Ulupong, May-sungay na
[sa Heb., ʽakh·shuvʹ; shephi·phonʹ; sa Ingles, horned viper].
Isa sa makamandag na mga ahas na uring-ulupong at nakatira sa Palestina. Makikilala ito sa maliit at matulis na sungay na nasa ibabaw ng magkabilang mata. Iniulat ni Raymond Ditmars na ang may-sungay na ulupong (Cerastes cornutus) ay matatagpuan sa H Aprika mula sa Algeria hanggang sa Ehipto at pati sa Arabia at T Palestina.
Dahil mabagsik ang kamandag ng may-sungay na ulupong (bagaman kadalasa’y hindi nakamamatay sa mga tao), angkop ang sinabi ni David na pinatalas ng mararahas na tao ang kanilang dila “tulad ng sa serpiyente; ang kamandag ng may-sungay na ulupong ay nasa ilalim ng kanilang mga labi.”—Aw 140:3; tingnan ang ASPID.
Ang may-sungay na ulupong ay umaabot sa sukdulang haba na mga 0.8 m (2.5 piye) at kulay mapusyaw na buhangin kung kaya nakapagtatago ito sa buhanginan habang naghihintay ng masisila. Napakahirap matukoy ang nagtatagong may-sungay na ulupong kung hindi sanay ang mga mata ng isa. Sa kaniyang aklat na Reptiles of the World (1953, p. 234, 235), inilarawan ni Raymond Ditmars ang nakita niyang mga may-sungay na ulupong na nakakulong: “Tulad ng ibang mga ulupong sa disyerto, patuloy nilang sinasabuyan ng buhangin ang kanilang mga likod, sa gayo’y itinatago ang kanilang mga katawan. Kung ang kulungan ay may ilang pulgada ng pinong buhangin, hindi na makikita ang mga ahas na ito sa maghapon maliban sa tuktok ng kanilang ulo. Upang makakahig ng buhangin, pinalalapad nang husto ng reptilya ang kaniyang katawan, anupat ang mababang tagiliran ay nagsisilbing panalok, pagkatapos, sa pamamagitan ng sunud-sunod at alun-along paggalaw ng kaniyang buong katawan, sa magkabilang panig, ang ahas ay bumabaon sa buhangin o kinakalahig niya ito sa ibabaw ng kaniyang likod.”
Makasagisag na Paggamit. Ang may-sungay na ulupong, na alisto at napakabilis manuklaw, ay kilalang umaatake sa mga kabayo. Kaya naman tamang-tama ang paghahambing ng Genesis 49:17 sa tribo ni Dan at sa “may-sungay na ahas.” Doo’y inihalintulad ni Jacob si Dan sa isang serpiyente, isang may-sungay na ahas, “na nangangagat ng mga sakong ng kabayo anupat nahuhulog sa likuran ang sakay niyaon.” Hindi ito panghahamak kay Dan, na para bang siya’y isang kasuklam-suklam na ahas sa damuhan na dapat durugin sa ilalim ng sakong. Sa halip, taglay ang kakayahan ng isang ahas, isasakatuparan ni Dan ang isang dakilang layunin para sa bansa. Sa pamamagitan ng pag-aabang tulad ng may-sungay na ulupong, sa diwa ay maaari niyang kagatin ang mga sakong ng kabayong sinasakyan ng kalabang mandirigma upang umalma ito at ihulog ang sakay nito. Kaya, bagaman maliit, si Dan, gaya ng isang may-sungay na ulupong, ay magiging mapanganib sa mga nanliligalig sa Israel.