Yungib
Isang guwang sa ilalim ng lupa, o kuweba na may butas sa labas. Ang salitang “yungib” ay salin ng Hebreong meʽa·rahʹ (Gen 19:30) at ng Griegong speʹlai·on. (Ju 11:38) Ang Hebreong chor o chohr naman ay tumutukoy sa isang “butas,” na kung minsan ay malaki anupat kasya ang mga tao. (1Sa 14:11; Job 30:6; 2Ha 12:9) Ang isa pang salitang Hebreo para sa “butas” ay mechil·lahʹ.—Isa 2:19.
Maraming yungib ang matatagpuan sa batong-apog na mga kabundukan ng Palestina; halimbawa, naging mabuway ang Bundok Carmel at ang kapaligiran ng Jerusalem dahil sa dami ng mga ito. Kaya naman ang mga yungib ay malimit banggitin sa Kasulatan, kung minsan ay sa makasagisag na diwa. Ang ilan sa mga ito ay napakalaki anupat kasya ang daan-daan katao at ginamit bilang permanenteng mga tirahan, gaya ng ginawa sa Petra, o ginamit bilang mga pansamantalang silungan, mga dakong libingan, mga imbakang-tubig, mga kuwadra, o mga kamalig. Maraming sinaunang kasangkapan ang nakuha sa mga yungib na ito.
Naging kanlungan ang mga yungib sa mga panahon ng panganib. Ang unang pagbanggit sa gayong lugar ay may kinalaman kay Lot at sa kaniyang dalawang anak na nanirahan sa isang yungib pagkatapos nilang lisanin ang Zoar dahil sa takot. (Gen 19:30) Sa Makeda, limang magkakakamping Amoritang hari ang nagtago mula kay Josue sa isang yungib na naging libingan nilang lahat. (Jos 10:16-27) Noong mga araw ni Haring Saul, nagtago rin sa mga yungib ang ilang Israelitang tumatakas mula sa mga Filisteo. (1Sa 13:6; 14:11) Upang matakasan ang poot ni Saul, nanganlong si David sa isang yungib malapit sa Adulam at doon ay sumama sa kaniya ang “mga apat na raang lalaki.” (1Sa 22:1, 2) Nang muli siyang tugisin ni Saul, nagtago si David sa isang yungib sa ilang ng En-gedi, at dito niya pinutol ang laylayan ng damit ni Saul nang ‘pumasok ito upang manabi.’ (1Sa 24:1-15) Maaaring ang mga karanasan ni David sa dalawang pagkakataong ito ang nag-udyok sa kaniya na isulat ang mga Awit 57 at 142, gaya ng ipinakikita ng mga superskripsiyon ng mga ito. Nang maging hari na si David, waring ang yungib ng Adulam ay nagsilbing punong-tanggapang militar noong panahon ng isang kampanya laban sa mga Filisteo. (2Sa 23:13; 1Cr 11:15) Nang tangkain ng balakyot na si Jezebel na patayin ang lahat ng propeta ni Jehova, pinakain ni Obadias ang 100 sa mga ito na nagtatago sa mga yungib. (1Ha 18:4, 13) Tumakas din si Elias mula sa galit ni Jezebel at nagtungo sa isang yungib sa Horeb, kung saan siya tinagubilinan ng Diyos na bumalik at pahiran si Hazael pati na si Jehu. (1Ha 19:1-17) Batay sa mga halimbawang ito, naisulat ni Pablo na may mga taong may pananampalataya na “nagpagala-gala sa . . . mga yungib at mga lungga sa lupa.” (Heb 11:38) Pagkaraan ng maraming taon, ginamit ng mga Kristiyanong pinag-uusig ang mga katakumba ng Roma bilang mga dakong kanlungan at pulungan sa ilalim ng lupa.
Kadalasan, ang mga patay ay inililibing sa mga yungib. Naging mahirap ang paghuhukay ng mga libingan sa Palestina dahil masyadong mabato ang lupa dito. Ang ikalawang yungib na binanggit sa Bibliya ay ang yungib ng Macpela sa Hebron na binili ni Abraham at pinaglibingan kina Sara, Abraham, Isaac, Rebeka, Jacob, at Lea. (Gen 23:7-20; 25:9, 10; 49:29-32; 50:13) Ang alaalang libingan ng kaibigan ni Jesus na si Lazaro, sa katunayan, ay “isang yungib.”—Ju 11:38.
Ang mga yungib ay malimit gamitin bilang mga kamalig, lalo na sa mga panahon ng panganib. Kaya naman, upang maingatan ang kanilang ani mula sa mga manlulusob na Midianita noong mga araw ni Gideon, ‘gumawa ang mga anak ni Israel para sa kanilang sarili ng mga imbakan sa ilalim ng lupa na nasa mga bundok, at mga yungib at mga dakong mahirap puntahan.’ (Huk 6:2) Gayundin naman, maliwanag na ang Dead Sea Scrolls ay itinago sa mga yungib malapit sa Wadi Qumran, sa HK ng Dagat na Patay, kung saan naingatan ang mga ito sa loob ng maraming siglo hanggang sa matuklasan ang mga ito pasimula noong 1947.
Makasagisag na Paggamit. Inakusahan ni Jesus ang mga tagapagpalit ng salapi sa pagsasabing ginagawa nilang “yungib ng mga magnanakaw” ang templo. (Mat 21:13; Jer 7:11) Sa hula ni Isaias at sa Apocalipsis, sinasabi na tatangkain ng ilan na takasan ang hatol ng Diyos, ang “panghihilakbot kay Jehova,” sa pamamagitan ng pagtatago sa “mga yungib,” ngunit ayon kay Ezekiel, ang “mga yungib” na ginagawa nilang kanlungan ay hindi makapaglalaan sa kanila ng proteksiyon mula sa paghatol ng Diyos.—Isa 2:19-21; Apo 6:15-17; Eze 33:27.