Aklat ng Bibliya Bilang 11—1 Hari
Aklat ng Bibliya Bilang 11—1 Hari
Manunulat: Si Jeremias
Saan Isinulat: Sa Jerusalem at Juda
Natapos Isulat: 580 B.C.E.
Panahong Saklaw: c. 1040-911 B.C.E.
1. (a) Papaano nauwi sa pagkawasak ang maningning na kasaganaan ng Israel? (b) Bakit masasabi na ang Unang Hari ay “kinasihan at kapaki-pakinabang”?
PINALAWAK ni David ang sakop ng Israel ayon sa bigay-Diyos na mga hangganan nito, mula sa ilog Eufrates sa hilaga hanggang sa ilog ng Ehipto sa timog. (2 Sam. 8:3; 1 Hari 4:21) Pagkamatay niya at pagkahalili ng anak niyang si Solomon, “ang Juda at ang Israel ay marami, gaya ng buhangin sa tabi ng dagat, nagkakainan at nag- iinuman at nagkakatuwa.” (1 Hari 4:20) Naghari si Solomon nang may dakilang karunungang higit pa sa sinaunang mga Griyego. Ipinagtayo niya si Jehova ng maringal na templo. Gayunman, maging si Solomon ay nasilo ng pagsamba sa diyus-diyosan. Pagkamatay niya, nahati ang kaharian, at ang sunud-sunod na balakyot na mga hari sa magkaribal na kaharian ng Israel at Juda ay gumawi nang kapaha-pahamak anupat nahirapan ang bayan, gaya ng inihula ni Samuel. (1 Sam. 8:10-18) Sa 14 na hari sa Juda at Israel pagkamatay ni Solomon at na iniuulat ng Unang Hari, 2 lamang ang gumawa nang mabuti sa mata ni Jehova. Ang ulat ba’y masasabing “kinasihan at kapaki-pakinabang”? Talaga, gaya ng makikita sa mga payo, hula at larawan nito, at ng kaugnayan nito sa nangingibabaw na tema ng Kaharian sa “[buong] Kasulatan.”
2. Papaano nahati sa dalawang balumbon ang Una at Ikalawang Hari, at papaano ito tinipon?
2 Sa pasimula ang aklat ng Mga Hari ay iisang balumbon, o tomo, at tinawag sa Hebreo na Mela·khimʹ (Mga Hari). Tinawag ito ng mga tagapagsalin ng Septuagint na Ba·si·leiʹon, “Mga Kaharian,” at sila ang unang naghati nito sa dalawang balumbon upang maging maalwan. Nang maglao’y tinawag ito na Ikatlo at Ikaapat na Hari, na siya pa ring ginagamit ng mga Bibliyang Katoliko hanggang ngayon. Gayunman, karaniwan na itong nakikilala bilang Una at Ikalawang Hari. Naiiba ang mga ito sa Una at Ikalawang Samuel yamang tinutukoy ng mga ito ang naunang mga ulat bilang saligan ng tagapagtipon. Sa kabuuan ng dalawang aklat, ang nag-iisang tagapagtipon ay 15 beses tumutukoy sa “aklat ng kasaysayan ng mga hari sa Juda,” at 18 beses sa “aklat ng kasaysayan ng mga hari sa Israel,” at gayundin sa “aklat ng mga gawa ni Solomon.” (1 Hari 15:7; 14:19; 11:41) Bagaman ganap nang nawala ang sinaunang mga ulat na ito, nananatili ang kinasihang katipunán—ang kapaki-pakinabang na ulat ng Una at Ikalawang Hari.
3. (a) Sino ang tiyak na sumulat ng Mga Hari, at bakit ganito ang inyong sagot? (b) Kailan natapos ang pagsulat, at anong yugto ang saklaw ng Unang Hari?
