Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Yelo

Yelo

Tubig sa solidong kalagayan nito, namuo dahil sa matinding lamig. Itinawag-pansin kay Job kapuwa ni Elihu at ng Diyos na Jehova ang kababalaghan ng yelo, anupat sinabi ng Makapangyarihan-sa-lahat: “Sa kaninong tiyan nga lumalabas ang yelo . . . ? Ang mismong tubig ay waring nagtatago sa bato, at ang ibabaw ng matubig na kalaliman ay namumuo.” (Job 36:1; 37:10; 38:1, 29, 30) Ang pamumuo ng yelo na tinutukoy rito ay posible lamang dahil sa isang lubhang di-pangkaraniwang katangian ng tubig. Habang lumalamig ang tubig sa mga lawa at mga dagat, bumibigat ito. Ang tubig na mas magaan at mas mainit ay itinutulak ng tubig na mas mabigat anupat pumapaibabaw ito. Ngunit kapag ang lahat ng tubig ay umabot sa mga 4° C. (39° F.), ang prosesong ito ay nababaligtad. Ang tubig ay gumagaan kapag malapit na ito sa antas ng pagyeyelo at nananatili bilang isang suson sa ibabaw ng mas mainit na tubig na nasa ilalim. Ang suson na ito sa ibabaw ay nagiging yelo, anupat “namumuo.” Palibhasa’y mas magaan kaysa sa tubig, pinananatili ng yelo ang tubig sa ilalim anupat “waring nagtatago [iyon] sa bato,” sa gayon ay naiingatan ang buhay sa ilalim ng tubig. Kung hindi dahil sa penomenong ito, ang kalakhang bahagi ng tubig sa mga lawa at maging sa mga karagatan ay magiging solidong yelo, anupat magiging mahirap ang mabuhay sa lupa.

Binanggit ng salmista na “inihahagis [ni Jehova] ang kaniyang yelo na tulad ng maliliit na putol.” Maliwanag na tumutukoy ito sa graniso o sa nagyelong ulan.​—Aw 147:17; tingnan ang GRANISO.

Ang terminong Hebreo para sa “yelo” (qeʹrach) ay ginagamit din upang tumukoy sa temperatura ng pagyeyelo o mas mababa pa rito, gayundin sa “matinding lamig.”​—Jer 36:30.