Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Urim at Tumim

Urim at Tumim

Mga bagay na ginagamit noon upang tiyakin ang kalooban ng Diyos kapag bumabangon ang mga tanong na may pambansang kahalagahan at nangangailangan ng sagot mula kay Jehova.

Gaya ng nakaulat sa Levitico 8:8, matapos niyang isuot kay Aaron ang pektoral, inilagay ni Moises sa pektoral ang Urim at ang Tumim. Bagaman ang Hebreong pang-ukol na isinalin dito bilang “sa” ay maaaring isalin bilang “sa ibabaw,” gayunding salita ang ginamit sa Exodo 25:16 nang banggitin doon ang paglalagay ng dalawang tapyas na bato sa kaban ng tipan. (Exo 31:18) May mga nagsasabi na ang Urim at ang Tumim ay yaong 12 bato na nakakabit sa pektoral. Ngunit hindi maaaring maging gayon, yamang noong seremonya ng pagpapasinaya sa pagkasaserdote, ang Urim at Tumim ay inilagay sa pektoral pagkatapos na ilagay kay Aaron ang kumpletong pektoral kasama ang 12 batong nakatahi roon. Pinabubulaan din ng Exodo 28:9, 12, 30 ang teoriya na ang Urim at Tumim ay yaong dalawang batong onix na nasa mga dugtungang pambalikat ng epod ng mataas na saserdote. (Exo 28:9-14) Maliwanag na ang Urim at Tumim ay naiibang mga bagay.

Pinaggamitan. Kapansin-pansin na ang Urim at ang Tumim ay dapat ilagay sa tapat ng puso ni Aaron kapag pumaparoon siya “sa harap ni Jehova.” Walang alinlangang tumutukoy ito sa pagtayo ni Aaron sa dakong Banal sa harap ng kurtinang patungo sa Kabanal-banalang silid kapag sumasangguni siya kay Jehova. Ang lokasyon ng Urim at ng Tumim, “sa tapat ng puso ni Aaron,” ay waring nagpapahiwatig na nakalagay ang mga ito sa tupi, o lukbutan, na nalikha nang itiklop ang pektoral. Ang mga ito ay para sa “mga kahatulan sa mga anak ni Israel” at ginagamit kapag ang mga lider ng bansa ay may mahalagang tanong na nangangailangan ng sagot mula kay Jehova at makaaapekto sa bansa. Si Jehova, na Tagapagbigay-Kautusan ng Israel, ay nagbibigay ng sagot sa mataas na saserdote hinggil sa tamang pagkilos na dapat gawin.​—Exo 28:30.

Matapos makaligtas si Abiatar sa lansakang pagpatay sa mga saserdote ng Nob kung saan namatay rin ang kaniyang ama, tinawag siya ni David upang gamitin ang Urim at ang Tumim noong siya’y pumaroon kay David dala ang epod. Lumilitaw na ito ang epod ng mataas na saserdote.​—1Sa 22:19, 20; 23:6-15.

Maaaring mga Palabunot. Batay sa mga pangyayaring nakaulat sa Kasulatan na doo’y sinangguni si Jehova sa pamamagitan ng Urim at Tumim, lumilitaw na ang tanong ay binalangkas sa paraang masasagot iyon ng “oo” o “hindi,” o kaya’y sa napakaikli at tuwirang sagot. Bagaman noong isang pagkakataon (1Sa 28:6) ang Urim ay binanggit nang mag-isa, maliwanag na intindido nang kalakip dito ang Tumim.

Maraming komentarista sa Bibliya ang naniniwala na ang Urim at ang Tumim ay mga palabunot. Sa salin ni James Moffatt sa Exodo 28:30, ang mga ito ay tinawag na “mga sagradong palabunot.” Ipinapalagay ng ilan na tatlong piraso ang mga ito, anupat ang isa ay may sulat na salitang “oo,” ang isa naman ay “hindi,” at ang isa pa ay blangko. Pinagpapalabunutan ang mga ito, at sa gayo’y nasasagot ang katanungan, maliban na lamang kapag ang blangkong piraso ang nabunot, na nangangahulugang walang sagot na maaasahan. Ipinapalagay ng iba na ang Urim at ang Tumim ay dalawang lapád na bato, na ang isang panig ay puti at ang kabila naman ay itim. Kapag inihagis ang mga ito at dalawang puti ang lumabas, mangangahulugan iyon ng “oo,” kapag dalawang itim ay “hindi,” at ang isang itim at isang puti ay mangangahulugan naman na walang sagot. Minsan, nang si Saul ay sumangguni sa pamamagitan ng saserdote kung ipagpapatuloy ba nila ang pagsalakay sa mga Filisteo, wala siyang tinanggap na sagot. Palibhasa’y nadarama niyang may nagkasala sa gitna ng kaniyang mga tauhan, siya’y nagsumamo: “O Diyos ng Israel, ibigay mo ang Tumim!” Mula sa mga naroroon ay napili si Saul at si Jonatan; pagkatapos nito, nagpalabunutan upang magpasiya sa pagitan nilang dalawa. Sa ulat na ito, ang pagsamo na, “Ibigay mo ang Tumim,” ay waring iba pa sa pagpapalabunutan, bagaman maaaring ipinahihiwatig nito na magkaugnay ang mga iyon.​—1Sa 14:36-42.

