Aklat ng Bibliya Bilang 13—1 Cronica
Aklat ng Bibliya Bilang 13—1 Cronica
Manunulat: Si Ezra
Saan Isinulat: Sa Jerusalem (?)
Natapos Isulat: c. 460 B.C.E.
Panahong Saklaw: Pagkaraan ng 1 Cronica 9:44: 1077-1037 B.C.E.
1. Sa anong mga paraan masasabi na ang Unang Cronica ay mahalaga at kapaki-pakinabang na bahagi ng banal na ulat?
ANG Unang Cronica ba’y isa lamang patay na talaan ng angkan? Ito ba’y pag-ulit lamang sa mga aklat ng Samuel at Mga Hari? Malayung-malayo! Ito’y nagbibigay-liwanag at mahalagang bahagi ng banal na ulat—mahalaga nang ito’y isulat upang muling organisahin ang bansa at ang pagsamba nito, at mahalaga at kapaki-pakinabang na huwaran ng banal na pagsamba sa mga panahong darating, lalo na sa ngayon. Nasa Unang Cronica ng ilan sa pinakamagandang kapahayagan ng papuri kay Jehova na mababasa sa Kasulatan. Ito’y may kagila-gilalas na pananaw sa matuwid na Kaharian ni Jehova, at kapaki-pakinabang pag-aralan ng lahat ng umaasa rito. Ang dalawang aklat ng Mga Cronica ay pinahalagahan kapuwa ng mga Judio at Kristiyano sa buong panahon. Napakatayog ang opinyon ng tagapagsalin ng Bibliya na si Jerome tungkol sa Una at Ikalawang Cronica kaya itinuring niya ito na “buod ng Matandang Tipan” at idiniin na “ito’y napapanahon at mahalaga, at ang nag-aangking may-kabatiran sa banal na mga sulat, ngunit hindi nakakaalam nito, ay dumadaya lamang sa sarili.” a
2. Bakit isinulat ang Mga Cronica?
2 Sa pasimula, ang dalawang aklat ng Mga Cronica ay malamang na iisa lamang tomo, o balumbon, na nang maglao’y hinati upang maging kumbinyente. Bakit isinulat ang Mga Cronica? Isaalang-alang ang tagpo. Ang pagkakatapon sa Babilonya ay 77 taon nang natapos. Nakabalik na ang mga Judio sa sariling lupain. Subalit nanganganib ang pagtalikod sa pagsamba ni Jehova sa naitayo-muling templo sa Jerusalem. Inatasan ng hari ng Persya si Ezra na humirang ng mga hukom at guro ng kautusan ng Diyos (at maging niyaong sa hari) at pagandahin ang bahay ni Jehova. Kailangan ang wastong mga talaangkanan upang matiyak na mga autorisadong tao lamang ang maglilingkod bilang saserdote at upang matiyak ang mana ng mga tribo, na pinagkukunan ng mga saserdote ng ikabubuhay. Sa liwanag ng mga hula ni Jehova tungkol sa Kaharian, mahalagang magkaroon ng malinaw at maaasahang talaan ng angkan ni Juda at ni David.
3. (a) Ano ang gustong idiin ni Ezra sa mga Judio? (b) Bakit niya itinampok ang kasaysayan ng Juda, at papaano niya idiniin ang halaga ng dalisay na pagsamba?
3 Pinakahahangad ni Ezra na pukawin ang pagwawalang-bahala ng isinauling mga Judio at ipaunawa na sila ang tunay na tagapagmana ng kagandahang-loob na ipinakipagtipan ni Jehova. Kaya sa Mga Cronica, iniharap niya ang buong ulat ng kasaysayan ng bansa at ng pinagmulan ng sangkatauhan mula sa unang tao, si Adan. Yamang ito ay nakatutok sa kaharian ni David, itinampok niya ang kasaysayan ng Juda, at halos ay inalis ang kahiya-hiyang ulat ng sampung-tribong kaharian. Inilarawan niya ang pinakadakilang mga hari ng Juda bilang tagapagtayo o tagapagsauli ng templo at masisigasig na tagapanguna sa pagsamba ng Diyos. Ipinakita niya ang relihiyosong mga pagkakasala na umakay sa pagkawasak ng kaharian, samantalang idiniriin ang mga pangako ng Diyos sa pagsasauli. Iginiit niya ang halaga ng tunay na pagsamba nang itawag-pansin niya ang maraming detalye ng templo, mga saserdote, mga Levita, mga dalubhasa sa awit, at iba pa. Tiyak na napatibay-loob ang mga Israelita sa pagkakaroon ng isang makasaysayang ulat na nagdiriin sa dahilan ng panunumbalik nila mula sa pagkakatapon—ang pagsasauli ng pagsamba ni Jehova sa Jerusalem.
