pastol at iba pa sa mga lugar na malayo sa kanayunan.—2Cr 26:10; 27:4; tingnan ang BANTAYAN; KUTA.
Kadalasan, isang tore sa loob ng lunsod ang nagsisilbing kuta o citadel. Gayon ang mga tore ng Sikem, Tebez, at Penuel. (Huk 8:9, 17; 9:46-54) Mayroon ding natagpuang mga guho ng mga tore ng lunsod sa Jerico, Bet-san, Lakis, Megido, Mizpa, at Samaria.
Ang terminong Hebreo na migh·dalʹ, nangangahulugang “tore” (Eze 29:10; 30:6), ay makikita sa pangalan ng ilang mga lugar, gaya ng Migdal-gad (nangangahulugang “Tore ng Mabuting Kapalaran”) at Migdal-el (nangangahulugang “Tore ng Diyos”).—Jos 15:37; 19:38.
Kung minsan, ang lumulusob na mga hukbo ay nagtatayo ng “mga toreng pangubkob” kapag Isa 23:13.
sumasalakay sa mga nakukutaang lunsod. Sa matataas na istrakturang ito pumupuwesto ang mga mamamana o mambabato. Gayundin, ang ilang toreng pansalakay ay may mga pambundol at pananggalang sa mga nagpapatakbo ng mga pambundol.—Ang mga Tore ng Jerusalem. Ang Tore ng mga Lutuang Pugon ay nasa HK panig ng lunsod malapit sa o nasa Panulukang Pintuang-daan. (Ne 3:11; 12:38) Hindi matiyak kung bakit ganito ang ipinangalan dito, ngunit posibleng noon ay may mga komersiyanteng magtitinapay sa kapaligiran nito. Maaaring isa ito sa mga toreng itinayo ni Uzias, na naghari sa Jerusalem mula 829 hanggang 778 B.C.E. (2Cr 26:9) Sa kahabaan ng H pader ng lunsod ay may dalawa pang mahahalagang tore: Ang Tore ng Hananel ay muling itinayo at pinabanal noong mga araw ni Nehemias. (Ne 3:1; 12:39; Jer 31:38; Zac 14:10) Matatagpuan malapit dito sa dakong S nito malapit sa Pintuang-daan ng mga Tupa ang Tore ng Mea. Hindi alam kung bakit ito tinawag na Mea, na nangangahulugang “Sandaan.”—Ne 3:1; 12:39.
Nasa kahabaan ng S pader sa T ng lugar ng templo ang tinutukoy na “tore na nakalitaw,” at sa gawing T pa, sa may kapaligiran ng palasyo ni David, ay may isang tore na iniuugnay sa Bahay ng Hari malapit sa Looban ng Bantay. (Ne 3:25-27) Ipinapalagay ng ilan na ang huling nabanggit na toreng ito ang tinutukoy sa Awit ni Solomon bilang “tore ni David, na itinayo sa patung-patong na mga bato, na kinasasabitan ng isang libong kalasag, ng lahat ng bilog na mga kalasag ng makapangyarihang mga lalaki.” (Sol 4:4) Hindi dapat ipagkamali ang toreng ito sa mas makabagong Tore ni David, na kinabibilangan ng tore ni Phasael. Ang toreng ito ni Phasael ay isa sa tatlong tore na itinayo ni Herodes na Dakila para protektahan ang kaniyang bagong palasyo na itinayo malapit sa lokasyon ng sinaunang Panulukang Pintuang-daan sa K panig ng lunsod.
Ang Tore sa Siloam ay malamang na nasa kapaligiran ng tipunang-tubig na may pangalan ding Siloam sa TS sektor ng Jerusalem. Binanggit ni Jesus na ang toreng ito’y bumagsak, at pumatay ng 18 katao, isang pangyayari na malamang ay sariwa pa sa alaala ng mga nakikinig sa kaniya.—Luc 13:4; tingnan din ang ANTONIA, TORE NG.
Makasagisag na Paggamit. Yaong umaasa nang may pananampalataya at pagkamasunurin kay Jehova ay may malaking katiwasayan, gaya ng inawit ni David: “Ikaw [Jehova] ay naging isang kanlungan para sa akin, isang matibay na tore sa harap ng kaaway.” (Aw 61:3) Yaong mga kumikilala sa kahulugan ng kaniyang pangalan, at nagtitiwala at may-katapatang kumakatawan sa pangalang iyon, ay walang dapat ikatakot, sapagkat: “Ang pangalan ni Jehova ay matibay na tore. Doon tumatakbo ang matuwid at ipinagsasanggalang.”—Kaw 18:10; ihambing ang 1Sa 17:45-47.