Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tupa

Tupa

Isa sa mga pangunahing hayop sa pagpapastol. (Gen 24:35; 26:14) Ang mga tupa ay mga ruminant, o mga ngumunguya ng dating kinain. Maaaring ang pangkaraniwang uri ng tupa sa sinaunang Palestina, tulad din ngayon, ay ang broad-tailed sheep na kilalá dahil sa prominente at matabang buntot nito at karaniwang tumitimbang nang mga 5 kg (11 lb) o higit pa. (Ihambing ang Exo 29:22; Lev 3:9.) Ang mga tupa ay karaniwan nang puti (Sol 6:6), bagaman mayroon ding matitingkad na kayumanggi at iba’t iba ang kulay. (Gen 30:32) Sa lipunan ng mga nagpapastol, ang mga taong mayayaman na gaya ni Job ay may libu-libong tupa. (Job 1:3, 16; 42:12) Malamang na mayroon ding paboritong alagang kordero ang mga Israelita.​—2Sa 12:3; Jer 11:19.

Kung wala silang pastol, ang mga alagang tupa ay mahihina at matatakutin. Maliligaw sila at mangangalat, at wala silang kalaban-laban sa kanilang mga kaaway. (Bil 27:16, 17; Jer 23:4; Eze 34:5, 6, 8; Mik 5:8) Ang mga tupa ay madaling akayin, at may-katapatan silang sumusunod sa kanilang pastol. Matuturuan silang kumilala ng kaniyang tinig at tumugon sa kaniya lamang. (Ju 10:2-5) Inilarawan ito ng Researches in Greece and the Levant, ni J. Hartley (London, 1831, p. 321, 322):

“Kagabi, yamang natuon ang pansin ko sa mga salita [sa] Juan x. 3 . . . Tinanong ko ang tauhan ko kung karaniwan sa Gresya na pangalanan ang mga tupa. Sinabi niya sa akin na gayon nga, at na sinusunod ng mga tupa ang pastol kapag tinatawag niya sila sa kanilang pangalan. Ngayong umaga ay nagkaroon ako ng pagkakataong mapatunayan ang komentong ito. Nang mapadaan ako sa isang kawan ng mga tupa, itinanong ko rin sa pastol ang itinanong ko sa aking lingkod, at iyon din ang isinagot niya. Pagkatapos ay hiniling ko na tawagin niya ang isa sa kaniyang mga tupa. Ginawa niya iyon, at kaagad nitong iniwan ang panginginain at ang mga kasama nito, at tumakbo patungo sa kamay ng pastol, anupat may pagkagiliw, at taglay ang maagap na pagsunod na hindi ko pa nakita sa anumang ibang hayop. Totoo rin ito sa mga tupa sa bansang ito, na hindi sila susunod sa isang estranghero, kundi lalayuan nila siya . . . Sinabi sa akin ng pastol na marami sa kaniyang mga tupa ang maiilap pa; na hindi pa alam ng mga ito ang kanilang mga pangalan; ngunit, kapag tinuruan, matututuhan nilang lahat ang mga iyon.”​—Tingnan ang PASTOL.

Ang mga lugar noon na angkop sa pag-aalaga ng mga tupa ay ang Negeb (1Sa 15:7, 9), Haran (Gen 29:2-4), lupain ng Midian (Exo 2:16), bulubunduking pook ng Juda, kung saan matatagpuan ang lunsod ng Carmel (1Sa 25:2), lupain ng Uz (Job 1:1, 3), gayundin ang Basan at Gilead (Deu 32:14; Mik 7:14).

Maraming produktong inilaan ang mga tupa sa mga Hebreo at sa iba pang mga bayan. Ang mga sisidlan at mga tambuli ay yari sa mga sungay ng barakong tupa. (Jos 6:4-6, 8, 13; 1Sa 16:1) Kung minsan, ang balat ng tupa ay ginagawang pananamit (Heb 11:37), at ang mga balat ng barakong tupa na tinina sa pula ay ginamit sa pagtatayo ng tabernakulo. (Exo 26:14) Sa balahibo ng tupa nanggagaling ang sinulid para sa malamang ay pinakakaraniwang materyales para sa pananamit. (Job 31:20; Kaw 27:26) Ang mga tupa ay naging mahalagang kalakal (Eze 27:21), at ginamit pa ngang pambayad ng tributo. (2Ha 3:4; 2Cr 17:11) Kapuwa ang gatas at ang karne ng tupa ay nagsilbing pagkain. (Deu 14:4; 32:14; 2Sa 17:29; Isa 7:21, 22) Ang karne ng magulang na tupa at ng kordero ay regular na kinakain ng mga hari, mga gobernador, at iba pa.​—1Sa 8:17; 1Ha 4:22, 23; Ne 5:18; Am 6:4.