3 Sino ang sumulat ng Mga Hari? Ang pagdiriin sa gawain ng mga propeta, lalo na kina Elias at Eliseo, ay nagpapahiwatig na siya’y isang propeta ni Jehova. Dahil sa pagkakahawig sa wika, pagkatha, at estilo, malamang na siya rin ang sumulat ng aklat ni Jeremias. Maraming salita at kapahayagang Hebreo ang lumilitaw lamang sa Mga Hari at sa Jeremias. Ngunit kung siya ang sumulat, bakit hindi siya binabanggit dito? Hindi na kailangan, yamang ang gawain niya ay iniuulat na ng aklat na may pangalan niya. Isa pa, ang Mga Hari ay isinulat upang itanghal si Jehova at ang Kaniyang pagsamba, hindi upang parangalan si Jeremias. Ang totoo, pinupunan ng Mga Hari at ng Jeremias ang kakulangan ng isa’t-isa. Isa pa, may magkakahawig na ulat, gaya ng 2 Hari 24:18–25:30 at Jeremias 39:1-10; 40:7–41:10; 52:1-34. Tinitiyak ng tradisyong Judio na si Jeremias ang sumulat ng Una at Ikalawang Hari. Walang alinlangan na sa Jerusalem niya sinimulan ang pagtitipon ng dalawang aklat, at lumilitaw na ang ikalawang aklat ay natapos sa Ehipto noong mga 580 B.C.E., yamang sa katapusan ng ulat ay tumutukoy siya sa mga pangyayari ng taóng yaon. (2 Hari 25:27) Sinisimulan ng Unang Hari ang kasaysayan ng Israel mula sa katapusan ng Ikalawang Samuel at ipinagpapatuloy ito hanggang sa 911 B.C.E., nang mamatay si Josaphat.—1 Hari 22:50.
4. Papaano inaalalayan ng sekular na kasaysayan at ng arkeolohiya ang Unang Hari?
4 Ang aklat ay may wastong dako sa kanon ng Banal na Kasulatan, at tinatanggap ito ng lahat ng autoridad. Isa pa, ang mga kaganapan sa Unang Hari ay pinatutunayan ng sekular na kasaysayan ng Ehipto at Asirya. Inaalalayan din ng arkeolohiya ang maraming pangungusap sa aklat. Halimbawa, sinasabi sa 1 Hari 7:45, 46 na ang mga kasangkapang tanso sa templo ni Solomon ay hinubog ni Hiram “sa Distrito ng Jordan . . . sa pagitan ng Succoth at Sarthan.” Doon ay nakahukay ang mga arkeologo ng ebidensiya ng pag-iral ng mga pandayan. a Isa pa, ipinagmamalaki ng isang larawan sa pader ng templo sa Karnak (sinaunang Thebes) ang paglusob sa Juda ni haring Sheshonk (Shishak) ng Ehipto, na binabanggit sa 1 Hari 14:25, 26. b
5. Anong kinasihang patotoo ang umaalalay sa pagiging-tunay ng Unang Hari?
5 Ang pagiging-totoo ng aklat ay inaalalayan ng mga pagtukoy ng ibang manunulat ng Bibliya at ng katuparan ng mga hula. Kinilala ni Jesus ang pagiging-makasaysayan ng karanasan ni Elias at ng balo sa Sarepta. (Luc. 4:24-26) Sinabi niya tungkol kay Juan na Tagapagbautismo: “Siya ang ‘Elias na nakatakdang dumating.’ ” (Mat. 11:13, 14) Tinutukoy niya ang hula ni Malakias na nagsalita rin tungkol sa hinaharap: “Narito! Susuguin ko sa inyo si Elias na propeta bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova.” (Mal. 4:5) Pinatunayan pa ni Jesus ang pagiging-kanonikal ng Unang Hari nang tukuyin niya ang ulat nito hinggil kay Solomon at ng reyna ng katimugan.—Mat. 6:29; 12:42; ihambing ang 1 Hari 10:1-9.
NILALAMAN NG UNANG HARI
6. Anong mga kalagayan ang umiral nang lumuklok si Solomon sa trono, at papaano lubos na naitatag ang kaniyang kaharian?
6 Naging hari si Solomon (1:1–2:46). Nagbubukas ang ulat ng Unang Hari nang malapit nang mamatay si David sa pagtatapos ng kaniyang 40 taon ng paghahari. Nakipagsabwatan ang anak niyang si Adonias kay Joab na pinunò ng hukbo at kay Abiathar na saserdote upang agawin ang paghahari. Ibinalita ito ni propeta Nathan kay David at ipinaalaala na si Solomon ang inatasang maghari pagkamatay niya. Kaya inutusan ni David si Zadok na saserdote na pahiran si Solomon bilang hari, bagaman ipinagdiriwang na ng magkakasabwat ang paghalili ni Adonias. Pinayuhan ni David si Solomon na magpakalakas at magpakalalaki at lumakad sa mga daan ni Jehovang kaniyang Diyos, at pagkatapos ay namatay siya at inilibing sa “Lungsod ni David.” (2:10) Nang maglaon ipinatapon ni Solomon si Abiathar at ipinapatay ang mga manliligalig na sina Adonias at Joab. Nang maglaon, pinatay din si Simei dahil sa di-paggalang sa maawaing pagliligtas sa kaniya. Ang kaharian ay naitatag na ngayon sa mga kamay ni Solomon.