4. Anong katibayan ang umaalalay kay Ezra bilang manunulat ng Mga Cronica?
4 Ano ang patotoo na si Ezra ang sumulat ng Mga Cronica? Ang huling dalawang talata ng Ikalawang Cronica 36:22, 23ay katulad ng unang dalawang talata ng Ezra 1:1, 2, at ang Ikalawang Cronica ay nagtatapos sa gitna ng isang pangungusap na ipinagpapatuloy sa Ezra 1:3. Kaya ang sumulat ng Mga Cronica ay siya ring sumulat ng Ezra. Pinatutunayan pa ito ng pagkakatulad sa estilo, wika, pananalita, at pagbaybay ng Mga Cronica at ng Ezra. May mga pangungusap sa dalawang aklat na ito na hindi masusumpungan sa ibang aklat ng Bibliya. Si Ezra, na sumulat ng aklat na Ezra, ay malamang na siya ring sumulat ng Mga Cronica. Ang konklusyong ito ay inaalalayan ng tradisyong Judio.
5. Ano ang espirituwal at sekular na kuwalipikasyon ni Ezra?
5 Walang kapantay ang kakayahan ni Ezra sa pagtitipon ng totoo at wastong kasaysayan. “Inilagak ni Ezra ang kaniyang puso sa pagsangguni sa kautusan ni Jehova upang ganapin at ituro sa Israel ang tuntunin at katarungan.” (Ezra 7:10) Tinulungan siya ng banal na espiritu ni Jehova. Nakilala ng pandaigdig na tagapamahala ng Persya ang karunungan ng Diyos na nasa kay Ezra kaya binigyan siya ng malawak ng kapangyarihang sibil sa distrito ng Juda. (Ezra 7:12-26) Autorisado ng Diyos at ng emperador, matagumpay na natipon ni Ezra ang ulat mula sa pinakamahuhusay na dokumentong umiiral noon.
6. Bakit tayo makapagtitiwala sa kawastuan ng Mga Cronica?
6 Si Ezra ay mahusay na mananaliksik. Sinaliksik niya ang mas matatandang ulat ng kasaysayang Judio na tinipon ng tapat na mga propeta ng panahong iyon, pati na yaong sa opisyal na mga eskriba at tagapag-ingat ng mga talaang pampubliko. Ang ilan ay maaaring mga dokumento ng estado ng Israel at Juda, mga talaangkanan, makasaysayang mga ulat ng mga propeta, at mga dokumento ng mga pinuno ng tribo o sambahayan. Hindi kukulangin sa 20 ang pinagkunan ni Ezra. b Sa lahat ng ito ay buong-katapatang ibinigay ni Ezra sa kaniyang mga kontemporaryo ang pagkakataon na suriin ang kaniyang mga pinagkunan kung gusto nila, at higit itong nagdiriin sa kredibilidad at pagiging-totoo ng kaniyang salita. Tayo ngayon ay makapagtitiwala sa kawastuan ng Mga Cronica gaya ng mga Judio noon na nagkaroon din ng gayong pagtitiwala.
