Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Zaqueo

Zaqueo

[mula sa Heb., posibleng mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “malinis; dalisay”].

Isang punong maniningil ng buwis sa Jerico na naging isa sa mga alagad ni Kristo. Bilang isang opisyal na may gayong posisyon, malamang na si Zaqueo ang nangasiwa sa iba pang mga maniningil ng buwis sa loob at sa palibot ng Jerico. Ang distrito sa palibot ng Jerico ay mataba at mabunga, na nagdudulot ng malaking pasok ng buwis bilang resulta ng pangangalakal, at si Zaqueo, gaya ng ugali ng karamihan sa maniningil ng buwis, ay malamang na gumamit ng kuwestiyunableng mga pamamaraan may kaugnayan sa kaniyang posisyon upang malikom ang bahagi ng kaniyang bantog na kayamanan, sapagkat, sa katunayan ay “mayaman siya.”​—Luc 19:1, 2, 8; tingnan ang MANININGIL NG BUWIS.

Nang dumating si Jesus sa Jerico noong tagsibol ng 33 C.E., bago ito pumaroon sa Jerusalem at mamatay, ninais ni Zaqueo na masulyapan ito, ngunit dahil maliit siya, hindi niya ito makita dahil sa pulutong. Kaya, pagtakbo niya patungo sa isang puwesto sa harapan, may-kahusayan siyang nakakuha ng magandang puwesto sa pamamagitan ng pag-akyat sa isang puno. Siyempre pa, ang ipinakitang interes na ito ay nagpahanga kay Jesus, na nagsabi naman kay Zaqueo na makikituloy ito sa kaniya habang ito ay nasa Jerico. Gayunman, ang taong-bayan ay tumutol, na sinasabing nakikipagkaibigan si Jesus sa mga makasalanan. Palibhasa’y nagpapakita na ng nagbagong saloobin, ipinahayag ni Zaqueo na isasauli niya nang makaapat na ulit ang anumang natamo niya nang di-makatarungan at na ibibigay niya sa dukha ang kalahati ng kaniyang mga pag-aari. Pagkatapos ay kinilala ni Jesus na ang sambahayan ni Zaqueo ay nakahanay na para sa kaligtasan. (Luc 19:3-10) Gayundin, sa pagdalaw na ito kay Zaqueo, sinalita ni Jesus ang ilustrasyon tungkol sa mga mina.​—Luc 19:11-28.