7. Anong panalangin ni Solomon ang dininig ni Jehova, at ano ang idinulot nito sa Israel?
7 Ang matalinong paghahari ni Solomon (3:1–4:34). Pinakasalan ni Solomon ang anak ni Paraon. Humingi siya kay Jehova ng isang masunuring puso upang mahatulan nang may kaunawaan ang bayan ni Jehova. Pagkat hindi siya humingi ng mahabang buhay o ng kayamanan, pinagkalooban siya ni Jehova ng matalino at maunawaing puso sampu ng kayamanan at kaluwalhatian. Maaga pa sa kaniyang paghahari ay nagpamalas na si Solomon ng karunungan nang humarap sa kaniya ang dalawang babae na kapuwa nag-aangkin sa isang bata. Iniutos ni Solomon na “hatiin ang bata” at bigyan ng tig-kakalahati ang bawat babae. (3:25) Nagmakaawa ang tunay na ina na ibigay na lamang ang bata sa ikalawang babae. Nakilala ni Solomon ang tunay na ina, at ibinigay dito ang bata. Dahil sa bigay-Diyos na karunungan, ang Israel ay sumagana at naging maligaya at tiwasay. Dumating ang mga taga-ibang lupain upang makinig sa kaniyang matatalinong kawikaan.
8. (a) Papaano isinagawa ni Solomon ang pagtatayo ng templo? Ilarawan ang ilang tampok na bahagi nito. (b) Ano pang ibang pagtatayo ang ginawa niya?
8 Ang templo ni Solomon (5:1–10:29). Naalaala ni Solomon ang mga salita ni Jehova kay David: “Ang iyong anak na aking iluluklok na kahalili mo, siya ang magtatayo ng bahay sa aking pangalan.” (5:5) Kaya pinaghandaan ito ni Solomon. Tumulong si Hiram na hari ng Tiro at nagpadala ito ng mga trosong sedro at abeto mula sa Libano sampu ng mga bihasang manggagawa. Kasama ng mga manggagawa ni Solomon, sila ay nagsimulang magtayo ng bahay ni Jehova noong ikaapat na taon ng kaniyang paghahari, sa ika-480 taon matapos lisanin ng Israel ang Ehipto. (6:1) Walang ginamit na martilyo, palakol, o kasangkapang bakal sa dakong pagtatayuan, pagkat lahat ng bato ay inihanda at sinukat sa tibagan bago paghugpong-hugpungin sa pagtatayuan ng templo. Ang loob ng templo, na sinapinan muna ng sedro sa dingding at ng kahoy na abeto sa sahig, ay binalot ng taganas na ginto. Dalawang kerubin ang niyari mula sa kahoy na olibo, bawat isa’y sampung siko (4.5 metro) ang taas at sampung siko mula sa dulo’t-dulo ng magkabilang pakpak, at inilagay sa pinakaloob ng bahay. Ang iba pang kerubin, at ang mga larawan ng mga palma at bulaklak ay iniukit sa mga dingding ng templo. Pagkaraan ng mahigit na pitong taon, natapos ang maringal na templo. Nagpatuloy pa si Solomon sa pagtatayo: isang bahay para sa kaniya, ang Bahay ng Kagubatan ng Libano, ang Portiko ng mga Haligi, ang Portiko ng Luklukan, at ang bahay ng anak ni Paraon. Gumawa rin siya ng dalawang malaking haliging tanso para sa portiko ng bahay ni Jehova, ng binubong dagat-dagatan para sa looban, ng mga tansong karo, at ng mga tansong hugasan at kasangkapang ginto. c
9. Anong kapahayagan ni Jehova at anong panalangin ni Solomon ang nagtampok sa pagpasok ng kaban ng tipan?
9 Panahon na upang ipasok ang kaban ng tipan ni Jehova sa pinakaloob na silid, ang Kabanal-banalan, sa ilalim ng pakpak ng mga kerubin. Nang lumabas ang mga saserdote, ‘ang bahay ay napunô ng kaluwalhatian ni Jehova,’ anupat ang mga saserdote ay hindi na makapangasiwa. (8:11) Binasbasan ni Solomon ang kongregasyon ng Israel, at pinagpala at pinuri si Jehova. Tiklop-tuhod at nakadipa sa panalangin, kinilala niya na sa langit ng mga langit ay hindi magkasiya si Jehova, gaano pa sa makalupang bahay na ito. Siya’y nanalangin na nawa’y dinggin ni Jehova ang lahat ng natatakot sa Kaniya kapag sila’y nanalangin sa bahay na ito, oo, maging ang dayuhang buhat sa malayo, “upang makilala ng buong lupa ang iyong pangalan at matakot sa iyo gaya ng iyong bayang Israel.”—8:43.