7. Kailan isinulat ang Mga Cronica, sino ang kumilala sa pagiging-totoo nito, at anong yugto ang saklaw nito?
7 Yamang si Ezra ay “umalis sa Babilonya” noong ikapitong taon ni Artajerjes Longimanus ng Persya, na 468 B.C.E., at wala siyang iniuulat tungkol sa pagdating ni Nehemias noong 455 B.C.E., tiyak na ang Mga Cronica ay natapos sa pagitan ng mga petsang ito, malamang na noong 460 B.C.E., sa Jerusalem. (Ezra 7:1-7; Neh. 2:1-18) Ang aklat ay tinanggap ng mga Judiong kontemporaryo ni Ezra bilang tunay na bahagi ng ‘lahat ng Kasulatan na kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang.’ Tinawag nila ito na Div·rehʹ Hai·ya·mimʹ, “Mga Kasaysayan ng Mga Araw,” o, kasaysayan ng mga araw o panahon. Mga 200 taon pagkaraan nito, ang Mga Cronica ay inilakip din sa kanon ng mga tagapagsalin ng Griyegong Septuagint. Hinati nila ito sa dalawa, at sa paniwalang karagdagan ito sa Samuel at Mga Hari o sa buong Bibliya noon, tinawag nila ito na Pa·ra·lei·po·meʹnon, ibig sabihi’y “Mga Bagay na Nilampasan (Hindi Nabanggit; Inalis).” Bagaman hindi angkop ang pangalan, patotoo lamang nito na itinuring pa rin nila ang Mga Cronica bilang totoo, kinasihang Kasulatan. Nang inihahanda ang Latin Vulgate, iminungkahi ni Jerome: “Mas magiging makahulugan kung tatawagin natin [ang mga ito] na Khro·ni·konʹ ng buong banal na kasaysayan.” Lumilitaw na dito kinuha ang pamagat na “Mga Cronica.” Ang isang cronica ay sunud-sunod na ulat ng mga pangyayari. Pagkatapos itala ang mga angkan, ang Unang Cronica ay pangunahing tumatalakay sa panahon ni Haring David, mula 1077 B.C.E. hanggang sa mamatay siya.
NILALAMAN NG UNANG CRONICA
8. Sa anong dalawang seksiyon nahahati ang aklat ng Unang Cronica?
8 Ang Unang Cronica ay likas na nahahati sa dalawang seksiyon: ang kalakhan ng unang 9 na kabanata ay mga talaangkanan, at ang huling 20 kabanata ay sumasaklaw sa 40 taon mula nang mamatay si Saul hanggang sa katapusan ng paghahari ni David.
9. Bakit walang dahilan upang sang-ayunan ang isang mas huling petsa sa pagsulat ng Mga Cronica?
9 Ang mga talaangkanan (1:1–9:44). Itinatala dito ang talaangkanan mula kay Adan hanggang kay Zorobabel. (1:1; 3:19-24) Tinatalunton ng maraming salin ang hanay ni Zorobabel hanggang sa ikasampung lahi. Yamang nagbalik siya sa Jerusalem noong 537 B.C.E., hindi sapat ang panahon upang isilang ang gayon karaming lahi hanggang sa 460 B.C.E., nang matapos ni Ezra ang pagsulat. Gayunman, ang tekstong Hebreo ay hindi kompleto sa seksiyong ito, at hindi matiyak ang relasyon kay Zorobabel ng mga taong itinatala. Kaya, walang dahilan upang sang-ayunan ang isang mas huling petsa para sa Mga Cronica, gaya ng ginagawa ng ilan.
10. (a) Anong mga salinlahi ang unang inihaharap? (b) Anong talaangkanan ang makatuwirang tinatalunton sa pasimula ng ikalawang kabanata? (c) Ano pang ibang talaan ang ginawa, at nagtatapos sa ano?
10 Una ay inilalahad ang sampung salinlahi mula kay Adan hanggang kay Noe, at saka ang sampung salinlahi hanggang kay Abraham. Itinatala ang mga anak ni Abraham at ang kanilang mga supling; ang mga inapo ni Esau at ni Seir, na nanirahan sa bulubundukin ng Seir; at ang unang mga hari ng Edom. Gayunman, mula sa ikalawang kabanata ang ulat ay tumatalakay sa mga inapo ni Israel, o Jacob, na unang tinatalunton sa angkan ni Juda at saka sa sampung salinlahi hanggang kay David. (2:1-14) May talaan din ang ibang tribo, na nagtatampok sa tribo ni Levi at sa matataas na saserdote, at nagtatapos sa tribo ni Benjamin bilang pagpapakilala kay Haring Saul, isang Benjaminita, at dito nagsisimula ang isang mahigpit na makasaysayang ulat. Kung minsan tila magkasalungat ang mga talaangkanan ni Ezra at ang ibang talata sa Bibliya. Subalit, dapat tandaan na ang ilang tao ay nakilala rin sa ibang pangalan at na ang wika ay nagbabago at sa paglipas ng panahon ay maaaring magbago ang pagbabay ng ilang pangalan. Ang mga suliraning ito ay nalulutas ng maingat na pag-aaral.
