Ziklag
Ayon sa orihinal na pagkakaatas, ito’y isang nakapaloob na Simeonitang lunsod sa T ng Juda. (Jos 15:21, 31; 19:1, 2, 5; 1Cr 4:24-30) Nang maglaon, ang Ziklag ay napasailalim ng kontrol ng mga Filisteo. Ibinigay ito ni Akis, na hari ng Gat, sa takas na si David bilang dakong matitirahan (at mula noo’y naging pag-aari ito ng mga hari ng Juda). (1Sa 27:6) Nilusob at sinunog ng mga Amalekita ang lunsod na ito, at kumuha sila ng mga bihag, kasama na ang mga asawa ni David na sina Ahinoam at Abigail. Pagkatapos niyang talunin ang mga mandarambong at bawiin ang mga bihag at ang mga bagay na kinuha nila, mula sa Ziklag ay nagpadala si David ng ilang samsam ng pagbabaka sa kaniyang mga kaibigan, na matatandang lalaki ng Juda sa iba’t ibang lunsod. (1Sa 30) Maraming nasasandatahan at makapangyarihang mga lalaki ang sumama kay David sa Ziklag, at dito niya natanggap ang balitang patay na si Haring Saul. (2Sa 1:1, 2; 4:10; 1Cr 12:1, 2, 20-22) Pagkatapos ng pagkatapon sa Babilonya, ang ilan sa mga anak ni Juda ay nanirahan sa lunsod na ito. (Ne 11:25, 28) Iba’t ibang lugar ang iminumungkahi bilang lokasyon ng Ziklag. Ngunit mas pabor si Y. Aharoni at ang iba pa na iugnay ito sa Tell esh-Shariʽah (Tel Seraʽ), na mga 7 km (4 na mi) sa S ng Gerar at 22 km (14 na mi) sa HK ng Beer-sheba.