Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Troas

Troas

Ang pangunahing daungang-dagat ng HK Asia Minor na pinanggalingan ni Pablo noong kaniyang unang pagdalaw sa Macedonia, at na paminsan-minsan niyang binabalikan nang maglaon. Ito ay mga 30 km (19 na mi) sa T ng Hellespont (Dardanelles) at mga 25 km (15 mi) sa T ng kinikilalang lugar ng sinaunang Troy. Ang gayunding terminong Griego na isinaling “Troas” ay ikinapit din sa Troad, isang rehiyon sa Misia na nakapalibot sa Troy.

Ang lunsod ng Troas ay unang itinayo ni Antigonus, isa sa mga heneral ni Alejandrong Dakila, noong huling bahagi ng ikaapat na siglo B.C.E. Noong 133 B.C.E., napasailalim ito sa kontrol ng Roma, at pagkatapos nito, ang rehiyon ng Misia ay naging bahagi ng Romanong probinsiya ng Asia. Minsan ay binalak ni Julio Cesar na ilipat sa Troas ang sentro ng pamahalaang Romano. Higit pang pinaboran ni Emperador Augusto ang lunsod sa pamamagitan ng paggawa rito na isang colonia, anupat hindi sakop ng gobernador ng probinsiya ng Asia, at sa pamamagitan ng paglilibre sa mga mamamayan nito mula sa pagbabayad kapuwa ng buwis sa lupa at buwis na pantao.

Noong ikalawang paglalakbay ni Pablo, malamang na noong tagsibol ng 50 C.E., at pagkatapos niyang dumaan sa Frigia at Galacia, ang apostol at ang mga kasamahan niya ay pumunta sa Troas, sapagkat “hindi sila pinahintulutan ng espiritu ni Jesus” na pumaroon sa Bitinia. (Gaw 16:6-8) Sa Troas ay nagkaroon si Pablo ng isang pambihirang pangitain kung saan isang lalaki ang tumatawag sa kaniya: “Tumawid ka sa Macedonia at tulungan mo kami.” Kaagad ay naipasiyang “tinawag kami ng Diyos upang ipahayag sa kanila ang mabuting balita.” Malamang na ang paglitaw ng “kami” sa tekstong ito (at ng “kami” sa sumunod na mga talata) ay nangangahulugang doon sa Troas unang sumama si Lucas sa pangkat ni Pablo at naglakbay siyang kasama nila patawid sa Dagat Aegeano patungong Neapolis.​—Gaw 16:9-12.

Pagkaalis sa Efeso noong kaniyang ikatlong paglalakbay, tumigil si Pablo sa Troas at doon ay ipinangaral niya ang mabuting balita tungkol sa Kristo, sapagkat gaya ng sinabi niya, “Isang pinto ang binuksan sa akin sa Panginoon.” Ngunit pagkaraan ng di-binanggit na haba ng panahon, nabahala ang apostol sapagkat hindi dumating si Tito, kung kaya lumisan siya patungong Macedonia, anupat umaasang makikita niya ito roon.​—Gaw 20:1; 2Co 2:12, 13.

Maliwanag na pinalipas ni Pablo ang taglamig na iyon sa Gresya bago siya muling bumalik sa Troas noong tagsibol ng 56 C.E. (Gaw 20:2-6) Nang panahong iyon ay nanatili si Pablo nang pitong araw anupat nagmiministeryo at nagbibigay ng espirituwal na pampatibay sa mga kapatid na Kristiyano sa Troas. Noong gabi bago siya lumisan, nakipagtipon si Pablo sa kanila at “pinahaba niya ang kaniyang pagsasalita hanggang hatinggabi.” Isang kabataang lalaki na dumalo na nagngangalang Eutico, na nakaupo sa bintana sa ikatlong palapag, ang nakatulog at nahulog anupat ito ay namatay. Makahimalang binuhay-muli ng apostol ang batang lalaki at nagpatuloy siyang makipag-usap sa grupo hanggang sa magbukang-liwayway.​—Gaw 20:6-12.

Malamang na muling dinalaw ni Pablo ang Troas matapos siyang palayain mula sa pagkakabilanggo sa isang bahay sa Roma noong 61 C.E. Sumulat si Pablo kay Timoteo noong ikalawang pagkabilanggo ng apostol sa Roma, mga taóng 65 C.E., anupat hiniling niya na dalhin ni Timoteo ang isang balabal at ilang balumbon at mga pergamino na iniwan ni Pablo kay Carpo sa Troas. Waring napakalayong mangyari na ginawa ni Pablo ang gayong kahilingan pagkaraan pa ng mga siyam na taon, na magiging kaso nga kung ang huling pagdalaw ni Pablo sa tahanan ni Carpo ay noong kaniyang ikatlong paglalakbay noong mga 56 C.E.​—2Ti 4:13.