Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Yod

Yod

[י].

Ang ikasampung titik ng alpabetong Hebreo. Ito ang pinakamaliit sa mga titik Hebreo. Ang pangalan ng pinakamaliit na titik ng alpabetong Griego, i·oʹta, ay maliwanag na kahawig ng Hebreong yod. Yamang ang Kautusan ni Moises ay orihinal na isinulat at pinanatili sa wikang Hebreo, malamang na ang Hebreong yod ang tinutukoy ni Jesus nang sabihin niyang ang “pinakamaliit na titik [sa Gr., i·oʹta]” ay hindi lilipas nang hindi ito natutupad. (Mat 5:18) Ang titik na ito ang unang titik sa Tetragrammaton, o sa sagradong pangalang Jehova (binabasa mula sa kanan pakaliwa: יהוה), at ganito ito isinulat sa pinakaunang mga kopya ng Griegong Septuagint. Sa isang pilyegong vellum na mula pa noong ikatlong siglo C.E. (P. Oxyrhynchus vii. 1007) na may isang bahagi ng saling Septuagint ng Genesis, ang banal na pangalang Jehova ay kinakatawanan ng dobleng yod.​—Gen 2:8, tlb sa Rbi8.

Dahil magkahawig ang mga titik na yod (י) at waw (ו), kung minsan ay napagpapalit ng mga tagakopya ang mga ito. Sa Hebreo, ang bawat talata sa Awit 119:73-80 ay nagsisimula sa titik na yod.