11. Magbigay ng halimbawa ng ilang nakatutulong na impormasyon na isiningit sa mga talaangkanan.
11 Ang mga talaangkanan ni Ezra ay malimit niyang singitan ng impormasyon sa kasaysayan at heograpiya bilang paliwanag at upang maglaan ng mahalagang paalaala. Halimbawa, sa pagtatala ng mga inapo ni Ruben, idinagdag ni Ezra ang mahalagang impormasyong ito: “Ang mga anak ni Ruben na panganay ni Israel—sapagkat siya ang panganay; palibhasa dinumhan niya ang higaan ng kaniyang ama, ang karapatan niya bilang panganay ay ibinigay sa mga anak ni Jose, at hindi siya dapat ibilang sa talaan ukol sa karapatan ng panganay. Si Juda ay nanaig sa kaniyang mga kapatid, at sa kaniya nanggaling ang pagpupunò; ngunit ang karapatan ng pagkapanganay ay kay Jose.” (5:1, 2) Napakaraming sinasabi ang iilang salitang ito. Bukod dito, sa Mga Cronica lamang mauunawaan na sina Joab, Amasa, at Abisai ay pawang pamangkin ni David, kaya tinutulungan tayong unawain ang iba’t-ibang pangyayari na nagsangkot sa kanila.—2:16, 17.
12. Anong mga kaganapan ang nakapaligid sa pagkamatay ni Saul?
12 Ang pagtataksil ni Saul ay nagbunga ng kamatayan (10:1-14). Nagbubukas ang salaysay sa pagsalakay ng mga Filisteo sa Bundok Gilboa. Napatay ang tatlong anak ni Saul, pati na si Jonathan. Nasugatan din si Saul. Sa paghahangad na huwag mabihag ng kaaway, iniutos niya sa tagadala ng sandata: “Bunutin mo ang iyong tabak at palagpasin mo sa akin, baka dumating ang mga di-tuling ito at pahirapan pa ako.” Nang tumanggi ang tagadala ng sandata, si Saul ay nagpatiwakal. Kaya namatay siya “dahil sa pagtataksil kay Jehova sa hindi pagsunod kay Jehova at dahil sa pagsangguni sa masamang espiritu. Hindi siya sumangguni kay Jehova.” (10:4, 13, 14) Ang kaharian ay ibinigay ni Jehova kay David.
13. Papaano umunlad si David sa kaharian?
13 Tiniyak kay David ang kaharian (11:1–12:40). Sa wakas nagtipon ang 12 tribo sa Hebron upang pahiran si David bilang hari sa buong Israel. Sinakop niya ang Sion at ‘dumakila siya nang dumakila, pagkat si Jehova ng mga hukbo ay suma-kaniya.’ (11:9) Nag-atas ng makapangyarihang mga lalaki sa hukbo, at sa pamamagitan nila ay nagkaloob si Jehova “ng dakilang pagliligtas.” (11:14) Tumanggap si David ng nagkakaisang pagtangkilik nang ang mga mandirigma ay buong-pusong magpisan upang gawin siyang hari. Nagkaroon ng pagpipista at kagalakan sa Israel.
14. Ano ang ibinunga ng pakikidigma ni David sa mga Filisteo, at anong nagpapasigla-sa-pananampalatayang okasyon ang umakay sa masayang pag-awit?
