Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Traconite

Traconite

[mula sa salitang-ugat na Gr. na nangangahulugang “malubak,” malamang na isang malubak na lugar].

Ang rehiyon na, kasama ng Iturea, nasa ilalim ng pangangasiwa ni Felipe, isang Romanong tagapamahala ng distrito noong panahon ng mga ministeryo ni Juan na Tagapagbautismo at ni Jesus. (Luc 3:1) Ang hilagaang mga hangganan ng Traconite ay mga 40 km (25 mi) sa TS ng Damasco sa hilagang-silanganing bahagi ng Basan. Kung laki ang pag-uusapan, saklaw nito ang isang hugis-peras na lugar na mga 900 km kuwadrado (350 mi kuwadrado).

Sa kalakhang bahagi, ang gitnang bahagi ng lupaing ito ay nababalutan ng nakalantad na mga deposito ng lava na may malalalim na bitak at butas, anupat kaunting lupa na lamang ang natitira para pagtamnan ng ibang halaman maliban sa mga ubasan. Ito ay isang lupaing ilang, di-kaayaaya, at mapanglaw, anupat kilala sa ngayon sa pangalang Arabe na el Leja (nangangahulugang “ang Kanlungan”), sapagkat angkop itong pagtaguan ng mga takas mula sa batas.

Kung ibabatay sa mga guho ng sinaunang mga lunsod nito, may panahon na ang populasyon ng Traconite ay mas malaki kaysa sa kasalukuyan. Ang hindi paggamit ng kahoy sa pagtatayo ng mga lunsod na ito ay nagpapahiwatig na kahit noong sinaunang mga panahon, malamang na ang lupaing ito ay salat sa kahoy gaya rin sa ngayon. Subalit dahil sapat ang ulan doon at mayroon itong mga bukal, posibleng mag-alaga roon ng mga tupa at mga kambing.

Ang Traconite ay minsan lamang binanggit sa Bibliya, bagaman ilang ulit na tinukoy nina Strabo at Josephus ang rehiyong ito. Mula sa gayong mga sekular na impormasyon, nabatid na inilakip ng Romanong si Emperador Augusto ang Traconite sa kahariang teritoryo na ibinigay kay Herodes na Dakila. Pagkamatay ni Herodes, tinanggap ng kaniyang anak na si Felipe ang Traconite bilang bahagi ng tetrarkiya nito na pinamahalaan nito hanggang noong mamatay ito.