Tubig
Ang likido na siyang pangunahing sangkap ng lahat ng bagay na nabubuhay. Si Jehova ang Bukal ng likidong ito (Apo 14:7) na napakahalaga sa buhay ng tao, mga hayop, at mga pananim sa lupa. (Exo 17:2, 3; Job 8:11; 14:7-9; Aw 105:29; Isa 1:30) Siya ang naglalaan nito at may kakayahan siyang kontrolin ito. (Exo 14:21-29; Job 5:10; 26:8; 28:25; 37:10; Aw 107:35) Binigyan ng Diyos ng panustos na tubig ang mga Israelita, sa makahimalang paraan pa nga kung kinakailangan (Exo 17:1-7; Ne 9:15, 20; Aw 78:16, 20; Isa 35:6, 7; 43:20; 48:21); binigyan niya sila ng isang lupaing sagana sa tubig (Deu 8:7); at nangako siyang pagpapalain niya ang kanilang suplay ng tubig hangga’t sumusunod sila sa kaniya (Exo 23:25).
Si Jehova ang unang dumilig sa lupa sa pamamagitan ng isang manipis na ulap na pumapailanlang mula sa lupa, at nagtatag siya ng mga batas na umuugit sa pagsingaw ng tubig at sa pagbuhos nito bilang ulan. (Gen 2:5, 6; Job 36:27; Am 5:8; tingnan ang SINGAW, MANIPIS NA ULAP; ULAN; ULAP.) Noong ikalawang araw ng paglalang, gumawa ang Diyos ng isang kalawakan; nalikha ito nang magpailanlang siya sa ibabaw ng globo ng napakaraming tubig samantalang pinanatili naman niya sa lupa ang ibang tubig. Walang alinlangan na ang tubig sa ibabaw ng kalawakang ito ang pinanggalingan ng tubig na nang maglaon ay ginamit sa pagpuksa sa mga balakyot noong Baha ng mga araw ni Noe.—Gen 1:6-8; 7:11, 17-24; Isa 54:9.
Ipinagbawal ng Kautusang ibinigay sa Bundok Sinai ang paggawa ng mga imahen ng mga bagay na “nasa tubig sa ilalim ng lupa,” lumilitaw na tumutukoy sa mga nilalang na nasa mga katubigan ng lupa, na mas mabababa kaysa sa kapantayan ng katihan. Kabilang dito ang mga ilog, mga lawa, mga dagat, at mga tubig na nasa ilalim ng lupa.—Makatalinghaga at Makasagisag na mga Paggamit. Sa Kasulatan, maraming makatalinghaga at makasagisag na mga pagtukoy sa tubig. Ang mga tao, lalo na ang maliligalig na karamihang hiwalay sa Diyos, ay isinasagisag ng tubig. Dahil sa kaniyang pambuong-daigdig na pamumuno, ang Babilonyang Dakila ay sinasabing nakaupo “sa maraming tubig.” Sa pangitain ni Juan tungkol sa dakilang patutot, ipinaliwanag na ang mga tubig na ito ay “nangangahulugan ng mga bayan at mga pulutong at mga bansa at mga wika.”—Apo 17:1, 15; ihambing ang Isa 57:20.
Dahil sa kapangyarihan ng tubig bilang pamuksa o pangwasak (anupat maaari itong makalunod, makatangay ng mga bagay-bagay, o makagawa ng iba pang katulad na mga epekto), madalas itong gamitin bilang sagisag ng mapamuksa o mapangwasak na puwersa. (Aw 69:1, 2, 14, 15; 144:7, 8) Sa Jeremias 47:2, ginagamit ito upang tumukoy sa isang hukbong militar.
Sa tabernakulo noon, ang tubig ay ginamit para sa kalinisan kapuwa sa pisikal at sa makasagisag na mga paraan. Noong italaga ang pagkasaserdote, hinugasan ng tubig ang mga saserdote, at sa makasagisag na paraan naman, ang mga Levita ay winisikan ng “tubig na naglilinis ng kasalanan.” (Exo 29:4; Bil 8:6, 7) Bago sila maglingkod sa santuwaryo ni Jehova at bago sila lumapit sa altar ng handog na sinusunog, ang mga saserdote ay naghuhugas. (Exo 40:30-32) Ginamit din ang tubig sa paghuhugas ng mga hain (Lev 1:9) at sa mga seremonyal na pagpapadalisay. (Lev 14:5-9, 50-52; 15:4-27; 17:15; Bil 19:1-22; tingnan ang MALINIS, KALINISAN.) Sa kaso ng paninibugho, kung saan ang asawang babae ay pinaghihinalaang nangalunya, maliwanag na ang “banal na tubig” na ipinaiinom sa babae ay dalisay at sariwang tubig na nilagyan ng alabok na mula sa tabernakulo.—Bil 5:17-24.