14 Si David at ang kaban ni Jehova (13:1–16:36). Sumangguni si David sa mga pinuno ng bansa, at sumang-ayon silang ilipat ang Kaban sa Jerusalem mula sa Kiriath-jearim, kung saan 70 taon na itong namamalagi. Habang daan ay namatay si Uzzah sa pagsuway sa tagubilin ng Diyos, at ang Kaban ay pansamantalang inihabilin sa tahanan ni Obed-edom. (Bil. 4:15) Nagpatuloy ang mga Filisteo sa pagsalakay, subalit dalawang beses silang ibinagsak ni David, sa Baal-perazim at sa Gabaon. Sa utos ni David, sinunod ng mga Levita ang teokratikong kaayusan sa paglilipat ng Kaban sa Jerusalem, sa isang tolda na itinayo ni David, kasabay ng sayawan at pagsasaya. Naghandog ng mga hain at nag-awitan, at si David ay umawit ng pasasalamat kay Jehova. Ganito ang dakilang kasukdulan nito: “Mangagsaya ang mga langit, at magalak ang lupa, at sabihin sa gitna ng mga bansa, ‘Si Jehova ay naghahari!’ ” (1 Cron. 16:31) Yao’y okasyong nagpapakilos, nagpapalakas sa pananampalataya! Nang maglaon, ang awit ay ginawang saligan ng mga bagong awit, gaya ng Awit 96. Ang isa pa ay nasa unang 15 talata ng Awit 105:1-15.
15. Anong kamangha-manghang pangako ang isinagot ni Jehova sa hangad ni David na magtayo ng bahay sa nagkakaisang pagsamba?
15 Si David at ang bahay ni Jehova (16:37–17:27). Kakatwa ang kaayusan sa Jerusalem. Ang kaban ng tipan ay nasa isang tolda sa Jerusalem at doon naglilingkod si Asaph at ang mga kapatid niya, samantalang ilang milya sa hilagang-kanluran sa Gabaon, si Zadok na mataas na saserdote at ang mga kapatid niya ay naghahandog sa tabernakulo. Palaisip sa pagdakila at pagkakaisa ng pagsamba kay Jehova, ipinahayag ni David ang hangarin niya na magtayo ng bahay para sa kaban ng tipan ni Jehova. Ngunit sinabi ni Jehova na hindi siya kundi anak niya ang magtatayo nito at na Kaniyang “itatatag ang kaniyang luklukan magpakailanman,” bilang kagandahang-loob na gaya ng ama sa anak. (17:11-13) Ang kamangha-manghang pangakong ito ni Jehova—ang tipan ng walang-hanggang kaharian—ay nagpakilos sa puso ni David. Nag-umapaw ang pasasalamat niya at isinamo na nawa ang pangalan ni Jehova’y “mamalagi at maging dakila magpakailanman” at nawa ang pagpapala Niya ay mapasa-bahay ni David.—17:24.
16. Anong pangako ang tinupad ni Jehova sa pamamagitan ni David, ngunit papaano nagkasala si David?
16 Mga pananakop ni David (18:1–21:17). Sa pamamagitan ni David ay tutuparin ni Jehova ang Kaniyang panata na ipagkaloob ang buong Lupang Pangako sa binhi ni Abraham. (18:3) Sa sunud-sunod na kampanya, si Jehova ay nagkaloob ng “kaligtasan kay David” saan man siya pumaroon. (18:6) Sa ganap na mga tagumpay militar, dinaig ni David ang mga Filisteo, ginapi ang mga Moabita, tinalo ang mga Zobahita, pinilit ang mga taga-Sirya na magbayad ng buwis, at sinakop ang Edom at ang Amon at pati na ang Amalek. Gayunman, pinakilos ni Satanas si David na bilangin ang Israel at sa gayo’y magkasala. Nagpadala si Jehova ng salot subalit maawaing winakasan ito sa giikan ni Ornan, matapos paslangin ang 70,000.
