Zacarias
[Inalaala ni Jehova].
1. Isa sa sampung anak ni Jeiel sa tribo ni Benjamin. (1Cr 9:35-37) Ang kaniyang pangalan ay pinaikli sa Zeker sa katulad na talaan sa 1 Cronica 8:31.
2. Isang Rubenita na posibleng nakipagdigma laban sa mga Hagrita noong mga araw ni Saul.—1Cr 5:6, 7, 10.
3. Isang Levitang bantay ng pintuang-daan na pinapurihan din bilang “isang tagapayo na may karunungan.” Dati siyang bantay ng pintuang-daan sa 1Cr 9:21, 22; 26:1, 2, 14.
pasukan ng tolda ng kapisanan, at nang muling organisahin ni David ang Levitikong mga paglilingkod para sa templong itatayo sa hinaharap, ang palabunot ni Zacarias ay nahulog sa dakong hilaga. Siya ang panganay na anak ni Meselemias, isang Korahita, sa Kohatitang pamilya ng mga Levita.—4. Isang Levita na inatasang tumugtog ng panugtog na de-kuwerdas kasama ng iba pang mga Levita sa prusisyong nagdala sa kaban ng tipan sa Jerusalem. Pagkatapos nito, tumugtog si Zacarias sa harap ng tolda na kinalalagyan ng Kaban.—1Cr 15:18, 20; 16:1, 4, 5.
5. Isang makasaserdoteng manunugtog ng trumpeta sa prusisyong sumabay sa kaban ng tipan patungong Jerusalem.—1Cr 15:24.
6. Isang Levita na mula sa pamilya ni Uziel na kasangkot sa muling pag-oorganisa ng paglilingkod para sa bahay ni Jehova.—1Cr 24:24, 25.
7. Isang Meraritang Levita, anak ni Hosa, na inatasan sa kalipunan ng mga bantay ng pintuang-daan noong panahon ng paghahari ni David.—1Cr 26:1, 10, 11.
8. Isang Manasita na ang anak na si Ido ang pinuno ng tribo sa Gilead noong panahon ng paghahari ni David.—1Cr 27:16, 21.
9. Isang Levita na ang anak na si Jahaziel ay nagbigay-katiyakan kay Jehosapat at sa bayan ng Juda na si Jehova ang makikipaglaban ng kanilang digmaan para sa kanila.—2Cr 20:13-17.
10. Isa sa mga prinsipe ng bayan na inutusan ni Jehosapat, noong 934 B.C.E., na magturo ng kautusan ni Jehova sa lahat ng lunsod ng Juda.—2Cr 17:7, 9.
11. Anak ni Haring Jehosapat. Si Zacarias at ang kaniyang mga kapatid ay pawang tumanggap ng saganang kaloob mula kay Jehosapat, ngunit ang pagkahari ay isinalin sa panganay na si Jehoram. Upang palakasin ang katayuan niya, pagkatapos na mailuklok sa trono ay pinatay ni Jehoram si Zacarias at ang iba pa sa kaniyang mga kapatid gayundin ang ilan sa mga prinsipe.—2Cr 21:1-4.
12. Anak ng mataas na saserdoteng si Jehoiada. Pagkamatay ni Jehoiada, tinalikdan ni Haring Jehoas ang tunay na pagsamba, anupat nakinig sa maling payo sa halip na sa mga propeta ni Jehova. Si Zacarias, na pinsan ni Jehoas (2Cr 22:11), ay mahigpit na nagbabala sa bayan tungkol dito, ngunit sa halip na magsisi, pinagbabato nila siya sa looban ng templo. Ang mga salita ni Zacarias bago siya mamatay ay: “Tingnan nawa ito ni Jehova at singilin.” Ipinagkaloob ang makahulang kahilingang ito, sapagkat hindi lamang ginawan ng Sirya ng malaking pinsala ang Juda kundi pinatay rin si Jehoas ng dalawa sa kaniyang mga lingkod “dahil sa dugo ng mga anak ni Jehoiada na saserdote.” Sinasabi ng Griegong Septuagint at ng Latin na Vulgate na si Jehoas ay pinatay upang ipaghiganti ang dugo ng “anak” ni Jehoiada. Gayunman, ang tekstong Masoretiko at ang Syriac na Peshitta ay kababasahan ng “mga anak,” anupat posibleng ginamit ang pangmaramihang bilang upang ipakita ang kahigitan at kahalagahan ng anak ni Jehoiada na si Zacarias na propeta at saserdote.—2Cr 24:17-22, 25.
