Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Zoan

Zoan

Isang sinaunang Ehipsiyong lunsod, itinayo pitong taon pagkatapos ng Hebron, kaya umiiral na ito noong panahong pumasok si Abraham sa Canaan (1943 B.C.E.). (Bil 13:22; Gen 12:5; 13:18) Ang pangalan sa Bibliya na Zoan ay katumbas ng Ehipsiyong pangalan (dʽn·t) ng isang bayan na nasa hilagang-silangang bahagi ng rehiyon ng Delta, mga 56 na km (35 mi) sa TK ng Port Said. Mas kilala ito sa Griegong pangalan nito na Tanis (malapit sa makabagong-panahong San el-Hagar), at nasa sanga ng Nilo na tinatawag na sangang Tanitiko.

Sa Awit 78:12, 43, ang “parang ng Zoan” ay itinumbas sa “lupain ng Ehipto” nang isinasalaysay ang makahimalang mga gawa ni Jehova alang-alang sa Israel na humantong sa Pag-alis. Dahil dito, pinanghawakan ng ilang iskolar na ang mga pakikipagtagpo ni Moises kay Paraon ay naganap sa Zoan. Sa katulad na paraan, pinagsikapang iugnay ang Zoan (Tanis) sa lunsod ng Rameses, gayundin sa lunsod ng Avaris, na tinukoy ni Manetho sa kaniyang ulat tungkol sa tinatawag na mga haring Hyksos. Kaya, maraming makabagong reperensiyang akda ang nagsasabing ang pangalan ng Zoan ay ginawang Avaris sa ilalim ng pamamahala ng mga “Hyksos,” pagkatapos ay ginawang Rameses sa ilalim ng dinastiya ng mga Rameses, at nang dakong huli ay ibinalik sa Zoan (sa anyong Griego na Tanis). Gayunman, mapapansin na laging ginagamit ng Bibliya ang pangalang Zoan anupat ikinakapit ito bago ang Pag-alis (noong panahon ni Abraham), noong panahon ng Pag-alis, at hanggang noong ikawalo, ikapito, at ikaanim na siglo B.C.E. (noong panahon ng mga propetang sina Isaias at Ezekiel).

Kung Zoan ang dako kung saan naganap ang mga pag-uusap ni Moises at ni Paraon, tiyak na maipahihiwatig nito kung saan nagsimula ang ruta ng Pag-alis. Gayunman, dahil sa ilang salik ay kaduda-duda ang pangmalas na ito. Upang tumukoy ang Zoan sa gayong dako, ang pananalitang “parang ng Zoan” ay dapat malasin, hindi lamang bilang katumbas ng “lupain ng Ehipto,” kundi bilang isang mas espesipikong pananalita, anupat tumutukoy sa eksaktong lokasyon kung saan naganap ang mga himala. Ang gayong limitadong pagkaunawa ay hindi talaga aangkop sa kalagayan, sapagkat ang Sampung Salot ay hindi naganap sa isang bahagi lamang ng Ehipto (halimbawa ay sa isang bahagi ng Delta) kundi sa buong lupain. Waring sumusuporta ito sa pangmalas na ang “parang ng Zoan” ay ginamit bilang katumbas ng “lupain ng Ehipto.”

Yaong makabagong mga iskolar na nagsasabing ang Zoan (o, ayon sa tinangka nilang pag-uugnay, ang Avaris o Rameses) ang tinatahanan ni Paraon noong panahon ng Pag-alis ay napapaharap din sa kawalan ng Biblikal na suporta at pagkakasuwato sa ilang salik. Ipinakikita ng Bibliya na ang unang pagharap ni Moises ay naganap sa may gilid ng Ilog Nilo. (Exo 7:14, 15) Ang Zoan (Tanis) ay wala sa aktuwal na ilog kundi nasa dulo ng isa sa sinaunang mga sanga na humihiwalay mula sa pinakailog nito. Sa pagtatangkang ilagay ang lunsod ng Rameses sa mismong lugar ng Zoan, o Tanis, ipinagwawalang-bahala rin nila ang bagay na ang Zoan ay umiiral na bilang isang lunsod noong panahon ni Abraham, samantalang ang Raamses sa Bibliya (“Rameses,” NE) ay sinimulang itayo ng mga Israelita sa Ehipto pagkaraan ng mga 400 taon (maliban kung ang ‘pagtatayo’ sa Bibliya ay nangangahulugan ng ‘pagpapatibay,’ o pagpapalakas).​—Exo 1:11.

