Tubal
1. Isa sa pitong anak ni Japet.—Gen 10:2; 1Cr 1:5.
2. Isang bayan o isang lupain na kadalasang binabanggit kasama ng Mesec, ang pangalan ng isa pa sa mga anak ni Japet. Ang Tubal, kasama ng Javan at Mesec, ay nakipagkalakalan sa Tiro, anupat nagbili ng mga alipin at mga kagamitang tanso. (Eze 27:13) Sa panambitan ni Ezekiel para sa Ehipto, ang Tubal ay kabilang sa mga “di-tuli” na hihigang kasama ng mga Ehipsiyo sa Sheol, dahil sa kakilabutang idinulot nila. (Eze 32:26, 27) Ang taong-bayan ng Tubal ay kabilang din sa mga nakikipagkaisa kay “Gog ng lupain ng Magog” na tinatawag na “ulong pinuno ng Mesec at Tubal” at na dumadaluhong mula sa “pinakamalalayong bahagi sa hilaga” sa isang mabangis na pagsalakay laban sa bayan ni Jehova. (Eze 38:2, 3; 39:1, 2; tingnan ang GOG Blg. 2.) Sa isa pang hula, patiunang sinabi ni Jehova na magpapadala siya ng mga sugo upang maghayag ng kaniyang kaluwalhatian sa Tubal, Javan, at sa iba pang mga lupain.—Isa 66:19.
Sa gayon, ang Tubal ay nasa dakong H ng Israel ngunit hindi napakalayo anupat hindi ito posibleng makipagkalakalan sa Tiro na nasa Fenicia. Itinuturing ng karamihan sa mga iskolar na ang pangalang ito ay tumutukoy sa mismong bayang Tabali na binanggit sa mga inskripsiyong Asiryano, kung saan ang Tabali at Musku (maliwanag na ang Mesec) ay magkasamang binabanggit. (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 284) Pagkaraan ng ilang siglo, magkasama rin silang itinala ni Herodotus (III, 94) bilang ang Tibareni at ang Moschi. Salig sa bagay na ito, ang lupain ng Tubal (kahit man lamang noong panahong Asiryano) ay itinuturing na nasa dakong HS ng Cilicia sa silangang Asia Minor. Ang pagkakaroon ng mga minahan ng tanso sa rehiyong ito ay katugma ng ulat ng Bibliya.