FEATURE
Winasak ng mga Romano ang Jerusalem
NANG malapit na siyang mamatay noong 33 C.E., tinawag ni Jesus ang Jerusalem na “ang pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga isinugo sa kaniya.” Sa kabuuan, itinaguyod ng lunsod ang dati nitong landasin at itinakwil nito ang Anak ng Diyos.—Mat 23:37.
Inihula ni Jesus kung ano ang mangyayari: “Ang mga araw ay darating sa iyo na ang iyong mga kaaway ay magtatayo sa paligid mo ng kuta na may mga tulos na matutulis.” (Luc 19:41-44) Sinabi rin niya: “Kapag nakita ninyo ang Jerusalem na napaliligiran ng nagkakampong mga hukbo, kung magkagayon . . . yaong mga nasa Judea ay magsimula nang tumakas patungo sa mga bundok.”—Luc 21:20, 21.
Noong 66 C.E., pagkatapos maghimagsik ang mga Judio, dumating laban sa Jerusalem ang mga hukbong Romano sa pangunguna ni Cestio Gallo. Ngunit, ayon sa komento ni Josephus, “biglang pinabalik [ni Gallo] ang kaniyang mga hukbo, . . . at, taliwas sa inaakala ng lahat, umalis sila sa lunsod.” Nagbigay ito sa mga Kristiyano ng pagkakataong tumakas mula sa Jerusalem, na ginawa naman nila. Di-nagtagal at bumalik ang mga hukbong Romano sa pangunguna ni Tito. Sa pagkakataong ito’y nagtayo sila ng “kuta na mga tulos na matutulis,” isang nakapalibot na bakod na 7.2 km (4.5 mi) ang haba. Pagkatapos kubkubin nang mga limang buwan, ang lunsod ay lubusang winasak at ang templo ay ginawang kaguhuan. Pagkaraan ng tatlong taon, noong 73 C.E., binihag ng mga hukbong Romano ang huling moog ng mga Judio, ang tanggulan ng Masada na nasa taluktok ng bundok. (Tingnan sa ibaba.)
Idiniriin ng pagkawasak ng Jerusalem ang kahalagahan ng pagbibigay-pansin sa mga hula sa Bibliya.