Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Zeba

Zeba

[Hain].

Isang hari ng Midian na nakibahagi sa pagsiil sa Israel. Ipinapalagay na sina Zeba at Zalmuna ay mga tagapamahala sa loob ng pitong taon na ang Midian ay gumagawa ng mga paglusob sa Israel, anupat naninira ng mga bukid at nagdudulot ng karalitaan. (Huk 6:1-6) Sa isang di-tiniyak na panahon, pinatay rin nila ang ilang miyembro ng sambahayan ni Gideon.​—Huk 8:18, 19.

Nang matalo ni Gideon ang kanilang hukbo na may 135,000 katao, nakatakas sina Zeba, Zalmuna, at ang 15,000 habang mainitan silang tinutugis at nakarating sila sa Karkor, na malayong distansiya rin, ngunit doon ay muli silang natalo at nang bandang huli ay nabihag. Habang inaakay ni Gideon sina Zeba at Zalmuna pabalik bilang napahiyang mga bihag hanggang sa Sucot man lamang, malamang na naipaalaala sa kanila ang kanilang mapaghambog na pananalita (o ang kapahayagan man lamang ng kanilang saloobin) na naingatan sa awit na ito: “Ariin natin ang mga tinatahanang dako ng Diyos para sa ating sarili.” (Aw 83:11, 12) Matapos nilang aminin na sila ang pumatay sa kaniyang mga kapatid, si Gideon mismo ang pumatay sa dalawang Midianitang hari.​—Huk 8:4-21.