Si Zacarias na anak ni Jehoiada ang malamang na nasa isip ni Jesus nang humuhula siya na “ang dugo ng lahat ng mga propeta na nabubo mula sa pagkakatatag ng sanlibutan” ay sisingilin “sa salinlahing ito [ang mga Judio noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa], mula sa dugo ni Abel hanggang sa dugo ni Zacarias, na pinatay sa pagitan ng altar at ng bahay.” (Luc 11:50, 51) Ang mga lugar na binanggit na pinangyarihan ng pagpatay ay magkatugma. Noong unang siglo C.E., ang Mga Cronica ang huling aklat sa kanon ng Hebreong Kasulatan. Kaya ang pariralang sinabi ni Jesus, “mula kay Abel . . . hanggang kay Zacarias,” ay katulad ng ating pananalitang, “mula Genesis hanggang Apocalipsis.” Sa katulad na ulat sa Mateo 23:35, si Zacarias ay tinatawag na anak ni Barakias, posibleng isa pang pangalan ni Jehoiada, maliban na lamang kung tumutukoy ito sa isang salinlahi sa pagitan nina Jehoiada at Zacarias o kaya ay pangalan ng isang mas naunang ninuno.—Tingnan ang BARAKIAS.
13. Isang tagapayo ni Haring Uzias, na naghari mula 829 hanggang 778 B.C.E. Inilalarawan si Zacarias bilang isang “tagapagturo ng pagkatakot sa tunay na Diyos.”—2Cr 26:5.
14. Hari ng Israel. Si Zacarias ay anak ni Jeroboam II at ang kahuli-hulihang namahala mula sa dinastiya ni Jehu. Ang kaniyang nakaulat na paghahari nang anim na buwan ay nagwakas nang paslangin siya ni Salum. (2Ha 15:8-12) Namatay ang ama ni Zacarias noong mga 803 B.C.E., noong ika-27 taon ng paghahari ni Uzias (2Ha 14:29), ngunit mga 11 taon pa ang lumipas bago naganap ang nasabing pamamahala ni Zacarias na may lawig na anim na buwan pasimula noong ika-38 taon ni Uzias (mga 792 B.C.E.). (2Ha 15:8, 13) Maaaring ito ay dahil napakabata pa niya nang mamatay ang kaniyang ama, o maaaring dahilan sa maraming pagsalansang (pangkaraniwan sa hilagang kaharian ng Israel) na kinailangang mapagtagumpayan bago siya maitatag nang matibay sa kaharian.
15. Isang saksi sa pagsulat ni Isaias ng pangalan ng anak nito sa isang tapyas; anak ni Jeberekias.—Isa 8:1, 2.
16. Lolo ni Haring Hezekias sa panig ng ina.—2Ha 18:1, 2; 2Cr 29:1.
17. Isa sa mga Levita mula sa mga anak ni Asap na tumulong sa pagtatapon ng maruruming bagay na inalis mula sa templo sa pasimula ng paghahari ni Hezekias.—18. Isang Kohatitang Levita na inatasang tumulong sa pangangasiwa sa pagkukumpuni sa templo na itinaguyod ni Haring Josias.—2Cr 34:8, 12.
19. Isa sa tatlong nangungunang saserdote na nagbigay ng bukas-palad na mga abuloy na mga hayop na panghandog para sa pagdiriwang ng dakilang Paskuwa na isinaayos ni Josias.—2Cr 35:1, 8.
20. Isang propetang nabuhay pagkaraan ng pagkatapon at manunulat ng aklat na nagtataglay ng kaniyang pangalan. Tinatawag ni Zacarias ang kaniyang sarili na “anak ni Berekias na anak ni Ido” (Zac 1:1, 7), ngunit sa iba pang mga pagtukoy sa kaniya ay wala ang panggitnang kawing na ito. (Ezr 5:1; 6:14; Ne 12:4, 16) Malamang na ipinanganak si Zacarias sa Babilonya, sapagkat nagsimula ang kaniyang gawaing panghuhula 17 taon lamang pagkabalik mula sa pagkatapon at makatuwirang sabihin na mahigit na siya sa 17 taóng gulang nang panahong iyon, bagaman tinatawag pa ring “kabataang lalaki.”—Zac 2:4.
Sina Zacarias at Hagai ay ginamit ni Jehova upang pukawin si Zerubabel, ang mataas na saserdoteng si Jesua, at ang pinabalik na mga tapon na tapusin ang muling pagtatayo ng templo ni Jehova bagaman may bisa pa noon ang isang pagbabawal ng pamahalaan ng Persia. (Ezr 5:1, 2; 6:14, 15) Ang hula ni Zacarias ay naglalaman ng mga mensahe na binigkas niya sa layuning iyon sa loob ng dalawang taon at isang buwan. (Zac 1:1, 7; 7:1, 8) Hindi iniulat ang iba pa niyang gawaing panghuhula.—Tingnan ang ZACARIAS, AKLAT NG.
