Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Zimri

Zimri

1. Isang anak ni Zera at apo ni Juda.​—1Cr 2:4, 6.

2. Ang Simeonitang pinuno, anak ni Salu, na nagdala kay Cozbi na babaing Midianita sa loob ng kampo ng Israel, anupat nakiapid dito sa kaniyang sariling tolda. Dahil dito, sina Zimri at Cozbi ay pinatay ni Pinehas, na may pagsang-ayon ni Jehova. Ang mabilis na pagkilos na ito ang tumapos sa salot na nagpangyari na ng kamatayan ng libu-libong nagkasalang Israelita.​—Bil 25:6-8, 14-18.

3. Ikalimang hari ng sampung-tribong kaharian ng Israel. Si Zimri ay namahala sa Tirza sa loob ng pitong araw noong mga 951 B.C.E. Dati siyang pinuno sa kalahati ng mga karo sa ilalim ni Haring Elah, ngunit noong ang hukbo ay nasa Gibeton, at naiwan si Haring Elah, pinatay ito ni Zimri at ang lahat ng iba pa sa sambahayan ni Baasa at ginawang hari ang kaniyang sarili. Napakaikli lamang ng kaniyang pamamahala sapagkat si Omri ay ginawang hari ng hukbo at kaagad na bumalik ang hukbo upang kubkubin ang Tirza, kung saan sinunog ni Zimri ang bahay ng hari habang nasa loob siya. Si Zimri ay kilalá sa paggawa ng masama sa paningin ni Jehova. (1Ha 16:3, 4, 9-20) Ang huling mga salita ni Jezebel ay nagpaalaala sa mga pangyayaring kinahinatnan ni Zimri. Habang nakasakay si Jehu taglay ang tagumpay patungong Jezreel, si Jezebel ay nanuya mula sa bintana: “Napabuti ba si Zimri na mámamátay ng kaniyang panginoon?”​—2Ha 9:30, 31.

4. Isang inapo nina Saul at Jonatan. (1Cr 8:33-36; 9:42) Iminumungkahi na maaaring siya rin ang Blg. 3; ang dahilan ay sapagkat may posibilidad na ang Zimri (Blg. 3) na ito ay nagtatangkang mabawi ang pagkahari bilang isang miyembro ng sambahayan ni Saul.

5. Lumilitaw na isang lugar na di-tiyak ang lokasyon; kung minsan, bagaman walang matibay na batayan, ay iniuugnay sa anak ni Abraham na si Zimran.​—Jer 25:25; Gen 25:1, 2.