10. Sa pamamagitan ng anong pangako at makahulang babala sinagot ni Jehova ang panalangin ni Solomon?
10 Sa sumunod na 14 na araw na pagpipista, naghandog si Solomon ng 22,000 baka at 120,000 tupa. Sinabi ni Jehova na dininig Niya ang panalangin ni Solomon at na Kaniyang pinaging-banal ang templo sa paglalagay ng Kaniyang “pangalan doon magpakailanman.” Kung si Solomon ay lalakad nang matuwid sa harapan ni Jehova, ay magpapatuloy ang trono ng kaniyang kaharian. Ngunit kung siya at ang mga anak niya ay tatalikod kay Jehova at maglilingkod sa ibang diyos, sinabi ni Jehova, “Aking ihihiwalay ang Israel sa lupain na aking ibinigay sa kanila; at ang bahay na pinaging-banal ko sa aking pangalan ay iwawaksi ko sa aking paningin, at ang Israel ay magiging isang kawikaan at kakutyaan sa gitna ng lahat ng bayan. At ang bahay na ito ay magiging bunton ng kagibaan.”—9:3, 7, 8.
11. Gaano ang naging lawak ng kayamanan at karunungan ni Solomon?
11 Gumugol si Solomon ng 20 taon sa pagtatayo ng bahay ni Jehova at ng bahay ng hari. Nagtayo pa siya ng maraming lungsod sa buong kaharian, sampu ng mga barkong pangalakal sa malalayong lupain. Nabalitaan ng reyna ng Sheba ang dakilang karunungan na ibinigay ni Jehova kay Solomon, at pumunta siya upang subukin ito sa pamamagitan ng mahihirap na tanong. Nang marinig si Solomon at makita ang kasaganaan at kaligayahan ng bayan, sinabi niya: “Kakalahati ang naibalita sa akin.” (10:7) Si Jehova ay patuloy na nagpakita ng pag-ibig sa Israel, kaya si Solomon ay “humigit sa lahat ng mga hari sa lupa sa kayamanan at karunungan.”—10:23.
12. (a) Saan nabigo si Solomon, at anong mga tanda ng paghihimagsik ang nagsimulang lumitaw? (b) Ano ang inihula ni Ahias?
12 Ang pagtataksil at kamatayan ni Solomon (11:1–43). Laban sa utos ni Jehova, kumuha si Solomon ng maraming asawa mula sa ibang bansa—700 asawa at 300 kerida. (Deut. 17:17) Iniligaw ang puso niya sa pagsamba sa ibang diyos. Sinabi ni Jehova na ang kaharian ay aagawin sa kaniya, hindi ngayon, kundi sa panahon ng kaniyang anak. Gayunman, ang bahagi nito, isang tribo bukod pa sa Juda, ay paghaharian ng mga anak ni Solomon. Ang mga kalapit na bansa ay ibinangon ni Jehova laban kay Solomon, at si Jeroboam mula sa tribo ni Ephraim ay nagbangon din laban sa hari. Sinabi ni propeta Ahias kay Jeroboam na siya ay maghahari sa sampung tribo ng Israel, kaya si Jeroboam ay tumakas sa Ehipto na nangangamba sa kaniyang buhay. Namatay si Solomon matapos ang 40 taon ng paghahari at ang anak niyang si Roboam ay naging hari noong 997 B.C.E.
13. Papaano nahati ang kaharian nang maghari si Roboam, at papaano pinatatag ni Jeroboam ang kaniyang paghahari?
13 Nahati ang kaharian (12:1–14:20). Nagbalik si Jeroboam mula sa Ehipto at nakiisa sa bayan sa paghiling kay Roboam na bawasan ang mga pasaning iniatang sa kanila ni Solomon. Dahil sa pakikinig sa mga binata sa halip na sa matalinong payo ng matatanda, lalo silang pinabigatan ni Roboam. Naghimagsik ang Israel at ginawang hari si Jeroboam sa sampung tribo sa hilaga. Natira kay Roboam ang Juda at Benjamin, kaya tinipon niya ang hukbo upang labanan ang mga rebelde, subalit umurong siya sa utos ni Jehova. Ginawang kabisera ni Jeroboam ang Sechem, ngunit hindi siya mapalagay. Nangamba siyang baka magbalik ang bayan sa Jerusalem at sumamba kay Jehova at muling pailalim kay Roboam. Bilang hadlang, gumawa siya ng dalawang gintong guya, isa sa Dan at isa sa Bethel, at upang pangasiwaan ang pagsamba, pumili siya ng mga saserdote, hindi sa tribo ni Levi, kundi mula sa mga tao sa pangkalahatan. d
