Tribo
Isang grupo ng mga tao, na binubuo ng maraming pamilya o lipi na nagkakaisa dahil sa kanilang lahi o kaugalian sa ilalim ng iisang lider o mga lider.
Ang mga salitang Hebreo na kadalasang isinasalin bilang “tribo” (mat·tehʹ at sheʹvet) ay kapuwa nangangahulugang “tungkod” o “baston.” (Exo 7:12; Kaw 13:24) Lumilitaw na nang maglaon, ang mga salitang ito ay tumukoy sa “tribo” sa diwa ng isang grupo ng mga tao na pinangungunahan ng isang pinuno o mga pinuno na may dalang setro o baston. (Ihambing ang Bil 17:2-6.) Karaniwan na, kapag ipinakikita ng konteksto na ang alinman sa mga salitang ito ay ginamit upang mangahulugang “tribo,” ang tinutukoy ay isa sa mga tribo ng Israel, gaya ng “tribo [mat·tehʹ] ni Gad” o “tribo [sheʹvet] ng mga Levita.” (Jos 13:24, 33) Gayunman, maliwanag na ang ‘tribo na tinubos ng Diyos bilang kaniyang mana,’ na binanggit sa Awit 74:2, ay tumutukoy sa buong bansang Israel, anupat tinatawag itong isang “tribo” o grupo ng mga tao na natatangi sa ibang mga bansa at mga grupo ng mga tao. Waring ang terminong “tribo” sa Bilang 4:18 ay ginagamit naman sa isang mas limitadong diwa, yamang ikinakapit ito sa mga Kohatita na isang sanga ng tribo ni Levi. Ang “mga tribo” ng Ehipto sa Isaias 19:13 ay malamang na kumakapit sa partikular na mga kategorya ng mga tao, maaaring ayon sa rehiyon, katayuan sa lipunan, o sa iba pang salik.
Ang terminong Griego na phy·leʹ (isinasaling “tribo”) ay tumutukoy sa isang grupo ng mga tao na nagkakaisa dahil sa iisa ang kanilang pinagmulang angkan at tumutukoy rin sa isang sanga nito, samakatuwid nga, isang lipi o tribo. Ang salitang ito ay kadalasang ginagamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan may kinalaman sa mga tribo ng bansang Israel. (Gaw 13:21; Ro 11:1; Fil 3:5; Heb 7:13, 14; Apo 5:5) Sa mga pananalitang gaya ng “mula sa bawat tribo at wika at bayan at bansa,” ang “tribo” ay waring tumutukoy sa isang grupo ng mga tao na magkakamag-anak dahil sa iisa ang kanilang pinagmulang angkan. (Apo 5:9) Samakatuwid, malawak ang saklaw ng gayong mga pananalita, anupat tumutukoy sa lahat ng tao, ang mga ito man ay mga tribo ng magkakamag-anak na indibiduwal, mga grupong may kani-kaniyang wika, malalaking sektor ng sangkatauhan, o pulitikal na mga dibisyon. (Apo 7:9; 11:9; 13:7; 14:6) Lumilitaw rin ang phy·leʹ sa pananalitang “lahat ng mga tribo sa lupa” sa Apocalipsis 1:7, na maliwanag na tumutukoy sa lahat ng tao sa lupa, sapagkat sinasabi rin ng talatang ito na “makikita siya ng bawat mata.”—Ihambing ang Mat 24:30.
Mga Tribo ng Israel. Ang kaayusan ng mga tribo sa Israel ay ibinatay sa kung kanino sa 12 anak ni Jacob sila nagmula. (Gen 29:32–30:24; 35:16-18) Ang “labindalawang ulo ng pamilya [sa Gr., doʹde·ka pa·tri·arʹkhas]” na ito ang pinanggalingan ng “labindalawang tribo ni Israel.” (Gen 49:1-28; Gaw 7:8) Gayunman, pinagpala ni Jacob ang dalawang anak ni Jose, si Manases na nakatatanda at si Efraim na nakababata, at sinabi niya: “Si Efraim at si Manases ay magiging akin tulad ni Ruben at ni Simeon [na tunay niyang mga anak].” (Gen 48:5, 13-20) Nang tanggapin ng iba’t ibang tribo ang kanilang lupaing mana sa Lupang Pangako (Jos 13-19), walang “tribo” ni Jose. Sa halip, “ang mga anak ni Jose,” sina Manases at Efraim, ay itinuring na magkahiwalay na mga tribo sa Israel. (Tingnan ang HANGGANAN; MAPA, Tomo 1, p. 744.) Gayunman, gaya ng naisaayos na ni Jehova, hindi naging 13 ang mga tribo ng Israel na tatanggap ng mana, dahil ang mga Levita ay hindi binigyan ng lupaing mana. Pinili ni Jehova ang “tribo ni Levi” (Bil 1:49) bilang kahalili ng mga panganay ng ibang mga tribo upang maglingkod sa santuwaryo. (Exo 13:1, 2; Bil 3:6-13, 41; Deu 10:8, 9; 18:1; tingnan ang LEVITA, MGA) Dahil dito, nagkaroon ng 12 di-Levitang tribo sa Israel.—Jos 3:12, 13; Huk 19:29; 1Ha 11:30-32; Gaw 26:7.
