Uria
[Ang Aking Liwanag ay si Jehova].
1. Ang Hiteong asawa ni Bat-sheba. Si Uria ay isa sa mga banyagang mandirigma ni David. (2Sa 23:39; 1Cr 11:41) Ipinahihiwatig ng kaniyang pananalita, paggawi, pag-aasawa ng isang babaing Judio, at paninirahan sa Jerusalem malapit sa palasyo ng hari na tinanggap niya ang pagsamba sa Diyos na Jehova bilang isang tinuling proselita.—2Sa 11:3, 6-11.
Habang nakikipagbaka si Uria laban sa Ammon sa Raba, nangalunya si David sa asawa ni Uria na si Bat-sheba, at hindi kailanman natuklasan ni Uria ang bagay na ito. Pagkatapos ay nagsugo si David at pinapunta si Uria sa Jerusalem. Pagdating ni Uria, tinanong siya ng hari tungkol sa kalagayan ng digmaan at pinalabas siya upang pumunta sa kaniyang bahay nang sa gayon ay magtinging kay Uria ang anak ni Bat-sheba. Ngunit tumangging umuwi si Uria dahil ang hukbo ay nasa parang. (Deu 23:9-11; ihambing ang 1Sa 21:5.) Kahit noong lasingin siya ni David, tumanggi pa rin siyang matulog sa kaniyang bahay. (2Sa 11:1-13) Pagkatapos ay nadagdagan ang krimen ni David laban kay Uria, sapagkat pinabalik siya ni David sa digmaan taglay ang mga tagubilin kay Joab na maniobrahin nito na mapatay si Uria sa pagbabaka.—2Sa 11:14-26.
2. Isang saserdote na sumaksi sa pagsulat ni Isaias sa isang tapyas ng pangalan ng kaniyang anak na Maher-salal-has-baz. (Isa 8:1, 2) Ang pangalan ni Uria ay binabaybay na Urias sa ibang talata.—2Ha 16:10; tingnan ang URIAS Blg. 1.
3. Ipinapalagay na isang saserdote, isa na tumayo sa kanan ni Ezra nang bumasa ito mula sa Kautusan para sa pinabalik na mga tapon na nagkakatipon sa Pintuang-daan ng Tubig sa Jerusalem.—Ne 8:1-4.