14. Anong makahulang babala ang ibinigay laban sa sambahayan ni Jeroboam, at anong mga suliranin ang nagsimula?
14 Samantalang naghahain si Jeroboam sa dambana sa Bethel, nagsugo si Jehova ng propeta upang magbabala na ibabangon Niya ang isang hari sa hanay ni David, si Josias, na kikilos laban sa dambanang ito ng huwad na pagsamba. Bilang tanda, noon di’y nabaak ang dambana sa kinatatayuan nito. Nang maglaon ang propeta mismo ay pinatay ng leon dahil sa pagsuway sa utos ni Jehova na huwag kakain o iinom habang nasa misyon. Sinalot ng problema ang bahay ni Jeroboam. Namatay ang kaniyang anak bilang hatol ni Jehova, at inihula ni propeta Ahias na ang bahay ni Jeroboam ay lubusang mahihiwalay dahil sa pagtatayo ng mga diyus-diyosan sa Israel. Pagkatapos ng 22 taóng paghahari, namatay si Jeroboam at humalili ang anak niyang si Nadab.
15. Anong mga pangyayari ang naganap sa pagpupuno ng sumunod na tatlong hari sa Juda?
15 Sa Juda: sina Roboam, Abiam, at Asa (14:21–15:24). Samantala, sa ilalim ni Roboam, ang Juda ay gumawa rin ng masama sa mata ni Jehova at sumamba sa mga idolo. Sumalakay ang hari ng Ehipto at tumangay ng maraming kayamanan sa templo. Namatay si Roboam matapos maghari nang 17 taon, at humalili ang anak niyang si Abiam. Nagkasala rin ito kay Jehova, at namatay pagkaraang maghari ng tatlong taon. Pumalit ang anak niyang si Asa at, di-gaya niya, ay naglingkod kay Jehova nang buong puso at inalis ang maruruming idolo. Patuloy na nagdigmaan ang Israel at Juda. Humingi si Asa ng tulong sa Sirya at ang Israel ay napilitang umurong. Naghari si Asa nang 41 taon at humalili si Josaphat na anak niya.
16. Anong kaguluhan ang nangyari sa Israel, at bakit?
16 Sa Israel: sina Nadab, Baasa, Ela, Zimri, Tibni, Omri, at Ahab (15:25–16:34). Napaka-balakyot na grupo! Pinatay ni Baasa si Nadab makaraan lamang ang dalawang taóng paghahari at nilipol din niya ang buong sambahayan ni Jeroboam. Nagpatuloy siya sa huwad na pagsamba at paglaban sa Juda. Inihula ni Jehova na ililigpit Niya ang sambahayan ni Baasa, gaya ng ginawa nito kay Jeroboam. Matapos maghari ng 24 na taon, hinalinhan si Baasa ng anak niyang si Ela, na makalipas ang dalawang taon ay pinatay ng alipin niyang si Zimri. Pagkaupong-pagkaupo, nilipol ni Zimri ang sambahayan ni Baasa. Nang mabalitaan ito ng bayan, si Omri na pinunò ng hukbo ay ginawa nilang hari laban sa Tirza, kabisera ni Zimri. Nang makitang talo siya, pumasok si Zimri sa palasyo, sinunog ito, at namatay. Sinubukan ni Tibni na magpunò bilang karibal na hari, subalit di-nagtagal at napatay siya ng mga tagasunod ni Omri.
17. (a) Sa ano napabantog ang paghahari ni Omri? (b) Bakit lubhang humina ang tunay na pagsamba noong maghari si Ahab?
17 Binili ni Omri ang bundok ng Samaria at nagtayo roon ng lungsod. Lumakad siya sa mga daan ni Jeroboam, at pinukaw ang galit ni Jehova dahil sa pagsamba sa idolo. Masahol pa siya sa mga nauna sa kaniya. Matapos maghari nang 12 taon, namatay siya at naghari ang anak niyang si Ahab. Napangasawa ni Ahab si Jezebel, anak ng hari ng Sidon, at siya ay nagtayo ng dambana kay Baal sa Samaria. Nahigitan niya ang kabalakyutan ng lahat ng nauna sa kaniya. Ang Jerico ay muling itinayo ni Hiel na taga-Bethel subalit ibinuwis niya ang buhay ng kaniyang panganay at bunsong mga anak. Sukdulan ang naging paghina ng tunay na pagsamba.