Tubig na nagbibigay-buhay. Si Jehova ang “bukal ng tubig na buháy.” Sa kaniya lamang, sa pamamagitan ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ang Punong Ahente ng buhay, maaaring tumanggap ng buhay na walang hanggan ang mga tao. (Jer 2:13; Ju 17:1, 3) Sa isang babaing Samaritana na nasa tabi ng balon malapit sa Sicar, sinabi ni Jesus na ang tubig na ibibigay niya ay magiging “bukal ng tubig sa [tatanggap nito] na bumabalong upang magbigay ng buhay na walang hanggan.”—Ju 4:7-15.
Iniulat ng apostol na si Juan ang kaniyang pangitain tungkol sa “isang bagong langit at isang bagong lupa” kung saan nakita niyang umaagos mula sa trono ng Diyos ang “isang ilog ng tubig ng buhay.” Sa magkabilang panig ng ilog na ito ay may mga punungkahoy na nagluluwal ng bunga, anupat ang mga dahon ng mga punungkahoy ay ginagamit para sa pagpapagaling sa mga bansa. (Apo 21:1; 22:1, 2) Nang matapos ang bahaging ito ng pangitain, sinabi ni Jesus kay Juan kung bakit niya isinugo ang kaniyang anghel taglay ang pangitaing iyon. Pagkatapos ay narinig ni Juan ang ganitong kapahayagan: “At ang espiritu at ang kasintahang babae ay patuloy na nagsasabi: ‘Halika!’ At ang sinumang nakikinig ay magsabi: ‘Halika!’ At ang sinumang nauuhaw ay pumarito; ang sinumang nagnanais ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.” Maliwanag na ipaaabot ng mga lingkod ng Diyos ang paanyayang ito upang ang mga nauuhaw ay magsimulang uminom ng mga paglalaan ng Diyos para sa pagtatamo ng walang-hanggang buhay sa pamamagitan ng Kordero ng Diyos. (Ju 1:29) Makakakuha na sila ngayon mula sa tubig ng buhay na ito. Ipaaabot ang paanyaya sa lahat ng posibleng maparatingan nito, hindi upang magtamo ng pinansiyal na pakinabang sa pagtitinda ng tubig na ito, kundi upang ibigay ito nang walang bayad sa lahat ng nagnanais nito.—Apo 22:17.
Bago mamatay at buhaying-muli si Jesus, nagsalita siya tungkol sa kaniyang mga tagasunod na tatanggap ng banal na espiritu, pasimula sa Pentecostes 33 C.E., anupat sinabi niya na mula sa kanilang mga kaloob-loobang bahagi ay “aagos ang mga daloy ng tubig na buháy.” (Ju 7:37-39) Ang ulat sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay naglalaan ng saganang katibayan na, udyok ng nagpapakilos na puwersa ng espiritu ng Diyos, ang mga apostol at mga alagad ay nakagawa ng kamangha-manghang mga bagay sa pagdadala ng nagbibigay-buhay na tubig sa ibang mga tao, pasimula sa Jerusalem at hanggang sa buong daigdig na kilala noon.
Pag-aalaga sa salitang itinanim. Nang sumulat ang apostol na si Pablo sa kongregasyon sa Corinto, gumamit siya ng isang naiibang paglalarawan kung saan inihalintulad niya ang gawain ng ministrong Kristiyano sa gawain ng isang magsasaka, na nagtatanim muna ng binhi, nagdidilig nito at nagbubungkal nito, pagkatapos ay naghihintay na palakihin at palaguin ng Diyos ang pananim. Si Pablo ang nagdala ng mabuting balita ng Kaharian sa mga taga-Corinto, anupat siya ang nagtanim ng binhi sa “bukid” ng Corinto. Pagkatapos, dumating si Apolos at sa pamamagitan ng kaniyang 1Co 3:5-9.
