Tuko
[sa Heb., ʼana·qahʹ; sema·mithʹ].
Isang maliit at kadalasan ay matabang butiki na may pagkaliliit na kaliskis sa katawan. Ang mga mata nito ay malalaki at tulad ng sa pusa at ang mga daliri nito ay malalapad. Ang mga tuko ay masusumpungan sa maiinit na klima at nakatira sa kakahuyan, sa batuhan, sa mga punungkahoy, at kung minsan ay sa bahay ng mga tao. Anim na uri ng mga butiking ito na aktibo sa gabi ang matatagpuan sa Palestina.
Ang “tuko na malalapad ang paa” (Hemidactylus turcicus) sa Levitico 11:29, 30 ay nakatala bilang “marumi” para sa mga Israelita. Sa Kawikaan 30:28, ang “tuko” (sa Heb., sema·mithʹ) ay sinasabing “tumatangan sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay” at pumapasok sa palasyo ng hari. Hinggil sa mga daliri ng tuko, sinasabi ng The International Wildlife Encyclopedia: “Marami itong mikroskopikong mga pangawit na kumakapit sa pinakamaliit na mga bakô, maging yaong sa salamin, kaya naman nakakakapit ang tuko sa halos lahat ng bagay maliban sa makinis na makinis na mga ibabaw. Ang direksiyon ng mga pangawit ay papalikod at pababa at para makabitiw ang mga ito, kailangang iangat ang daliri mula sa dulo nito. Dahil dito, kapag ang isang tuko ay umaakyat sa punungkahoy o dingding o lumalakad sa kisame, kailangan niyang ikurba at iunat ang kaniyang mga daliri nang napakabilis sa bawat paghakbang. Bagaman ang ilan sa mga pangawit ay ubod-liit anupat kailangan ng malakas na mikroskopyo upang makita ang mga ito, ang isang daliri na nasasangkapan ng gayong pagkaliit-liit na mga pangawit ay kayang bumuhat ng mga ilang beses ng bigat ng katawan ng tuko.”—Inedit nina M. at R. Burton, 1969, Tomo 7, p. 856, 857.