Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Zefanias, Aklat ng

Zefanias, Aklat ng

Ang aklat na ito ng Hebreong Kasulatan ay naglalaman ng salita ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Zefanias. Isinagawa ni Zefanias ang kaniyang gawaing panghuhula noong mga araw ng Judeanong si Haring Josias (659-629 B.C.E.). (Zef. 1:1) Noong ika-12 taon ng paghahari ni Josias, nang siya ay mga 20 taóng gulang, pinasimulan ng hari ang isang malawakang kampanya laban sa idolatriya, at mula noong ika-18 taon ng kaniyang pamamahala hanggang noong magwakas ito, ang kaniyang mga sakop ay ‘hindi lumihis mula sa pagsunod kay Jehova.’ (2Cr 34:3-8, 33) Samakatuwid, yamang binabanggit ng aklat ng Zefanias na masusumpungan noon sa Juda ang mga saserdote ng mga banyagang diyos at ang pagsamba kay Baal at sa mga bagay sa kalangitan, makatuwirang ipalagay na isinulat ito bago simulan ni Josias ang kaniyang mga reporma noong mga 648 B.C.E.​—Zef 1:4, 5.

Laganap sa Juda ang idolatriya, karahasan, at panlilinlang nang magsimulang manghula si Zefanias. Marami ang nagsasabi sa kanilang puso: “Si Jehova ay hindi gagawa ng mabuti, at hindi siya gagawa ng masama.” (Zef 1:12) Ngunit nilinaw ni Zefanias sa kaniyang panghuhula na lalapatan ni Jehova ng paghihiganti ang mga nagkasala na hindi nagsisisi. (1:3–2:3; 3:1-5) Sasapit ang kaniyang mga kahatulan hindi lamang sa Juda at Jerusalem kundi pati sa iba pang mga bayan​—sa mga Filisteo, mga Ammonita, mga Moabita, mga Etiope, at mga Asiryano.​—2:4-15.

Malamang na ang hula ni Zefanias ay lalo nang nakaaliw sa mga nagsisikap na maglingkod kay Jehova at lubhang napipighati dahil sa karima-rimarim na mga gawain ng mga tumatahan sa Jerusalem, kabilang na ang tiwaling mga prinsipe, mga hukom, at mga saserdote. (Zef 3:1-7) Yamang tiyak na pinananabikan ng mga taong wastong nakaayon ang paglalapat ng kahatulan ng Diyos laban sa mga balakyot, maliwanag na patungkol sa kanila ang mga salitang: “⁠‘Patuloy kayong maghintay sa akin,’ ang sabi ni Jehova, ‘hanggang sa araw ng aking pagbangon ukol sa pangangamkam, sapagkat ang aking hudisyal na pasiya ay ang tipunin ang mga bansa, ang pisanin ko ang mga kaharian, upang ibuhos sa kanila ang aking pagtuligsa, ang aking buong nag-aapoy na galit.’⁠” (3:8) Sa dakong huli, ibabaling ni Jehova ang kaniyang lingap sa nalabi ng kaniyang bayang Israel, anupat isasauli sila mula sa pagkabihag at gagawin silang isang pangalan at isang kapurihan sa gitna ng lahat ng iba pang mga bayan.​—3:10-20.

Autentisidad. Hindi mapag-aalinlanganan ang autentisidad ng aklat ng Zefanias. Ang mga kaisipang ipinapahayag sa aklat na ito ay kadalasan nang may katulad sa iba pang bahagi ng Bibliya. (Ihambing ang Zef 1:3 sa Os 4:3; Zef 1:7 sa Hab 2:20 at Zac 2:13; Zef 1:13 sa Deu 28:30, 39 at Am 5:11; Zef 1:14 sa Joe 1:15; at Zef 3:19 sa Mik 4:6, 7.) Lubusan itong kasuwato ng iba pang bahagi ng Kasulatan sa pagdiriin ng mahahalagang katotohanan. Halimbawa: Si Jehova ay isang Diyos ng katuwiran. (Zef 3:5; Deu 32:4) Bagaman nagbibigay siya ng pagkakataon para sa pagsisisi, hindi niya hinahayaan na sa habang-panahon ay manatiling di-naparurusahan ang pagsalansang. (Zef 2:1-3; Jer 18:7-11; 2Pe 3:9, 10) Ang pilak man o ginto ay hindi makapagliligtas sa mga balakyot sa araw ng poot ni Jehova. (Zef 1:18; Kaw 11:4; Eze 7:19) Upang magtamo ng proteksiyon ng Diyos ang isang tao, dapat siyang gumawi kasuwato ng matuwid na mga kahatulan ng Diyos.​—Zef 2:3; Am 5:15.