17. Anong paghahanda ang ginawa ni David sa pagtatayo ng bahay ni Jehova, at papaano niya pinasigla si Solomon?
17 Ang paghahanda ni David para sa templo (21:18–22:19). Sa pamamagitan ni Gad ay inutusan si David ng isang anghel “na magtayo ng dambana kay Jehova sa giikan ni Ornan na Jebuseo.” (21:18) Nang mabili niya ang giikan kay Ornan, siya ay naghandog at nanawagan kay Jehova, na sumagot sa kaniya “sa pamamagitan ng apoy mula sa langit para sa dambana ng handog na susunugin.” (21:26) Ipinasiya ni David na gusto ni Jehova na dito itayo ang bahay, kaya sinimulan niyang ihanda at tipunin ang mga materyales at nagsabi: “Si Solomon na aking anak ay bata at may murang gulang, at ang bahay na itatayo kay Jehova ay magiging sukdulang dakila sa kagandahan sa lahat ng lupain. Ihahanda ko ito para sa kaniya.” (22:5) Ipinaliwanag niya kay Solomon na hindi siya pinayagan ni Jehova na magtayo ng bahay, pagkat siya ay mandirigmang may bahid ng dugo. Hinimok niya ang kaniyang anak na magpakatapang at magpakalakas sa atas na ito: “Bumangon ka at kumilos, at si Jehova nawa ay sumaiyo.”—22:16.
18. Ano ang layunin ng pagsesensus?
18 Nag-organisa si David para sa pagsamba kay Jehova (23:1–29:30). Ayon sa kalooban ng Diyos, gumawa ng sensus upang muling organisahin ang mga saserdote at Levita. Ang paglilingkod ng mga Levita ay mas detalyadong inilarawan dito kaysa sa ibang bahagi ng Bibliya. Binalangkas ang mga dibisyon ng paglilingkod sa hari.
19. Anong pananalita ang ginamit ni David sa pag-aatas kay Solomon, anong mga plano ang inilaan niya, at anong mahusay na halimbawa ang kaniyang ibinigay?
19 Sa pagtatapos ng kaniyang makasaysayang paghahari, tinipon ni David ang mga kinatawan ng buong bansa, “ang kongregasyon ni Jehova.” (28:8) Tumayo ang hari. “Makinig kayo, mga kapatid ko at bayan ko.” Ipinahayag niya ang mithi ng kaniyang puso, “ang bahay ng tunay na Diyos.” Sa harap nila ay inatasan niya si Solomon: “At ikaw, Solomon, anak ko, kilalanin mo ang Diyos ng iyong ama at paglingkuran siya nang buong puso at nang masayang kaluluwa; pagkat sinasaliksik ni Jehova ang lahat ng puso, at natatalos ang haka ng bawat isip. Kung hahanapin mo siya, ay hahayaan niyang masumpungan mo siya; ngunit kung iiwan mo siya, ay itatakwil ka niya magpakailanman. Tingnan mo, ikaw ang pinili ni Jehova upang magtayo ng bahay bilang santwaryo. Magpakatapang ka at kumilos.” (28:2, 9, 10, 12) Ibinigay niya sa binatang si Solomon ang detalyadong planong arkitektural na kinasihan ni Jehova at personal siyang nag-abuloy ng malaking kayamanan—3,000 talentong ginto at 7,000 talentong pilak, na inipon niya para dito. Dahil sa mahusay na halimbawang ito, tumugon ang mga prinsipe at ang bayan at sila’y nag-abuloy ng 5,000 talento, 10,000 dariko at pilak na nagkahalaga ng 10,000 talento, at gayon din ng napakaraming bakal at tanso. c (29:3-7) Ang bayan ay nagalak na mainam sa pribilehiyong ito.
20. Ano ang kasukdulan ng pangwakas na panalangin ni David?
20 Pagkatapos ay pinuri ni David si Jehova sa panalangin at kinilala na lahat ng saganang handog na ito ay mula sa Kaniya at hiniling ang patuloy Niyang pagpapala sa bayan at kay Solomon. Ang sukdulan ng huling panalanging ito ni David ay ang pagtatanyag sa kaharian ni Jehova at sa Kaniyang maluwalhating pangalan: “Purihin ka nawa, O Jehova na Diyos ni Israel na aming ama, mula sa walang pasimula hanggang sa magpakailanman. Sa iyo, O Jehova, ang kadakilaan at ang kapangyarihan at ang kagandahan at ang kaluwalhatian at karangalan; sapagkat lahat ng nasa langit at nasa lupa ay iyo. Sa iyo ang kaharian, O Jehova, at Ikaw ay nataas na pangulo sa lahat. Ang mga kayamanan at kaluwalhatian ay mula sa iyo, at ikaw ang nangingibabaw sa lahat; nasa iyong kamay ang kapangyarihan at kalakasan, nasa iyong kamay ang pagdakila at pagpapalakas. At ngayon, O aming Diyos, nagpapasalamat kami sa iyo at pinupuri namin ang iyong maluwalhating pangalan.”—29:10-13.
