Vasti
Ang reyna ni Ahasuero (Jerjes I) na hari ng Persia. Noong ikatlong taon ng kaniyang paghahari, tinawag ni Ahasuero ang lahat ng mga taong mahal, mga prinsipe, at mga lingkod mula sa mga nasasakupang distrito. Sa pagtatapos ng pagtitipon, nagdaos siya ng pitong-araw na piging. Gayundin, si Vasti ay nagdaos ng isang piging para sa mga babae sa maharlikang bahay. Noong ikapitong araw, inutusan ni Ahasuero ang kaniyang mga opisyal ng korte na dalhin si Vasti na suot ang maharlikang putong upang makita ng lahat ang karilagan nito. (Waring ang reyna ay karaniwang sumasalo sa pagkain sa mesa ng hari, ngunit hindi nagbibigay ng katibayan ang kasaysayan na ganito ang kalagayan sa malalaking piging. Bukod dito, nang panahong iyon, si Vasti ay nagdaraos ng piging kasama ng mga babae.) Sa isang kadahilanang di-binanggit, may-pagmamatigas na tumanggi si Vasti. Bumaling si Ahasuero sa kaniyang mga taong marurunong na nakaaalam ng batas, at pinayuhan siya ni Memucan, isang prinsipe, na hindi lamang ang hari ang ginawan ni Vasti ng mali kundi maging ang lahat ng mga prinsipe at mga bayan na nasa mga nasasakupang distrito. Sinabi nito na kapag narinig ng mga prinsesa ang ginawa ng reyna (isang balita na madaling kakalat sa loob ng kastilyo), tutularan nila ang pagkilos ni Vasti bilang saligan ng kanilang mapanghamak na pagkilos. (Es 1:1-22) Si Vasti ay pinatalsik sa puwesto, at pagkaraan ng mga apat na taon, si Esther na Judio ang pinili upang maging asawa ni Ahasuero at upang humawak ng maharlikang katungkulan ni Vasti.—Es 2:1-17.