Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Zacarias, Aklat ng

Zacarias, Aklat ng

Binabanggit sa mismong aklat na ito ng Hebreong Kasulatan na isinulat ito ni “Zacarias na anak ni Berekias na anak ni Ido na propeta.” (Zac 1:1) Naglalaan din ito ng saligan upang matukoy ang panahong saklaw nito at matantiya ang petsa kung kailan ito isinulat. Ang huling binanggit na petsa sa aklat ng Zacarias ay ang ikaapat na araw ng Kislev sa ikaapat na taon ng paghahari ni Dario (mga Disyembre 1, 518 B.C.E.). (7:1) Kaya naman ang aklat na ito ay hindi maaaring isinulat bago matapos ang 518 B.C.E. Yamang “ang salita ni Jehova ay dumating kay Zacarias” noong “ikawalong buwan nang ikalawang taon ni Dario” (Oktubre/Nobyembre 520 B.C.E.) (1:1), di-kukulangin sa dalawang taon ang yugtong saklaw ng aklat.

Pasimula sa kabanata 9, ang paksa ng aklat ng Zacarias ay waring naging ibang-iba sa naunang seksiyon. Wala nang pagtukoy sa mga anghel at mga pangitain o kay Gobernador Zerubabel at sa mataas na saserdoteng si Josue. Hindi na binanggit ang muling pagtatayo ng templo, at maging ang pangalan ni Zacarias ay hindi na lumitaw. Dahil dito at sa katangian ng mga hula sa huling mga kabanata ng aklat, sinasabi ng ilang kritiko na hindi posibleng si Zacarias ang sumulat ng seksiyong ito. Gayunman, dapat isaisip na si Zacarias, tulad ng iba pang mga propeta, ay sumulat alinsunod sa pagkasi ng Diyos at na hindi niya tinanggap ang lahat ng pagsisiwalat nang minsanan o sa iisang paraan lamang. (2Pe 1:20, 21) Bukod diyan, ang mga hula ay hindi kailangang tumugma sa isang partikular na balangkas ng umiiral na mga kalagayan at kabasahan ng pangalan ng propeta o ng ilan sa kaniyang mga kapanahon upang masabi na ang buong aklat ay akda ng propetang iyon. Malinaw na ipinakikita ng mga kaisipang ipinapahayag sa aklat ng Zacarias na hindi ito binubuo ng hiwa-hiwalay at di-magkakaugnay na mga bahagi na itinala ng iba’t ibang manunulat; sa halip, isa itong akda na may pagkakasuwato. Sa buong aklat, itinatampok ang pagsasauli sa Jerusalem at ang pagkilos ni Jehova upang ipagtanggol ang lunsod.​—Zac 1:13-21; 2:4, 5; 8:14-23; 9:11-17; 12:2-6; 14:3-21.

Tagpo sa Kasaysayan. Noong mga Pebrero 9, 519 B.C.E., narinig ng propetang si Zacarias ang mga salitang: “Ang buong lupa ay tahimik at walang kaligaligan.” (Zac 1:7, 11) Nang panahong iyon, ang Jerusalem ay hindi isang sanhi ng kaligaligan para sa mga bansa, anupat sa paningin ng mga nagmamasid ay waring pinabayaan na ni Jehova ang lunsod. Bagaman nailatag na ang pundasyon ng templo noong 536 B.C.E., naging mabagal ang pagsulong ng muling pagtatayo nito dahil sa pagsalansang ng mga kaaway at nang dakong huli, noong 522 B.C.E., opisyal na ipinagbawal ang gawain. (Ezr 4:4, 5, 24) Karagdagan pa, palibhasa’y sinasalot ng mga tagtuyot at mahihinang ani dahil sa pagpapabaya nila sa muling pagtatayo ng templo, ang nakabalik na mga Judio ay nasadlak sa napakahirap na mga kalagayan. (Hag 1:6, 10, 11) Kailangan silang mapasigla na ipagpatuloy ang gawaing pagtatayo sa kabila ng gabundok na mga hadlang.