Ang isa pang namumukod-tanging katibayan ng pagiging kanonikal ng aklat ay ang katuparan ng hula nito. Ang inihulang pagkawasak ay sumapit sa kabisera ng Asirya, ang Nineve, noong 632 B.C.E. (Zef 2:13-15) at sa Juda at Jerusalem naman noong 607 B.C.E. (Zef 1:4-18; ihambing ang 2Ha 25:1-10.) Bilang kaalyado ng mga Ehipsiyo, ang mga Etiope ay maliwanag na dumanas ng kapahamakan noong panahong lupigin ni Nabucodonosor ang Ehipto. (Zef 2:12; ihambing ang Eze 30:4, 5.) At ang mga Ammonita, mga Moabita, at mga Filisteo ay naglaho bilang isang bayan nang dakong huli.​—Zef 2:4-11.

[Kahon sa pahina 1417]

MGA TAMPOK NA BAHAGI NG ZEFANIAS

Mga mensahe ng kahatulan ng Diyos laban sa Juda at Jerusalem, gayundin sa iba pang mga bansa; naglalaman din ng patalastas hinggil sa pagsasauli ng Jerusalem

Isinulat ni Zefanias noong maagang bahagi ng paghahari ni Josias, bago nito simulan ang kaniyang mga reporma noong mga 648 B.C.E.

Ang araw ng paghatol ni Jehova ay malapit na (1:1–2:3)

Papawiin ni Jehova ang lahat ng bagay mula sa ibabaw ng lupa

Lilipulin ang lahat ng nasa Juda at Jerusalem na nagsasagawa ng idolatriya, nanunumpa kay Jehova at sa pamamagitan ng isang huwad na diyos, tumatalikod sa paglilingkod kay Jehova, o hindi humahanap sa kaniya

Kabilang sa mga pagtutuunan ng pansin ang mga prinsipe, mga taong mararahas, at mga manlilinlang; makikita ng lahat ng mga nag-aakalang hindi kikilos si Jehova sa ikabubuti o sa ikasasama na ang kanilang kayamanan at pag-aari ay mauuwi sa wala

Ang araw ni Jehova ay dumarating, isang araw ng poot; pilak man o ginto ay hindi makapaglalaan ng pagtakas

Dapat hanapin ng maaamo sa lupa si Jehova, gayundin ang kaamuan at katuwiran; baka sakaling makubli sila sa araw ng kaniyang galit

Kaparusahan sa mga karatig-bayan ng Juda at sa mas malayong Etiopia at Asirya (2:4-15)

Ang mga Filisteo ay pupuksain; ang Moab ay magiging tiwangwang na gaya ng Sodoma, at ang Ammon ay magiging gaya ng Gomorra dahil sa pandurusta nito sa bayan ni Jehova

Mabubuwal ang mga Etiope sa pamamagitan ng tabak; wawasakin ang Asirya; gigibain ang Nineve at aariin ng maiilap na hayop ang mga guho nito

Ang paghihimagsik at katiwalian ng Jerusalem (3:1-7)

Ang mapaniil na lunsod, ang Jerusalem, ay nakatakda ring hatulan; hindi ito nagtiwala kay Jehova ni lumapit man sa kaniya; ang mga prinsipe, mga hukom, mga propeta, at mga saserdote sa lunsod ay pawang gumawi nang may katiwalian sa halip na gamitin ang kanilang impluwensiya sa ikabubuti

Ang taong-bayan ay hindi natakot kay Jehova ni nagbago man ng kanilang mga lakad kahit pagkatapos nilang masaksihan ang paghatol niya sa ibang mga bansa

Ang pagbubuhos ng galit ni Jehova at ang pagsasauli sa isang nalabi (3:8-20)

Ang galit ni Jehova ay ibubuhos sa mga bansa at sa mga kaharian

Ang mga bayan ay bibigyan ng isang dalisay na wika upang makatawag sila sa pangalan ni Jehova at makapaglingkod sa kaniya nang balikatan

Tanging ang mapagpakumbaba at mababa ang mananatili sa gitna ng Israel na bayan ng Diyos at magtatamasa ng katiwasayan sa ilalim ng Kaniyang pangangalaga

Ang lahat ng responsable sa pagpighati sa Israel ay parurusahan; ang muling-tinipong nalabi ay gagawing “isang kapurihan sa gitna ng lahat ng mga bayan sa lupa”