Zin
1. Isang ilang na binagtas ng mga Israelita noong naglalakbay sila patungong Canaan. Hindi ito tumutukoy sa Ilang ng Sin. (Bil 33:11, 36) Noong ikalawang taon pagkaalis ng Israel sa Ehipto, tiniktikan ng 12 Israelita ang Lupang Pangako, anupat nagsimula sila sa Ilang ng Zin. Nang panahong iyon, ang mga Israelita ay nagkakampo sa Kades. (Bil 13:21, 26) Nang maglaon, pagkatapos ng ilang taóng pagpapagala-gala sa ilang, ang mga Israelita ay dumating sa Kades sa Ilang ng Zin sa ikalawang pagkakataon. Ang lugar na ito ng Ilang ng Zin ay tiwangwang, hindi nahasikan ng binhi, walang igos, punong ubas, granada, at tubig. (Bil 20:1-5; ihambing ang Bil 20:28; 33:38; Deu 1:3.) May kaugnayan sa tubig ng Meriba sa Kades sa Ilang ng Zin ang nangyaring hindi pagpapabanal nina Moises at Aaron kay Jehova sa harap ng bayan, anupat naiwala nila ang pribilehiyong makapasok sa Lupang Pangako.—Bil 27:12-14; Deu 32:50, 51.
Ang Ilang ng Zin ay nasa “tabi ng Edom” (anupat nasa mismong K ng Edom) at nasa TS hangganan ng nakaatas na teritoryo ng Juda. (Bil 34:3; Jos 15:1) Yamang ang Kades ay nasa ilang ng Zin at ilang ng Paran (Bil 13:26; 20:1), posible na ang mga ilang na ito ay magkaratig na mga rehiyon, o na ang Ilang ng Zin ay bahagi ng mas malawak na Ilang ng Paran.
2. Ang “Zin” ay makalawang ulit na lumitaw na hindi kasama ang terminong “ilang.” Sa mga kasong ito, maaaring ito’y isang di-pa-matukoy na bayan sa T ng Juda sa pagitan ng sampahan ng Akrabim at Kades-barnea at siyang pinagkunan ng pangalan ng ilang sa palibot. O maaaring ito mismo ang Ilang ng Zin.—Bil 34:4; Jos 15:3.