Ang karne ng tupa ay pinakukuluan o iniihaw. Para sa Paskuwa, iniihaw nang buo ang isang santaóng-gulang na barakong tupa o lalaking kambing matapos itong alisan ng balat at linisin ang mga lamang-loob nito. (Exo 12:5, 9) Kapag ang tupa ay pakukuluan, babalatan muna ito at pagkatapos ay paghihiwalayin sa mga kasukasuan. Kung minsan, binabasag ang mga buto para lumabas ang utak ng mga iyon. Ang karne at ang mga buto ay sama-samang pinakukuluan sa isang malaking sisidlan. (Eze 24:3-6, 10; Mik 3:1-3) Kapag luto na ang karne, hinahango ito sa palayok, at ang naiwang sabaw ay inihahain nang hiwalay. (Ihambing ang Huk 6:19.) Tanda ng pagkamapagpatuloy ang paghahanda ng kordero para sa isang panauhin.​—2Sa 12:4.

Buong-pananabik na inaabangan ang panahon ng paggugupit sa mga tupa, yamang para itong panahon ng pag-aani. Kaakibat ng okasyong ito ang pagpipiging at pagsasaya.​—1Sa 25:2, 11, 36; 2Sa 13:23, 24, 28.

Ipinagbawal ng Kautusang Mosaiko ang pagkain sa taba ng tupa (Lev 7:23-25), gayundin ang pagpatay sa isang tupa at sa anak nito sa iisang araw. (Lev 22:28) May mga probisyon din ang Kautusan kung paano aasikasuhin ang lumalaboy, nawawala, napilayan, o ninakaw na tupa. (Exo 22:1, 4, 9-13; Deu 22:1, 2) Nakadepende sa pagsunod ng Israel sa mga batas ng Diyos kung pagpapalain o susumpain ang kanilang mga kawan.​—Deu 7:12, 13; 28:2, 4, 15, 18, 31, 51.

Mula pa noong sinaunang panahon, inihahandog na ang mga tupa bilang hain. (Gen 4:2, 4; 22:7, 8, 13; Job 42:8) Sa ilalim ng Kautusan, ang lahat ng panganay na lalaking kordero ay dapat ihain, ngunit maaari lamang itong ihain kapag nakawalong araw na ito. Upang matubos ang isang panganay na lalaking asno, isang tupa ang dapat ihandog. (Exo 34:19, 20; Lev 22:27) Ang mga barakong tupa ay inihahandog bilang mga handog ukol sa pagkakasala (Lev 5:15, 16, 18; 6:6), mga handog na sinusunog (Lev 9:3; 16:3; 23:12), at mga haing pansalu-salo. (Lev 9:4) Isang barakong tupa ang nagsisilbing handog ukol sa pagtatalaga para sa Aaronikong pagkasaserdote. (Exo 29:22; Lev 8:22-28) Araw-araw, dalawang barakong tupa na tig-isang taóng gulang ang nagsisilbing palagiang handog na sinusunog. (Exo 29:38-42) Maliban sa palagiang handog na sinusunog, naghahain din ng mga barakong tupa at mga lalaking kordero sa pasimula ng bawat buwan at sa mga taunang kapistahan. (Bil 28:11, 17-19, 26, 27; 29:1-38) Naging prominenteng bahagi ng mga handog ng Israel ang barakong tupa anupat ginamit ng propetang si Samuel ang “taba ng mga barakong tupa” at itinulad ito sa “hain.” (1Sa 15:22) Gayunman, may mga panahon na maaaring ihandog ang mga babaing kordero bilang mga haing pansalu-salo (Lev 3:6), mga handog ukol sa kasalanan (Lev 4:32; Bil 6:14), at mga handog ukol sa pagkakasala (Lev 5:6).