18. Sa anong kapahayagan nagsimula si Elias ng kaniyang makahulang gawain sa Israel, at papaano niya tinukoy ang tunay na dahilan ng kabagabagan ng Israel?
18 Ang makahulang gawain ni Elias sa Israel (17:1–22:40). Biglang lumitaw ang sugo ni Jehova. Siya si Elias na Tishbita. e Nakagugulantang ang pahayag niya kay Haring Ahab: “Buháy si Jehova na Diyos ng Israel, hindi magkakaroon ng hamog o ng ulan sa mga taóng ito, malibang iutos ko!” (17:1) Biglang-bigla rin, umalis si Elias sa utos ni Jehova tungo sa isang libis sa silangan ng Jordan. May tagtuyot sa Israel, subalit si Elias ay pinakain ng mga uwak. Nang matuyo ang batis, inutusan ni Jehova si Elias na manirahan sa Sarepta sa Sidon. Dahil sa kabaitan ng isang balo kay Elias, naghimala si Jehova anupat ang kakaunti nitong arina at langis ay hindi naubos at ang mag-ina ay hindi namatay sa gutom. Nang maglaon nagkasakit ang bata at namatay, ngunit sa pakiusap ni Elias ang bata ay muling ibinangon ni Jehova. Sa ikatlong taon ng tagtuyot, si Elias ay muling isinugo ni Jehova kay Ahab. Pinaratangan siya ni Ahab ng pagdadala ng kabagabagan sa Israel, ngunit buong-tapang na sinabi ni Elias: “Ikaw at ang sambahayan ng iyong ama [ang nagdala nito]” dahil sa pagsunod sa mga Baal.—18:18.
19. Papaano bumangon ang isyu ng pagka-diyos, at papaano napatunayan ang kahigitan ni Jehova?
19 Ipinatipon ni Elias kay Ahab sa Bundok Carmelo ang lahat ng propeta ni Baal. Hindi dapat mag-alinlangan sa dalawang isipan. Iniharap ang isyu: Si Jehova o si Baal! Sa paningin ng buong bayan, ang 450 saserdote ni Baal ay naghanda ng isang toro, ipinatong ito sa dambana, at nanalangin na magpababa ng apoy upang sunugin ang handog. Mula umaga hanggang tanghali ay napagod sila nang katatawag kay Baal, habang tinutuya sila ni Elias. Sumigaw sila at naghiwà ng sarili, ngunit walang sagot! Kaya, ang nag-iisang si Elias ay nagtayo ng dambana sa pangalan ni Jehova at inihanda ang kahoy at ang torong ihahain. Iniutos niya na tatlong beses basain ang handog at ang kahoy, at saka siya nanalangin kay Jehova: “Dinggin mo ako, O Jehova, dinggin mo ako, upang malaman ng bayang ito na ikaw, si Jehova, ang tunay na Diyos.” Sumiklab ang apoy mula sa langit, at nasunog ang handog, ang kahoy, ang mga bato sa dambana, ang alabok, at ang tubig. Nang makita ito ng buong bayan, sila’y nagpatirapa at nagsabi: “Si Jehova ang tunay na Diyos! Si Jehova ang tunay na Diyos!” (18:37, 39) Patayin ang mga propeta ni Baal! Si Elias mismo ang nangasiwa sa pagpuksa, kaya wala isa mang nakatakas. Pagkatapos ay nagpaulan si Jehova, at nagwakas ang tagtuyot sa Israel.
20. (a) Papaano nagpakita si Jehova kay Elias sa Horeb, at anong tagubilin at kaaliwan ang inilaan Niya? (b) Anong kasamaan at pagkakasala ang nagawa ni Ahab?
20 Nang mabalitaan ni Jezebel ang pagkapahiya ni Baal, gusto nitong patayin si Elias. Sa takot, tumakas siya sa ilang kasama ang alipin, at inakay siya ni Jehova sa Horeb. Doo’y nagpakita si Jehova—hindi sa nakasisindak na hangin o lindol o apoy, kundi sa “isang marahan at mahinang tinig.” (19:11, 12) Inutusan siya ni Jehova na pahiran si Hazael bilang hari sa Sirya, si Jehu bilang hari sa Israel, at si Eliseo bilang propetang kahalili niya. Inaliw niya si Elias sa balitang may 7,000 sa Israel na hindi lumuhod kay Baal. Agad pumaroon si Elias upang pahiran si Eliseo sa pamamagitan ng paghahagis ng kaniyang balabal. Si Ahab ay makalawang nagwagi laban sa Sirya ngunit sinaway siya ni Jehova dahil nakipagtipan siya sa hari imbes na patayin ito. Sumunod ang karanasan ni Naboth, may-ari ng ubasan na inimbot ni Ahab. Nagharap si Jezebel ng mga bulaang saksi at ipinapatay si Naboth upang makuha ang ubasan. Napaka-imbi!