Bagaman ang pangalan ng ama ng Zacarias na ito ay Berekias, ang pagtukoy ni Jesus kay “Zacarias na anak ni Barakias” (Mat 23:35; pansinin ang pagkakaiba ng baybay) ay mas malamang na tumutukoy sa isang mataas na saserdote na nabuhay noong mas maagang panahon.—Tingnan ang Blg. 12.
21. Isa sa “mga pangulo” na isinugo ni Ezra upang kumuha ng ilang ministro para sa bahay ng Diyos noong panahon ng paglalakbay patungong Jerusalem noong 468 B.C.E. (Ezr 8:15-17) Posibleng siya rin ang Blg. 22 o Blg. 23.
22. Ulo ng sambahayan ni Paros sa panig ng ama. Si Zacarias at ang 150 lalaki mula sa sambahayang iyon sa panig ng ama ay pumaroon sa Jerusalem kasama ni Ezra. (Ezr 8:1, 3) Posibleng siya rin ang Blg. 21.
23. Ulo ng sambahayan ni Bebai sa panig ng ama na nanguna sa 28 lalaki mula sa kaniyang pamilya sa pagbabalik kasama ni Ezra. (Ezr 8:1, 11) Posibleng siya rin ang Blg. 21.
24. Isa sa mga anak ni Elam na bumuwag sa kanilang mga alyansa ukol sa pag-aasawa sa mga banyaga, dahil sa payo ni Ezra.—Ezr 10:10, 11, 26, 44.
25. Isang kasamahan ni Ezra nang basahin at ipaliwanag nito ang Kautusan sa bayan. Si Zacarias, malamang na isang saserdote, ay tumayo sa kaliwa ni Ezra.—Ne 8:1, 2, 4.
26, 27. Dalawang lalaki ng Juda, ang isa ay anak ni Amarias at ang isa naman ay anak ng Shelanita, na ang mga inapo ay nanirahan sa Jerusalem pagkatapos ng pagkatapon sa Babilonya.—Ne 11:4, 5.
28. Isang saserdote, na anak ng isa ring saserdote na nagngangalang Pasur, na ang mga inapo ay nanirahan sa Jerusalem pagkaraan ng pagkatapon.—Ne 11:10, 12.
29. Isang makasaserdoteng manunugtog ng trumpeta sa prusisyon sa pagpapasinaya ng muling-itinayong pader ng Jerusalem; anak ni Jonatan.—Ne 12:27, 31, 35.
30. Isa pang manunugtog ng trumpeta, na saserdote rin, na nasa pagpapasinaya ring iyon na dinaluhan ng Blg. 29.—Ne 12:40, 41.
31. Saserdoteng ama ni Juan na Tagapagbautismo. (Luc 3:2) Siya at ang kaniyang asawang si Elisabet, isang kamag-anak ng ina ni Jesus na si Maria, ay naninirahan sa mga burol ng Juda. Kapuwa sila natatakot sa Diyos at sumusunod sa kaniyang mga utos. Bagaman may kalaunan na sa mga taon, walang silang mga anak.—Luc 1:5-7, 36.
Nang maging pagkakataon ni Zacarias na maghandog ng insenso noong ang “pangkat ni Abias” ang nakaatas, malamang na sa pagtatapos ng tagsibol o sa pasimula ng tag-araw ng 3 B.C.E., pumasok siya sa santuwaryo gaya ng dati. Sa pagkakataong ito ay nagpakita sa kaniya ang anghel ni Jehova na si Gabriel, anupat ipinabatid sa kaniya na ang pagsusumamo niya ay malugod na pinakinggan, na ang asawa niyang si Elisabet ay magsisilang sa kaniya ng isang anak na lalaki, at na ang bata ay tatawaging Juan. Tinagubilinan ni Gabriel si Zacarias kung paano dapat palakihin ang bata at kung ano ang gagampanan ng anak na ito. (Luc 1:5-17) Humingi si Zacarias ng tanda sa anghel bilang karagdagang katiyakan. Dahil sa kaniyang kahinaan sa hindi paniniwala sa anghel, ipinabatid sa kaniya na siya ay magiging pipi hanggang sa maisilang si Juan. (Luc 1:18-23) Noong ikawalong araw pagkapanganak sa sanggol, tinanggihan ni Elisabet ang mga mungkahi ng mga kapitbahay at mga kamag-anak at ipinilit na ang kaniyang anak ay panganlang Juan. Nang mamanhik sila sa ama ng bata, kumuha si Zacarias ng isang tapyas at sumulat doon: “Juan ang pangalan nito.” Kaagad na nanauli ang kaniyang pagsasalita at bumigkas siya ng isang hula may kinalaman sa gawain ng kaniyang anak at niyaong Mesiyas.—Luc 1:13, 57-79.