Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Upo

Upo

[sa Heb., paq·qu·ʽothʹ, pangmaramihan; sa Ingles, gourd].

Ang salitang Hebreo na isinaling ‘mga upo’ ay lumilitaw lamang sa Bibliya may kaugnayan sa isang insidente na nangyari isang panahon ng taggutom noong mga araw ni Eliseo. May isang nanguha ng ilang di-kilaláng ligáw na upo, ginayat ang mga iyon at isinama sa nilaga. Nang matikman ito, “ang mga anak ng mga propeta” ay nangambang malason sila anupat tumigil sila sa pagkain, ngunit makahimalang pinawi ni Eliseo ang lason sa nilaga upang hindi ito masayang.​—2Ha 4:38-41.

Bagaman maraming iba pang mungkahi na inihaharap, ang colocynth (Citrullus colocynthis), isang halaman na kamag-anak ng pakwan, ang karaniwang mas pinapaboran bilang halaman na ang bunga ay malamang na katugma ng “mga ligáw na upo” sa rekord ng Kasulatan. Ang baging ng colocynth ay gumagapang na tulad ng pipino at may kahawig ding mga dahon. Ang bunga nito ay halos kasinlaki ng kahel; mayroon itong makapal at makinis na balat na batik-batik na berde at dilaw, at ito ay may napakapait, nakalalason at tulad-esponghang ubod, na pinagkukunan ng gamot na colocynth. Ang mga katangian ng colocynth ay tutugma sa salaysay ng Bibliya tungkol sa isang ligáw na upo na maliwanag na nakalalason, gaya ng ipinahihiwatig ng mismong lasa nito. (2Ha 4:40) Kapag natuyot na ang karamihan sa ibang mga halaman, nananatili itong luntian at sa gayon ay nakatutukso sa di-pamilyar dito.

Maaaring ang mga palamuting hugis-upo (sa Heb., peqa·ʽimʹ) sa binubong dagat at sa mga entrepanyong tablang sedro sa loob ng templo ni Solomon ay bilog na tulad ng bunga ng colocynth.​—1Ha 6:18; 7:24; 2Cr 4:3.