Ur
1. [Liwanag]. ‘Ama’ ni Elipal, isa sa makapangyarihang mga lalaki ng mga hukbong militar ni David. (1Cr 11:26, 35) Lumilitaw na si Ur ay si Ahasbai rin.—2Sa 23:34.
2. “Ur ng mga Caldeo,” ang lunsod sa Mesopotamia kung saan isinilang ang kapatid ni Abram (Abraham) na si Haran (at malamang na pati si Abraham). (Gen 11:28; Gaw 7:2, 4) Si Jehova ay nagpakita kay Abraham at inutusan siyang lisanin ang Ur. Ayon sa Bibliya, kinuha ni Tera ang kaniyang anak na si Abraham, ang kaniyang manugang na si Sara, at ang kaniyang apo na si Lot, at mula sa Ur ay lumipat sila sa Haran. Kinikilala ng Bibliya na si Tera ang may pananagutan sa paglipat dahil siya ang ulo ng pamilya.—Gen 11:31; 12:1; Ne 9:7.
Ang Ur ay kadalasang iniuugnay sa Muqaiyir, na nasa K ng pinakasahig ngayon ng Eufrates at mga 240 km (150 mi) sa TS ng Babilonya. Ang mga guho roon ay sumasaklaw ng isang lugar na mga 910 m ang haba at 730 m ang lapad (3,000 por 2,400 piye). Palibhasa’y dating sentro ng pagsamba sa diyos-buwan na si Nanna (o Sin), ang pinakaprominenteng bahagi ng lugar na ito hanggang sa ngayon ay isang templong tore, o ziggurat, na mga 61 m ang haba, 46 na m ang lapad, at 21 m ang taas (200 por 150 por 70 piye).—LARAWAN, Tomo 2, p. 322.
Bagaman sa kasalukuyan ang Ilog Eufrates ay umaagos nang mga 16 na km (10 mi) sa S ng kinaroroonan ng Ur, ipinakikita ng katibayan na noong sinaunang mga panahon, ang Eufrates ay umaagos sa gawing K ng lunsod. Ganito ang sabi ng istoryador at heograpo na si Henri Gaubert, sa kaniyang aklat na Abraham, Loved by God: “Noong panahon ni Abram, ang tatlong malalaking ilog (Karun, Tigris at Eufrates) ay umaagos patungo sa Gulpo ng Persia sa tatlong magkakahiwalay na wawa. Matutukoy rito ang kinaroroonan ng lunsod ng Ur . . . sa kaliwang [silangang] pampang ng Eufrates. Dahil dito, ang Hebreong tribo ni Abram, na nagmula sa estadong-lunsod ng Ur, ay maaaring tawagin bilang ‘ang mga tao mula sa ibayo ng ilog.’”—1968, p. 8.
Ipinakikita rin ng isang nirebisa at binagong edisyon ng Excavations at Ur ni Sir Leonard Woolley na ang Eufrates ay talagang nasa K ng Ur. Hinggil sa mga depensa ng Ur, sinasabi nito: “Ang pagkalaki-laking kutang ito ay lalo pang pinatibay ng bagay na ang ilog ng Eufrates (gaya ng makikita sa nakalubog na marka ng dating pinakasahig nito) ay umaabot sa paanan ng kanluraning muralya samantalang limampung yarda mula sa paanan ng silanganing muralya ay may hinukay na isang malapad na kanal upang makarating ang ilog sa hilagang dulo ng bayan, sa gayon ang Ur ay napalibutan ng isang bambang sa tatlong panig nito.” (Ur ‘of the Chaldees,’ ni P. R. S. Moorey, 1982, p. 138) Kaya angkop na sabihing kinuha ni Jehova si Abraham “mula sa kabilang ibayo ng Ilog,” samakatuwid nga, ang Eufrates.—Jos 24:3.
Sa maharlikang mga libingan sa Ur, ang mga naghukay ay nakasumpong ng maraming kasangkapang gawa sa ginto, pilak, lapis lazuli, at iba pang mamahaling materyales. Nakakita rin sila roon ng mga indikasyon na ang sinaunang mga Sumerianong hari at reyna ng lunsod ay inilibing kasama ang kanilang pangkat ng mga tagapaglingkod na lalaki at babae.
Ipinakikita ng mga nahukay na guho ng waring mga pribadong bahay sa Ur (iminumungkahi ng ilan na itinayo noong yugto sa pagitan ng ika-20 at ika-16 na siglo B.C.E.) na ang mga iyon ay yari sa
laryo, pinalitadahan at pinaputi, at may 13 o 14 na silid na nakapalibot sa isang loobang may latag ng bato. Kasama sa mga tapyas na luwad na natagpuan sa lugar na iyon ang ilan na ginamit sa pagtuturo ng sulat na cuneiform. Ipinakikita ng ibang mga tapyas na ang mga estudyante noon ay may multiplication table at division table at nagkukuwenta ng square root at cube root. Marami sa mga tapyas ay mga dokumento sa negosyo.Batay sa mga paghuhukay sa Ur, maliwanag na si Abraham ay nagsakripisyo ng maraming materyal na bagay nang lisanin niya ang lunsod na iyon. Ngunit, sa pananampalataya, ‘hinintay ng patriyarka ang lunsod na may tunay na mga pundasyon, na ang tagapagtayo at maygawa ng lunsod na ito ay ang Diyos.’—Heb 11:8-10.