21. (a) Anong hatol ang binigkas ni Elias laban kay Ahab at sa sambahayan nito, at laban kay Jezebel? (b) Anong hula ang natupad nang mamatay si Ahab?
21 Dumating uli si Elias. Sinabi niya kay Ahab na sa dakong kinamatayan ni Naboth, ay hihimurin ng mga aso ang kaniyang dugo, at na ang sambahayan niya’y lilipuling gaya niyaong kina Jeroboam at Baasa. Si Jezebel ay lalapain ng mga aso sa lupain ng Jezreel. “Walang kagaya ni Ahab, na ipinagbili ang sarili upang gawin ang masama sa paningin ni Jehova, na inulukan ng asawa niyang si Jezebel.” (21:25) Palibhasa nagpakumbaba si Ahab sa pagkarinig ng salita ni Elias, sinabi ni Jehova na ang kapahamakan ay hindi sasapit sa kaniya kundi sa kaniyang anak. Si Ahab ay nakiisa kay Josaphat, hari ng Juda, upang labanan ang Sirya, salungat sa payo ni propeta Micheas. Namatay si Ahab sa mga sugat na natamo sa digmaan. Nang hinuhugasan ang kaniyang karo sa lawa ng Samaria, hinimod ng mga aso ang kaniyang dugo, gaya ng inihula ni Elias. Si Ochozias na kaniyang anak ang humaliling hari sa Israel.
22. Ano ang tampok sa mga paghahari ni Josaphat sa Juda at ni Ochozias sa Israel?
22 Naghari si Josaphat sa Juda (22:41-53). Si Josaphat, na sumama kay Ahab sa paglaban sa Sirya, ay naging tapat kay Jehova na gaya ni Asa na kaniyang ama, ngunit hindi niya lubusang napawi ang huwad na pagsamba. Pagkatapos ng 25 taon ng paghahari, namatay siya, at si Joram na kaniyang anak ang naging hari. Sa hilaga, sa Israel, si Ochozias ay sumunod sa hakbang ng kaniyang ama, at dinulutan si Jehova ng galit dahil sa pagsamba niya kay Baal.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
23. Anong katiyakan at pampatibay-loob tungkol sa panalangin ang inilalaan ng Unang Hari?
23 Malaking pakinabang ang makakamit sa banal na tagubilin ng Unang Hari. Una, ay ang tungkol sa panalangin, na malimit itampok sa aklat. Nang mapaharap sa napakabigat na pananagutan ng paghahari sa Israel, si Solomon ay animo isang bata na buong-pagpapakumbabang nanalangin kay Jehova. Wala siyang hiniling kundi ang maunawain at masunuring puso, ngunit binigyan siya ni Jehova ng kayamanan at kaluwalhatian bukod pa sa masaganang karunungan. (3:7-9, 12-14) Sana huwag din tayong pagkaitan sa ating mapagpakumbabang panalangin ukol sa karunungan at patnubay sa paglilingkod kay Jehova! (Sant. 1:5) Nawa’y lagi tayong manalangin nang taos sa puso, lubusang nagpapahalaga sa kabutihan ni Jehova, gaya ni Solomon nang iniaalay ang templo! (1 Hari 8:22-53) Nawa laging mabakas sa ating mga panalangin ang ganap na tiwala at pananalig kay Jehova, gaya ni Elias nang siya’y nasa pagsubok at nang mapaharap nang mukhaan sa isang bansang sumasamba-sa-demonyo! Kamangha-mangha ang paglalaan ni Jehova sa mga lumalapit sa kaniya sa panalangin.—1 Hari 17:20-22; 18:36-40; 1 Juan 5:14.
24. Anong mga babalang halimbawa ang inihaharap sa Unang Hari, at bakit, lalung-lalo na, dapat mag-ingat ang mga tagapangasiwa?