Sinasabi ng mga iskolar na ito na ang Zoan (Avaris-Rameses, gaya ng pagkakilala nila rito) ang kabisera ng Ehipto noong panahon ng Pag-alis, samantalang ipinakikilala ng Bibliya ang Rameses bilang isang “imbakang dako” lamang. At dahil sa pinanghahawakan nila na si Ramses II ang Paraon noong panahon ng Pag-alis dahil sa pag-aangkin nito na siya ang tagapagtayo ng lunsod ng Rameses (o, mas tumpak pa, isang dakong tinawag na Per-Ramses), ipinagwawalang-bahala nila ang bagay na ang pagtatayo ng Rameses sa Bibliya ay nagsimula 80 taon o higit pa bago ang Pag-alis (bago ang kapanganakan ni Moises [Exo 1:11–2:10]), samantalang sinasabi ng mga istoryador na si Ramses II ay namahala lamang nang mga 66 na taon.​—Tingnan ang RAAMSES, RAMESES.

Sa gayon ay hindi pa rin nauunawaan kung bakit lumilitaw na ginamit ang “parang ng Zoan” bilang katumbas ng “lupain ng Ehipto” may kinalaman sa pagsasagawa ni Jehova ng makahimalang mga gawa. Bagaman hindi maaaring lubusang ipagwalang-bahala ang posibleng kaugnayan sa korte ni Paraon, talagang posible rin na dahil sa katandaan ng lunsod ay ginamit ng salmista ang Zoan sa gayong paraan, yamang lumilitaw na isa ito sa pinakamatatandang lunsod na itinatag sa Ehipto. Ang paggamit dito, kung ganito ang naging kalagayan, ay maaaring itulad sa paggamit ng “Plymouth Rock” na kumakatawan sa maagang bahagi ng kolonisasyon ng Estados Unidos. O maaaring dahil sa pagiging prominente nito at sa lokasyon nito sa may pasukan ng Ehipto sa pangmalas ng mga nanggagaling sa Palestina, anupat marahil ay ito ang unang pangunahing lunsod na narating ng pamilya ni Jacob nang paparoon sila sa Ehipto. (Ihambing ang Isa 30:2-4; tingnan ang HANES.) Palibhasa’y malapit ito sa dulong hilaga ng Ehipto, ang “parang” nito ay maaaring makasagisag na tumutukoy pa nga sa buong Libis ng Nilo na bumabagtas sa T niyaon, hanggang sa timugang hangganan ng Ehipto.

Hindi mapag-aalinlanganan ang kahalagahan ng lunsod ng Zoan (Tanis), lalo na may kinalaman sa kalakalan at mga istrakturang panrelihiyon. May katibayan ng maraming pagtatayo ng mga hari roon mula pa noong panahon ng sinaunang “mga dinastiya” ng mga Ehipsiyong hari. Nagtayo ng isang malaking templo, na may haba na mga 305 m (1,000 piye). Si Paraon Ramses II ay nagtayo ng isang pagkalaki-laking monolitikong estatuwa ng kaniyang sarili sa Tanis na may taas na mga 28 m (92 piye) at may bigat na mahigit sa 800 metriko tonelada. Tinukoy ng mga Asiryanong hari na sina Esar-hadon at Ashurbanipal ang Zoan (tinawag na SaʼnuSiʼnu sa mga inskripsiyong cuneiform) bilang isang maharlikang lunsod na nasa ilalim ng pamamahala ng isang prinsipe. Bago ng panahon nila, tinukoy ng propetang si Isaias, sa isang kapahayagang mula sa Diyos laban sa Ehipto, ang “mga prinsipe ng Zoan” at inuri silang kasama ng mga taga-Nop (Memfis), sa gayon ay itinatawag-pansin din ang pulitikal na kahalagahan ng Zoan. (Isa 19:1, 11-13) Sinasabing ginamit ni Tirhaka, ang tagapamahalang Etiope sa Ehipto at isang kapanahon ni Isaias, ang Zoan (Tanis) bilang sentro ng administrasyon para sa hilagang Ehipto.

Pinatunayan ng panlulupig ng Asirya sa Ehipto sa pamamagitan nina Esar-hadon at Ashurbanipal ang “kamangmangan” ng mga tagapayong mula sa Zoan. (Isa 19:13) Pagkatapos, noong mga 591 B.C.E., nagbabala ang propetang si Ezekiel tungkol sa isa pang panlulupig sa pamamagitan ng Babilonyong si Haring Nabucodonosor, anupat ‘magpapaningas ng apoy sa Zoan.’ (Eze 29:17; 30:1, 10, 14) Gayunman, maliwanag na ang Zoan (Tanis) ay nakabawi at nagpatuloy na maging pangunahing lunsod ng Delta sa Ehipto hanggang noong panahon ni Alejandrong Dakila. Pagkatapos nito, inagaw ng bagong lunsod ng Alejandria ang kahalagahan ng Zoan (Tanis) sa kalakalan, at unti-unti itong humina.