Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Zeus

Zeus

Ang kataas-taasang diyos ng politeistikong mga Griego at katumbas ni Jupiter ng mga Romano. Si Zeus ay isang diyos ng kalangitan at ipinapalagay na kontrolado niya ang hangin, ulap, ulan, at kulog, at ginagamit niya ang mga puwersang ito ng kalikasan kapuwa sa mapaminsala at sa kapaki-pakinabang na mga layunin. Ayon sa sinaunang makatang si Homer (The Iliad, VIII, 1-25), ang lakas ni Zeus ay nakahihigit sa pinagsama-samang lakas ng lahat ng iba pang mga diyos. Gayunman, si Zeus ay hindi itinuring na kataas-taasan sa ganap na diwa at may mga pagkakataong siya’y naging biktima ng panlilinlang at napilitang sumunod sa kalooban ng Kapalaran at Tadhana.

Bukod sa paglalahad ng kaniyang kapanganakan, pagkabata, at kung paano niya natamo ang trono, itinatampok ng mga alamat ang maraming romantikong pakikipagrelasyon ni Zeus. Ikinukuwento ng mitolohikal na mga ulat ang pang-aakit niya sa mga diyosa at sa mga babae sa lupa at ang pagkakaroon niya ng napakaraming anak sa ligaw. Samantala, kakatwa naman na iniulat na pinatay ni Zeus si Iasion (isang mortal) dahil nagsagawa ito ng imoralidad sa diyosang si Demeter. Bukod sa maraming pagtataksil ni Zeus, niligalig ng iba pang mga problema ang pagsasama nila ni Hera. Sinasabing gayon na lamang ang pagdurusa ni Zeus dahil lagi siyang pinagagalitan ng kaniyang asawang si Hera anupat noong minsa’y inireklamo niya ito sa harap ng nagkakatipong mga bathala.

May mga pagkakataon na tuwirang nagkasalungatan ang dalisay na pagsamba kay Jehova at ang pagsamba sa huwad na diyos na si Zeus. Halimbawa, sa pagtatangkang pawiin ang relihiyong Judio, iniutos ni Haring Antiochus IV (Epiphanes) na lapastanganin ang templo sa Jerusalem at ialay ito kay Zeus ng Olympus. Tingnan ang Apokripal na aklat ng 2 Macabeo 6:1, 2.

Noong unang siglo C.E., nang makita ng mga taong-bayan ng Listra na pinagaling ni Pablo ang isang lalaking pilay, itinuring nilang mga diyos sina Pablo at Bernabe, anupat sinabi nilang si Pablo ay si Hermes at si Bernabe naman ay si Zeus. Naglabas pa nga ng mga toro at mga putong ang saserdote ni Zeus upang maghandog ng mga hain kasama ng pulutong. (Gaw 14:8-13) Dalawang sinaunang inskripsiyon na natuklasan noong 1909 sa Listra ang nagpapatotoo na sinamba sa lunsod na iyon ang dalawang diyos na ito. Ang isa sa mga inskripsiyon ay may tinutukoy na “mga saserdote ni Zeus,” at ang isa naman ay may binabanggit na “Hermes na Pinakadakila” at “Zeus na diyos-araw.”​—The International Standard Bible Encyclopaedia, inedit ni J. Orr, 1960, Tomo III, p. 1944.

Ang barkong sinakyan ni Pablo bilang isang bilanggo nang maglayag siya mula sa pulo ng Malta ay may roda na “Mga Anak ni Zeus,” samakatuwid nga, ang kambal na sina Castor at Pollux.​—Gaw 28:11.