Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ziv

Ziv

Ang pangalan ng ikalawang buwang lunar sa sagradong kalendaryo; ang ikawalong buwan sa sekular na kalendaryo ng mga Israelita. (1Ha 6:1, 37) Katumbas ito ng huling bahagi ng Abril at unang bahagi ng Mayo. Ganito ang komento sa 1 Hari 6:1 ng Soncino Books of the Bible tungkol sa buwan ng Ziv: “Kilala ngayon bilang Iyyar, ang ikalawang buwan pagkatapos ng Nisan. Tinatawag ito noon na Ziv (liwanag) dahil pumapatak ito sa bahagi ng taon na ang lupa ay ‘nagliliwanag’ dahil sa mga bulaklak.” (Inedit ni A. Cohen, London, 1950) Ang pangalang Iyyar ay masusumpungan sa Judiong Talmud at sa iba pang mga akda pagkaraan ng pagkatapon.

Pagsapit ng buwang ito ay umaabot na ang pag-aani ng sebada sa maburol na lupain at inaani na ang trigo sa mabababang lupain. Hitik na hitik sa bulaklak ang mga burol ng Galilea. Sa buwang ito nagsisimula ang tag-araw, at agad na naglalaho ang mga ulap sa madaling araw dahil sa init ng araw. Sa panahong ito, ang mga halaman ay dumedepende sa hamog sa gabi at naghihintay sa pagtatapos ng tagtuyo sa Oktubre.​—Os 6:4; Isa 18:4.

Ang ika-14 na araw ng Ziv ang ikalawang pagkakataon ng mga Israelita para ipagdiwang ang Paskuwa sakaling hindi nila nagawa iyon noong Nisan 14 dahil hindi sila nakarating sa Jerusalem o hindi sila malinis noon sa seremonyal na paraan.​—Bil 9:9-13; 2Cr 30:2, 3.

Buwan ng Ziv noon nang simulan ni Solomon ang pagtatayo ng templo, at makalipas ang halos 500 taon, sa buwan ding iyon pinasimulan ni Zerubabel ang muling pagtatayo ng templo.​—1Ha 6:1; Ezr 3:8.