Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ziba

Ziba

Ang lingkod ng sambahayan ni Saul na nagbigay-alam kay David, nang tanungin siya, tungkol kay Mepiboset na pilay na anak ni Jonatan. Dinala ni David si Mepiboset sa Jerusalem at inatasan si Ziba at ang kaniyang 15 anak at 20 lingkod na mangalaga sa mana ni Mepiboset. (2Sa 9:2-12 [Ang pagtukoy sa “aking mesa” sa talata 11 ay karaniwang ipinapalagay na isang pagkakamali ng eskriba para sa “mesa ni David”; posible rin na inuulit lamang ni Ziba ang eksaktong mga salita ni David.]) Nang tumakas si David mula sa Jerusalem dahil sa paghihimagsik ni Absalom, dinalhan ito ni Ziba ng kinakailangang panustos na pagkain at mga hayop. Gayunman, iniwan niya si Mepiboset, bagaman ninais nitong sumama, at sinabi niya kay David na sinadya ni Mepiboset na magpaiwan sa Jerusalem, anupat umaasa ito na mabawi ang kaharian para sa sambahayan ni Saul. Bilang tugon, bagaman hindi niya sinuri nang higit pa ang bagay na iyon, inilipat ni David kay Ziba ang ari-arian ni Mepiboset.​—2Sa 16:1-4.

Nang bumalik si David matapos niyang sugpuin ang paghihimagsik, kabilang si Ziba sa mga unang bumati sa hari. Pagkatapos ay sinalubong ni Mepiboset si David, magiliw itong tinanggap, at ipinaalam dito ang tungkol sa pandaraya at paninirang-puri ni Ziba. Sa liwanag ng bagong mga pangyayaring ito, ipinasiya ni David na ang ari-arian ay dapat hatiin sa pagitan nina Mepiboset at Ziba. Ngunit sinabi ni Mepiboset: “Kunin niya [ni Ziba] kahit pa ang kabuuan, ngayong ang panginoon kong hari ay nakarating na nang payapa sa kaniyang bahay.”​—2Sa 19:17, 24-30.