Samakatuwid, tiyak na ang mga salita ni Jehova sa pamamagitan ni Zacarias ay nagdulot sa kanila ng tunay na kaaliwan at inspirasyon. Malinaw na ipinakita ng mga pangitain ni Zacarias na kalooban ng Diyos na muling maitayo ang Jerusalem at ang templo nito. (Zac 1:16; kab 2) Dudurugin ang kapangyarihan ng mga bansang nagpanabog sa Juda. (1:18-21) Ang mataas na saserdoteng si Josue ay magtatamo ng kaayaayang katayuan sa harap ni Jehova (3:3-7), at sa tulong ng espiritu ng Diyos, matatapos ni Gobernador Zerubabel ang muling pagtatayo ng templo.​—4:6-9.

Kasuwato ng Ibang mga Aklat ng Bibliya. Ang aklat ng Zacarias ay lubusang kaayon ng iba pang bahagi ng Kasulatan sa pagtukoy kay Jehova bilang ang Tagapagsanggalang ng kaniyang bayan. (Zac 2:5; ihambing ang Deu 33:27; Aw 46:11; 125:2.) Ginagantimpalaan o pinarurusahan niya ang mga indibiduwal o mga bansa ayon sa kanilang mga pakikitungo at nanunumbalik siya sa mga may-pagsisising nanunumbalik sa kaniya. (Zac 1:2-6; 7:11-14; ihambing ang Isa 55:6, 7; Jer 25:4-11; Eze 33:11; Mal 3:7; 2Pe 3:9.) Hinihilingan ni Jehova yaong mga nais magkamit ng kaniyang lingap na magsalita ng katotohanan at magpakita ng pagkamasunurin, katarungan, maibiging-kabaitan, at awa. (Zac 7:7-10; 8:16, 17; ihambing ang Deu 24:17; Aw 15:1, 2; 82:3, 4; Kaw 12:19; Jer 7:5, 6; Efe 4:25.) Hindi niya tinutugon ang paghingi ng saklolo niyaong mga hindi sumusunod sa kaniya.​—Zac 7:13; ihambing ang Isa 1:15; Pan 3:42-44.

Karagdagan pa, agad na mapapansin ang malalaking pagkakahawig kapag inihambing ang mga talata sa Zacarias sa iba pang bahagi ng kasulatan.​—Ihambing ang Zac 3:2 sa Jud 9; Zac 4:3, 11-14 sa Apo 11:4; Zac 4:10 sa Apo 5:6; Zac 8:8 sa Apo 21:3; Zac 14:5 sa Jud 14; Zac 14:7 sa Apo 21:25; Zac 14:8 sa Apo 22:1, 17.

Katuparan ng Hula. Pinatototohanan ng katuparan ng mga hulang nakaulat sa Zacarias ang autentisidad ng aklat. Ang impormasyong nalalaman tungkol sa kampanya ni Alejandrong Dakila sa Sirya, Fenicia, at Filistia, kasama na ang panlulupig sa Tiro at Gaza, ay tumutugma sa mga salita ng Zacarias 9:1-8 at samakatuwid ay maaaring unawain bilang isang katuparan ng hulang ito. Marami ring hula sa aklat ng Zacarias ang natupad kay Kristo Jesus​—ang pagpasok niya sa Jerusalem bilang hari, na “mapagpakumbaba, at nakasakay sa asno” (Zac 9:9; Mat 21:5; Ju 12:15), ang pagkakanulo sa kaniya sa halagang “tatlumpung pirasong pilak” (Zac 11:12, 13; Mat 26:15; 27:9), ang pangangalat ng kaniyang mga alagad (Zac 13:7; Mat 26:31; Mar 14:27), ang pag-ulos ng sibat kay Jesus habang nasa tulos (Zac 12:10; Ju 19:34, 37), at ang kaniyang papel bilang Haring-Saserdote (Zac 6:12, 13; Heb 6:20; 8:1; 10:21).

[Kahon sa pahina 1407]

MGA TAMPOK NA BAHAGI NG ZACARIAS

Makahulang mga mensahe na nagpasigla sa mga Judio na ipagpatuloy ang muling pagtatayo ng templo at patiuna ring nagpaaninaw sa pagdating ng Mesiyas at sa kaniyang pamamahala bilang Haring-Saserdote

Isinulat ni Zacarias noong panahong naghahari ang Persianong si Haring Dario I, mga 19 na taon pagkabalik ng unang mga Judio mula sa Babilonya noong 537 B.C.E.