Makahula at Makasagisag na Paggamit. Sa Kasulatan, ang “tupa” ay kadalasang tumutukoy sa walang-kalaban-laban, walang-muwang, at, kung minsa’y inaabusong bayan ni Jehova. (2Sa 24:17; Aw 44:11, 22; 95:7; 119:176; Mat 10:6, 16; Ju 21:16, 17; Ro 8:36) Bilang mga tupa ng Diyos, labis na nagdusa ang mga Israelita sa ilalim ng di-tapat na mga pastol o mga lider. Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Ezekiel, inilarawan ni Jehova ang kalunus-lunos na pagpapabaya ng mga ito: “Ang kawan mismo ay hindi ninyo pinakakain. Ang mga nagkasakit ay hindi ninyo pinalakas, at ang maysakit ay hindi ninyo pinagaling, at ang may bali ay hindi ninyo binendahan, at ang nanabog ay hindi ninyo ibinalik, at ang nawala ay hindi ninyo hinanap, kundi may kabagsikan ninyo silang pinamumunuan, may paniniil pa man din. At sa kalaunan ay nangalat sila sapagkat walang pastol, anupat naging pagkain sila para sa bawat mabangis na hayop sa parang.” (Eze 34:3-5) Sa kabaligtaran, ang mga tupa ni Jesus, kapuwa ang “munting kawan” at ang “ibang mga tupa,” na sumusunod sa kaniyang pangunguna, ay inaalagaan nang mabuti. (Luc 12:32; Ju 10:4, 14, 16; Apo 7:16, 17) Inihalintulad ni Jesus sa tupa yaong mga gumagawa ng mabuti sa pinakamababa sa kaniyang mga kapatid, samantalang yaong mga tumatangging gumawa niyaon ay itinulad niya sa mga kambing.​—Mat 25:31-45.

Kung minsan ang “mga barakong tupa” ay kumakatawan sa mga tao, partikular na sa mapaniil na mga lider ng isang bansa na nakatalagang puksain. (Jer 51:40; Eze 39:18) Sa Ezekiel 34:17-22, ang mga barakong tupa, mga kambing na lalaki, at matabang tupa ay kumakatawan sa di-tapat na mga lider ng Israel na kumuha ng pinakamabuti para sa kanilang sarili at pagkatapos ay dinumhan ang natira para sa payat at may-sakit na tupa, samakatuwid nga, ang mga taong sinisiil, pinagsasamantalahan, at ipinagtutulakan.

Sa hula, si Jesu-Kristo ay tinukoy bilang isang tupa na dinala patungo sa patayan at bilang isang tupang babae na nananatiling pipi sa harap ng kaniyang mga manggugupit. (Isa 53:7; Gaw 8:32, 35; ihambing ang 1Pe 2:23.) Dahil sa papel na gagampanan ni Jesus bilang hain, ipinakilala ni Juan na Tagapagbautismo si Jesus bilang “ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” Sa aklat ng Apocalipsis, ang Anak ng Diyos ay paulit-ulit na tinatawag na “Kordero.”​—Ju 1:29; Apo 5:6; 6:16; 7:14, 17; 14:1; 17:14; 19:7.

Ang Kapangyarihang Pandaigdig ng Medo-Persia ay inilarawan bilang barakong tupa na may dalawang sungay na hindi magkapantay. Maliwanag na ang mas mataas na sungay ay tumutukoy sa pangingibabaw ng mga haring Persiano. (Dan 8:3-7, 20) Sa Apocalipsis 13:11, ang mabangis na hayop na umahon sa lupa ay ipinakikitang may dalawang sungay na tulad ng isang kordero, anupat nagpapahiwatig ng pakunwaring kaamuan. Sa katulad na paraan, tinukoy ni Jesus ang mga bulaang propeta bilang mga lobo na nakadamit-tupa, samakatuwid ay mapanganib, bagaman mukhang di-nakapipinsala.​—Mat 7:15.

Ang pagyanig ng Bundok Sinai noong panahong ibigay ni Jehova ang Kautusan sa Israel (Exo 19:18) ay waring ipinahihiwatig ng pananalitang ‘mga bundok na naglululuksong tulad ng mga barakong tupa.’​—Aw 114:4-6; ihambing ang Aw 29:5, 6; 68:8.

Mailap na Tupa. Ang salitang Hebreo na teʼohʹ ay isinalin sa iba’t ibang paraan bilang “torong gubat” (KJ), “antilope” (AS), at “gasela” (Ro). Gayunman, ibinibigay ng Lexicon in Veteris Testamenti Libros, nina Koehler at Baumgartner (Leiden, 1958, p. 1016), ang “mailap na tupa” bilang isang posibleng salin, at ganito ang pagkakasalin nito sa Deuteronomio 14:5 at Isaias 51:20.

Ang maiilap na tupa ay naiiba sa mga alagang tupa dahil sa kanilang balahibo na mas magaspang kaysa sa lana. Sa ngayon, ang mailap na tupa na matatagpuang pinakamalapit sa Palestina ay ang Armenian wild sheep (Ovis gmelini). Makikita ito sa mga tagaytay ng bundok ng Asia Minor at silangang Iran. Wala pang 0.9 m (3 piye) ang taas ng barakong tupa na ito hanggang sa kaniyang balikat.

Tingnan din ang LANA, BALAHIBO NG TUPA.