24 Dapat ding magsilbing babala ang mga halimbawa niyaong hindi nagpakumbaba kay Jehova. Talagang ‘sinasalansang ng Diyos ang mga palalo’! (1 Ped. 5:5) Nariyan si Adonias na lumaktaw sa teokratikong paghirang ni Jehova (1 Hari 1:5; 2:24, 25); si Simei, na paulit-ulit na sumuway (2:37, 41-46); si Solomon na ang pagsuway noong mga huling taon niya ay naghatid ng mga mananalansang mula kay Jehova (11:9-14, 23-26); at ang mga hari ng Israel, na nagpahamak dahil sa kanilang huwad na pagsamba (13:33, 34; 14:7-11; 16:1-4). Nariyan din ang balakyot at mapag-imbot na si Jezebel, ang puwersa sa likod ng trono ni Ahab, na pagkaraan ng isang libong taon ay naging pusakal na halimbawa sa babala sa kongregasyon ng Tiatira: “Datapwat, mayroon akong laban sa iyo, na pinahintulutan mo ang babaeng si Jezebel, na nagpapanggap na propetisa, at siya’y nagtuturo at humihikayat sa aking mga alipin upang makiapid at kumain ng mga bagay na inihain sa mga diyus-diyosan.” (Apoc. 2:20) Ang mga kongregasyon ay dapat pag-ingatan ng mga tagapangasiwa mula sa tulad-Jezebel na mga impluwensiya!—Ihambing ang Gawa 20:28-30.
25. Anong mga hula sa Unang Hari ang nagkaroon ng kapansin-pansing katuparan, at papaano makakatulong sa atin ngayon ang pag-alaala sa mga ito?
25 Ang kapangyarihan ni Jehova sa paghula ay malinaw na makikita sa katuparan ng mga hula sa Unang Hari. Halimbawa, ang pambihirang hula na ibinigay 300 taóng patiuna, na si Josias ang magwawasak sa dambana ni Jeroboam sa Bethel. Tinupad ito ni Josias! (1 Hari 13:1-3; 2 Hari 23:15) Ngunit namumukod-tangi ang mga hula tungkol sa bahay ni Jehova na itinayo ni Solomon. Sinabi ni Jehova na ang pagbaling sa huwad na mga diyos ay magbubunga ng paghiwalay sa Israel sa balat ng lupa at ng pagwawaksi ni Jehova sa bahay na pinaging-banal Niya ukol sa Kaniyang pangalan. (1 Hari 9:7, 8) Sa 2 Cronica 36:17-21 mababasa natin kung papaano nagkatotoo ang hulang ito. Gayundin, ipinakita ni Jesus na ang templo na itinayo roon ni Herodes na Dakila ay tatanggap ng gayunding paghatol sa gayunding kadahilanan. (Luc. 21:6) Nagkatotoo din ito! Dapat tandaan ang mga kapahamakan at ang mga sanhi nito, at dapat itong magpaalaala sa laging paglakad sa daan ng tunay na Diyos.
26. Anong masiglang pananaw sa templo at Kaharian ni Jehova ang inilalaan ng Unang Hari?
26 Dumating ang reyna ng Sheba mula sa malayo upang humanga sa karunungan ni Solomon, sa kasaganaan ng kaniyang bayan, at sa kaluwalhatian ng kaniyang kaharian, pati na sa maringal na bahay ni Jehova. Gayunman, maging si Solomon ay umamin kay Jehova: “Sa langit ng mga langit ay hindi ka magkasiya; gaano pa sa bahay na ito na aking itinayo!” (1 Hari 8:27; 10:4-9) Maraming siglo pagkaraan nito dumating si Jesu-Kristo upang gumawa ng espirituwal na pagtatayo kaugnay ng pagsasauli ng tunay na pagsamba sa dakilang espirituwal na templo ni Jehova. (Heb. 8:1-5; 9:2-10, 23) Sa kaniya na lalong dakila kay Solomon ay matutupad ang pangako ni Jehova: “Aking itatatag ang trono ng iyong kaharian sa Israel magpakailanman.” (1 Hari 9:5; Mat. 1:1, 6, 7, 16; 12:42; Luc. 1:32) Ang Unang Hari ay naglalaan ng masiglang pananaw sa kaluwalhatian ng espirituwal na templo ni Jehova at sa kasaganaan, kagalakan, at kaligayahan ng mga mabubuhay sa ilalim ng pantas na pamamahala ni Kristo Jesus sa Kaharian ni Jehova. Patuloy na lumalago ang ating pagpapahalaga sa tunay na pagsamba at sa kagila-gilalas na paglalaan ni Jehova ng Kaharian sa ilalim ng Binhi!
[Mga talababa]
a The International Standard Bible Encyclopedia, Tomo 4, 1988, pinamatnugutan ni G. W. Bromiley, pahina 648.
b Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 149, 952.
c Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 750-1.
d Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 947-8.
e Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 949-50.
[Mga Tanong sa Aralin]