karagdagang pagtuturo ay inalagaan at binungkal niya ang binhing inihasik, ngunit ang Diyos, sa pamamagitan ng Kaniyang espiritu, ang nagpalago nito. Ginamit ni Pablo ang ilustrasyong ito upang idiin ang bagay na walang indibiduwal na tao ang mahalaga sa ganang sarili nito, kundi ang lahat ay mga ministro, na nagtutulungan bilang mga manggagawa ng Diyos. Ang Diyos ang Isa na mahalaga, at pinagpapala niya ang gayong walang pag-iimbot at nagkakaisang paggawa.—Ang salita ng Diyos na katotohanan. Ang salita ng Diyos na katotohanan ay inihahalintulad sa tubig na nakalilinis. Ang kongregasyong Kristiyano ay malinis sa paningin ng Diyos, tulad ng isang malinis na kasintahang babae para kay Kristo, na siyang naglinis dito “sa paghuhugas ng tubig sa pamamagitan ng salita.” (Efe 5:25-27) Sa ganito ring diwa, nagsalita si Pablo sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano na may pag-asa na maging mga katulong na saserdote ni Kristo sa langit. Bilang pagtukoy sa tabernakulo at sa kahilingan sa mga saserdote na maghugas sa tubig bago sila pumasok sa santuwaryo upang maglingkod, sinabi niya: “Yamang mayroon tayong isang dakilang saserdote [si Jesu-Kristo] sa bahay ng Diyos, lumapit tayo na may tapat na mga puso sa lubos na katiyakan ng pananampalataya, na . . . ang ating mga katawan ay napaliguan na ng malinis na tubig.” (Heb 10:21, 22) Kalakip sa paglilinis na ito hindi lamang ang kaalaman sa salita ng Diyos kundi gayundin ang pagkakapit nito sa kanilang pang-araw-araw na buhay.
Ang tubig ng bautismo. Ipinaliwanag ni Jesus kay Nicodemo: “Malibang maipanganak ang isa mula sa tubig at espiritu, hindi siya makapapasok sa kaharian ng Diyos.” (Ju 3:5) Lumilitaw na ang tinutukoy ni Jesus ay ang tubig ng bautismo, kapag pinagsisihan ng isang tao ang kaniyang mga kasalanan at tumalikod mula sa kaniyang dating landasin sa buhay, anupat inihaharap ang kaniyang sarili sa Diyos sa pamamagitan ng bautismo sa pangalan ni Jesu-Kristo.—Ihambing ang Efe 4:4, 5, kung saan may binabanggit na “isang bautismo.”
Nang maglaon ay sumulat ang apostol na si Juan: “Siya ito na dumating sa pamamagitan ng tubig at dugo, si Jesu-Kristo . . . Sapagkat may tatlong tagapagpatotoo, ang espiritu at ang tubig at ang dugo, at ang tatlo ay magkakasuwato.” (1Ju 5:5-8) Nang dumating si Jesus “sa sanlibutan,” samakatuwid nga, nang pasimulan niya ang kaniyang landasin ng pagmiministeryo at pagsasakripisyo bilang ang Mesiyas ng Diyos, pumaroon siya kay Juan na Tagapagbautismo upang mailubog siya sa tubig (hindi bilang pagsisisi sa mga kasalanan, kundi bilang paghaharap ng kaniyang sarili sa Diyos, upang isagawa ang kalooban ng Diyos para sa kaniya). (Heb 10:5-7) Pagkatapos nito, bumaba sa kaniya ang espiritu ng Diyos, isang patotoo na siya ang Anak ng Diyos at ang Mesiyas. (Luc 3:21, 22) Ang tubig na ito ng kaniyang bautismo ay kasuwato ng dugo ng kaniyang hain at ng espiritu ng Diyos na pawang may-pagkakaisang nagpapatotoo sa dakilang katotohanang ito tungkol sa Mesiyas.
Iba pang makasagisag na mga paggamit. Sinabi ni David may kinalaman sa mga balakyot: “Malusaw nawa sila na parang nasa tubig na umaagos.” (Aw 58:7) Maaaring ang mga agusang libis na pangkaraniwan sa Palestina ang nasa isip ni David, palibhasa’y marami sa mga ito ang umaapaw at nagiging mapanganib kapag may dumaragsang baha. Ngunit mabilis namang umaagos at humuhupa ang tubig, anupat naiiwang tuyo ang libis.
Noong sinasalakay ng mga Israelita ang lunsod ng Ai, nagpadala sila ng isang maliit na hukbo na nang maglaon ay natalo. Ikinasira ito ng loob ng mga Israelita, sapagkat sinasabi ng ulat na ang puso ng bayan ng Israel ay “nagsimulang matunaw at naging gaya ng tubig,” anupat nangangahulugang nadama nila na sa paanuman ay nayamot sa kanila si Jehova at hindi na niya sila tinutulungan. Lubhang nabagabag si Josue, maliwanag na dahil ang Israel, ang hukbo ni Jehova, ay tumakas dahil sa takot mula sa harap ng kanilang mga kaaway, anupat nagdulot ng kadustaan sa pangalan ni Jehova.—Jos 7:5-9.