Urias
[Ang Aking Liwanag ay si Jehova].
1. Isang saserdote noong panahon ng paghahari ni Haring Ahaz ng Juda (761-746 B.C.E.). Nang pumaroon si Ahaz sa Damasco upang maghandog ng tributo kay Tiglat-pileser III, ipinadala nito kay Urias ang disenyo at parisan ng malaking altar na nakita nito roon at sinabi sa kaniya na magtayo ng isang katulad niyaon, at sa kalaunan ay iniutos sa kaniya na gamitin iyon sa halip na ang altar ni Jehova. Sumunod si Urias. (2Ha 16:8-16) Nasaksihan din ni Urias (Uria) ang isang pagsulat ni Isaias. (Isa 8:1, 2) Ipinapalagay na siya ay mataas na saserdote, bagaman hindi siya ipinakikilalang gayon, dahil sa kaniyang kahalagahan at sa kawalan ng sinumang tao na may gayong titulo nang panahong iyon.
2. Isang propeta ni Jehova, anak ni Semaias na mula sa Kiriat-jearim. Noong panahon ng paghahari ni Jehoiakim, nanghula si Urias laban sa Juda at Jerusalem gaya ng ginawa ni Jeremias. Gayunman, nang malaman ni Urias na hinahangad ni Jehoiakim na siya ay mamatay, tumakas siya patungong Ehipto, ngunit ibinalik siya at pinatay, anupat ang kaniyang bangkay ay inihagis sa isang karaniwang dakong libingan.—Jer 26:20-23.
3. Anak ni Hakoz; isang saserdote na ang anak na si Meremot ay isa sa mga saserdote na sa pangangalaga niya ipinagkatiwala ni Ezra ang ginto at ang pilak at ang mga sisidlan ng templo na dinala sa Jerusalem. Nang maglaon ay tumulong ang anak ni Urias na si Meremot na magkumpuni ng pader ng Jerusalem.—Ezr 8:33; Ne 3:4, 21.