Pinag-ugnay Nito ang Kaharian at ang Pagkasaserdote. Sa Deuteronomio 33:8-10, tinukoy ang Aaronikong pagkasaserdote sa pagsasabing: “Ang iyong Tumim at ang iyong Urim ay nauukol sa taong matapat sa iyo.” Marahil, ang pagbanggit sa Urim at Tumim bilang nauukol “sa taong matapat sa iyo [Jehova]” ay tumutukoy sa pagkamatapat na ipinakita ng tribo ni Levi (na pinagmulan ng Aaronikong pagkasaserdote) may kaugnayan sa insidente hinggil sa ginintuang guya.​—Exo 32:25-29.

Buong-karunungang inilaan ni Jehova ang Urim at ang Tumim at inilagay niya ang mga ito sa mga kamay ng mataas na saserdote. Dahil dito, sa kalakhang bahagi, ang hari ay dumedepende sa pagkasaserdote, anupat naiiwasan ang pagtataglay niya ng labis-labis na kapangyarihan. Dahil sa Urim at Tumim ay kinailangang magtulungan ang hari at ang mga saserdote. (Bil 27:18-21) Ipinabatid ni Jehova sa Israel ang kaniyang kalooban sa pamamagitan ng kaniyang nasusulat na Salita, gayundin sa pamamagitan ng mga propeta at mga panaginip. Ngunit waring ginamit ang mga propeta at mga panaginip para sa pantanging mga okasyon, samantalang ang mataas na saserdote at ang Urim at ang Tumim ay laging nasa piling ng bayan.

Hindi na Ginamit Mula Noong 607 B.C.E. Ayon sa tradisyong Judio, ang paggamit sa Urim at sa Tumim ay nahinto mula noong itiwangwang ng mga hukbong Babilonyo sa ilalim ni Haring Nabucodonosor ang Jerusalem at wasakin ng mga ito ang templo niyaon noong 607 B.C.E. (Babilonyong Talmud, Sotah 48b) Ang pangmalas na ito ay sinusuportahan ng mababasa natin sa mga aklat ng Ezra at Nehemias hinggil sa Urim at Tumim. Doon, ang mga lalaking nag-aangking sila’y nagmula sa makasaserdoteng angkan, subalit hindi masumpungan ang kanilang pangalan sa pampublikong rehistro, ay sinabihan na hindi sila makakakain mula sa mga kabanal-banalang bagay na inilaan para sa mga saserdote hanggang sa tumayo ang isang saserdoteng may Urim at Tumim. Ngunit walang ulat na ginamit nang panahong iyon ang Urim at ang Tumim, at mula noong panahong iyon ay hindi na tinukoy ng Bibliya ang mga sagradong bagay na ito.​—Ezr 2:61-63; Ne 7:63-65.

Sumasangguni kay Jehova ang Lalong Dakilang Mataas na Saserdote. Sa liham ni Pablo sa mga Hebreo, si Jesu-Kristo ay inilarawan bilang ang dakilang Haring-Saserdote ayon sa paraang gaya ng kay Melquisedec. (Heb 6:19, 20; 7:1-3) Pinagsanib sa kaniya kapuwa ang pagkahari at pagkasaserdote. Ang kaniyang gawain bilang saserdote ay patiunang inilarawan ng gawain ng mataas na saserdote ng sinaunang Israel. (Heb 8:3-5; 9:6-12) Bilang Mataas na Saserdote, ang lahat ng paghatol sa sangkatauhan ay ipinagkatiwala sa kaniyang mga kamay. (Ju 5:22) Gayunpaman, noong narito si Jesus sa lupa, sinabi niya: “Ang mga bagay na sinasabi ko sa inyo ay hindi ko sinasalita nang mula sa aking sarili; kundi ang Ama na nananatiling kaisa ko ang gumagawa ng kaniyang mga gawa” (Ju 14:10) at, “wala akong ginagawang anuman sa sarili kong pagkukusa; kundi kung ano ang itinuro sa akin ng Ama, ito ang mga bagay na sinasalita ko.” (Ju 8:28) Sinabi rin niya: “Kung hahatol ako, ang paghatol ko ay may katotohanan, sapagkat hindi ako nag-iisa, kundi ang Ama na nagsugo sa akin ay kasama ko.” (Ju 8:16) Tiyak na sa kaniyang itinaas na makalangit na posisyon, palibhasa’y pinasakdal bilang Mataas na Saserdote magpakailanman, si Jesus ay nagpapatuloy sa landasing ito ng pagpapasakop sa kaniyang Ama, anupat umaasa sa Kaniya ukol sa patnubay sa paghatol.​—Heb 7:28; ihambing ang 1Co 11:3; 15:27, 28.