Uzah
[posibleng pinaikling anyo ng Uzias, nangangahulugang “Ang Aking Lakas ay si Jehova”].
1. Isang Meraritang Levita.—1Cr 6:29.
2. Isang anak ni Abinadab, tiyak na isang Levita. Si Uzah at ang kaniyang kapatid na si Ahio ang umakay sa karwahe na kinalululanan ng kaban ng tipan mula sa kanilang bahay noong dalhin ito ni David sa Jerusalem. Nang muntik na itong maibuwal ng mga torong humihila sa karwahe, iniunat ni Uzah ang kaniyang kamay at sinunggaban ang Kaban upang pigilan ito, at dahil dito ay pinabagsak siya ni Jehova at namatay kaagad. Pinanganlan ni David ang dakong iyon na Perez-uzah sapagkat doon “sumiklab ang galit ni Jehova laban kay Uzah.”—2Sa 6:3-8; 1Cr 13:7-11.
Bagaman ipinapalagay na mabuti ang intensiyon ni Uzah nang pigilan niya ang Kaban upang hindi ito mahulog, hinatulan iyon bilang isang “walang-pitagang pagkilos.” (2Sa 6:7) Ito ay sa dahilang nagkasala siya ng kusang pagsuway. Ipinag-utos ni Jehova na sa anumang kalagayan ay hindi dapat hipuin ng di-awtorisadong mga tao ang Kaban, isang babalang alam ng lahat na may kalakip na parusang kamatayan sa mga lalabag. (Bil 4:15, 19, 20) Kung ang mga awtorisado, mga Kohatitang Levita, ang pumasan nito sa kanilang mga balikat sa pamamagitan ng mga pingga gaya ng iniutos ng Diyos, hindi sana sumapit ang galit ng Diyos.—Exo 25:13, 14; Bil 7:9.