Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ulai

Ulai

Isang “daanang-tubig” na bumabagtas sa Susan (Susa) sa Elam o malapit doon. Sa kahabaan ng Ulai ay tinanggap ni Daniel ang pangitain tungkol sa barakong tupa at sa kambing na lalaki. Hindi matiyak kung ang propeta ay aktuwal na pumaroon mula sa Babilonya o inilipat sa lokasyong iyon sa pamamagitan ng pangitain. (Dan 8:1-3, 6, 16) Iba-iba ang palagay tungkol sa Ulai, at mahirap matukoy ang lugar na ito dahil sa paglipas ng maraming siglo, waring ang landas ng mga ilog sa kapaligiran nito ay nagbago. May mga nagsasabi na ang Ulai ay ang Ilog Karkheh. Ayon naman sa iba, ito’y isang artipisyal na kanal sa gawing H o HS ng Susan at idinurugtong nito ang Karkheh sa isa pang ilog.