Nang pagpalain ni Moises ang mga tribo (Deu 33:6-24), hindi binanggit ang pangalan ni Simeon, marahil ay dahil lubhang lumiit ang tribo at ang lupain na takdang bahagi nito ay mapapaloob sa teritoryo ng Juda. Sa pangitain ni Ezekiel hinggil sa banal na abuloy at sa 12 tribo, ang mga tribong nakatala ay kapareho niyaong mga tumanggap ng lupaing mana gaya ng makikita sa aklat ng Josue. (Eze 48:1-8, 23-28) Ang tribo ni Levi ay nasa loob ng “banal na abuloy” sa pangitain ni Ezekiel.—Eze 48:9-14, 22.
Pagkakaayos ayon sa tribo. Ang pagkakaorganisa sa mga Israelita ay kadalasan nang nakadepende sa pagkakaayos nila ayon sa tribo. Kapuwa ang pagkakasunud-sunod nila sa paghayo at ang pagkakampo nila sa ilang ay alinsunod sa kanilang mga tribo. (Bil 2:1-31; 10:5, 6, 13-28) Ang lupaing mana ay hinati-hati ayon sa mga tribo, at may ibinigay na pantanging mga kautusan upang ang lupain ay hindi magpalipat-lipat sa iba’t ibang tribo.—Bil 36:7-9; Jos 19:51.
Ang paghahati-hati ng bansa ayon sa mga ulo ng pamilya ay isinagawa rin sa loob ng bawat tribo. Bagaman ang tribo ang pangunahin at pinakamahalagang dibisyon ng bansa, ang bawat tribo ay hinati-hati pa sa malalaking “pamilya” (anupat ginagamit ang salitang “pamilya” sa isang malawak na diwa) salig sa kanilang pinagmulang ulo sa panig ng ama. (Bil 3:20, 24; 34:14) Ang bawat “pamilya” ay kinabibilangan ng maraming indibiduwal na sambahayan. Ang kaayusang ito, na itinulad sa pagkakaayos ayon sa tribo, ay malinaw na ipinakikita ng Josue 7:16-18 at 1 Samuel 9:21; 10:20, 21.
Mga Tribo ng Espirituwal na Israel. Hinati-hati ng Apocalipsis 7:4-8 ang 144,000 miyembro ng espirituwal na Israel sa 12 “tribo” na tig-12,000 bawat isa. (Tingnan ang ISRAEL NG DIYOS.) May bahagyang pagkakaiba ang talaang ito sa mga talaan ng mga anak ni Jacob (kabilang si Levi) na mga ulo ng tribo ng likas na Israel. (Gen 49:28) Maaaring ganito ang dahilan ng pagkakaiba:
Naiwala ng panganay na anak ni Jacob na si Ruben ang karapatan nito bilang panganay dahil sa kaniyang maling paggawi. (Gen 49:3, 4; 1Cr 5:1, 2) Natamo naman ni Jose (ang panganay na anak ni Jacob sa ikalawa ngunit paborito nitong asawa na si Raquel) ang mga pribilehiyo ng panganay na anak, pati na ang karapatang magkaroon ng dalawang bahagi, o takdang bahagi, sa Israel. (Gen 48:21, 22) Sa talaan sa Apocalipsis, maliwanag na si “Jose” ay kumakatawan kay Efraim. Si Manases naman ang kumakatawan sa ikalawang takdang bahagi ni Jose sa espirituwal na Israel. Ang tribo ni Levi ay nakatala at upang mailakip ito nang hindi nadaragdagan ang bilang ng mga tribo, hindi isinama ang tribo ni Dan sa Apocalipsis 7:4-8, ngunit lumilitaw na hindi ito dahil sa anumang pagkukulang ni Dan. Ang paglalakip sa tribo ni Levi ay nagpapakita na walang pantanging makasaserdoteng tribo sa espirituwal na Israel, yamang ang buong espirituwal na bansa ay “isang maharlikang pagkasaserdote.”—1Pe 2:9.
‘Paghatol sa Labindalawang Tribo ng Israel.’ Sinabi ni Jesus sa mga apostol na sa “muling-paglalang” ay ‘uupo sila sa labindalawang trono, na hahatol sa labindalawang tribo ng Israel.’ (Mat 19:28; tingnan ang PAGLALANG, NILALANG [Muling-Paglalang].) At gayunding ideya ang binanggit niya nang makipagtipan siya sa kanila ukol sa isang Kaharian. (Luc 22:28-30) Hindi makatuwirang isipin na ang ibig sabihin ni Jesus ay na hahatulan nila ang 12 tribo ng espirituwal na Israel na nang maglaon ay binanggit sa Apocalipsis, sapagkat ang mga apostol ay mapapabilang sa grupong iyon. (Efe 2:19-22; Apo 3:21) Yaong mga “tinawag upang maging mga banal” ay sinasabing hahatol, hindi sa kanilang sarili, kundi “sa sanlibutan.” (1Co 1:1, 2; 6:2) Yaong mga maghaharing kasama ni Kristo ay bumubuo ng isang kaharian ng mga saserdote. (1Pe 2:9; Apo 5:10) Dahil dito, maliwanag na ang “labindalawang tribo ng Israel” na binanggit sa Mateo 19:28 at Lucas 22:30 ay kumakatawan sa “sanlibutan” ng sangkatauhan na hindi bahagi ng maharlikang uring-saserdoteng iyon at ito ang hahatulan niyaong mga nakaupo sa makalangit na mga trono.—Apo 20:4.