Isang panawagan na magsisi, sinundan ng walong pangitain at isang hula tungkol kay “Sibol” (1:1–6:15)

Unang pangitain: Isang lalaking nakasakay sa pulang kabayo ang nakatigil sa gitna ng mga puno ng mirto kasama ng tatlo pang mangangabayo; sa katapusan ng pangitain, tiniyak na pagpapakitaan ng awa ang Jerusalem at na muling itatayo ang templo

Ikalawang pangitain: Ang apat na sungay na nagpanabog sa Juda ay ibinagsak ng apat na bihasang manggagawa

Ikatlong pangitain: Isang kabataang lalaki na may lubid na panukat ang naghandang sukatin ang Jerusalem, ngunit isang anghel ang humula na higit pang uunlad ang lunsod at na ipagsasanggalang ito ni Jehova

Ikaapat na pangitain: Ang narumhang mga kasuutan ng mataas na saserdoteng si Josue ay inalis at pinalitan ng mariringal na kasuutan

Ikalimang pangitain: Nakakita si Zacarias ng isang gintong kandelero na may pitong lampara na sinusuplayan ng langis mula sa dalawang punong olibo; matatapos ni Zerubabel ang muling pagtatayo ng templo sa tulong ng espiritu ng Diyos

Ikaanim na pangitain: Isang lumilipad na balumbon na sumasagisag sa sumpa na lumalabas dahil sa lahat ng mga nagnanakaw at mga nanunumpa nang may kabulaanan sa pangalan ni Jehova

Ikapitong pangitain: Isang babaing nagngangalang Kabalakyutan ang dinala sa Sinar samantalang nasa loob ng takal ng epa

Ikawalong pangitain: Apat na karo ang lumabas mula sa pagitan ng dalawang bundok na tanso upang lumibot sa lupa

Itatayo ng lalaking nagngangalang Sibol ang templo ni Jehova at maglilingkod siya bilang haring-saserdote

Tanong tungkol sa mga pag-aayuno na gumugunita sa mga kapahamakang sumapit sa Jerusalem (7:1–8:23)

Dumating ang mga kapahamakan bilang kaparusahan sa pagkamasuwayin; ang pag-aayuno bilang paggunita sa mga ito ay hindi talaga isinasagawa para kay Jehova

Tatamasahin ng Jerusalem ang lingap ng Diyos; ang dating mga araw ng pag-aayuno ay magiging “pagbubunyi at pagsasaya at mabubuting kapanahunan ng pista”; marami mula sa mga bansa ang paroroon upang hanapin ang lingap ni Jehova

Kahatulan sa mga bansa, Mesiyanikong mga hula, at pagsasauli sa bayan ng Diyos (9:1–14:21)

Maraming lunsod at bansa ang daranas ng kahatulan ni Jehova

Ang matuwid at mapagpakumbabang Hari ng Sion ay papasok sa lunsod sakay ng isang asno

Ipinahayag ni Jehova ang kaniyang galit laban sa mga bulaang pastol

Ang nakapangalat na bayan ng Diyos ay kukunin mula sa Ehipto at Asirya

Tinawag si Zacarias upang maging isang pastol; ang bayan ay binigyan ng pagkakataong bayaran siya sa kaniyang paggawa, at hinalagahan nila ito ng 30 pirasong pilak

Ang Jerusalem ay magiging isang nakapagpapabigat na bato na magdudulot ng malulubhang gasgas sa sinumang gagalaw rito

Isang balon ang bubuksan para sa paglilinis ng kasalanan; sasaktan ang pastol, at mangangalat ang mga tupa

Sasalakayin ang Jerusalem, ngunit makikipagdigma si Jehova laban sa mga lumulusob

Yaong mga maiiwan mula sa mga bansang sumasalakay ay magdiriwang ng Kapistahan ng mga Kubol bawat taon at yuyukod sa harap ni Jehova bilang Hari