21. Sa anong matayog na himig nagwawakas ang Unang Cronica?
21 Pinahiran uli si Solomon at siya ay naupo sa ‘luklukan ni Jehova’ kapalit ng matanda nang si David. Pagkatapos maghari ng 40 taon, si David ay namatay “sa ganap na katandaan, puspos ng mga araw, mga kayamanan at kaluwalhatian.” (29:23, 28) Winawakasan ni Ezra ang Unang Cronica sa isang matayog na himig, upang idiin ang kahigitan ng kaharian ni David sa lahat ng mga kaharian sa lupa.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
22. Papaano napasigla ng Unang Cronica ang mga kababayan ni Ezra?
22 Ang mga kababayan ni Ezra ay nakinabang nang malaki sa kaniyang aklat. Dahil sa masinsing kasaysayang ito na sariwa at nagpapalakas-loob, napahalagahan nila ang maibiging kaawaan ni Jehova salig sa katapatan niya sa tipan ng Kaharian kay Haring David at alang-alang sa sarili Niyang pangalan. Palibhasa napasigla, naipagpatuloy nila ang pagsamba kay Jehova nang may ibayong sigasig. Ang mga talaangkanan ay nagpatibay sa kanilang tiwala sa pagkasaserdote ng naitayo-muling templo.
23. Papaano nakinabang sina Mateo, Lucas, at Esteban sa Unang Cronica?
23 Malaki din ang pakinabang ng Unang Cronica para sa sinaunang kongregasyong Kristiyano. Humalaw sina Mateo at Lucas sa mga talaangkanan nito upang patunayan na si Jesu-Kristo ang “anak ni David” at ang inihulang Mesiyas. (Mat. 1:1-16; Luc. 3:23-38) Sa kaniyang huling patotoo, binanggit ni Esteban ang hangad ni David na ipagtayo ng bahay si Jehova at ang pagtupad ni Solomon dito. Saka sinabi na “ang Kataas-taasan ay hindi tumatahan sa mga gusaling gawa ng kamay,” upang idiin na ang templo ni Solomon ay anino ng mas maluwalhating makalangit na mga bagay.—Gawa 7:45-50.
24. Ano ang maaari nating tularan sa maningning na halimbawa ni David?
24 Kumusta ang mga Kristiyano ngayon? Ang pananampalataya natin ay dapat mapatibay at mapasigla ng Unang Cronica. Maraming mapupulot sa maningning na halimbawa ni David. Ibang-iba siya sa walang-pananampalatayang si Saul, sa laging pagsangguni kay Jehova! (1 Cron. 10:13, 14; 14:13, 14; 17:16; 22:17-19) Sa paglilipat ng kaban sa Jerusalem, sa mga awit ng papuri, sa pag-oorganisa sa mga Levita, at sa hangad na ipagtayo si Jehova ng maluwalhating bahay, ipinamalas ni David na si Jehova at ang pagsamba Niya ang pinakamahalaga. (16:23-29) Hindi siya reklamador. Hindi siya naghangad ng pantanging mga pribilehiyo kundi ang paggawa lamang ng kalooban ni Jehova. Kaya, nang iatas ni Jehova ang pagtatayo sa kaniyang anak, buong-puso niyang tinuruan ito at gumugol ng lakas, panahon, at kayamanan para sa gawaing sisimulan pagkamatay niya. (29:3, 9) Napakahusay na halimbawa ng katapatan.—Heb. 11:32.
25. Anong pagpapahalaga sa pangalan at Kaharian ni Jehova ang dapat pukawin sa atin ng Unang Cronica?
25 At nariyan ang pinakasukdulang pangwakas na mga kabanata. Ang karingalan ng pagpuri at pagdakila ni David sa “maluwalhating pangalan” ni Jehova ay dapat pumukaw ng masiglang pagpapahalaga sa pribilehiyo na ipahayag ang karangalan ni Jehova at ang Kaharian sa pamamagitan ni Kristo. (1 Cron. 29:10-13) Ang atin nawang pananampalataya at kagalakan ay maging tulad ng kay David habang nagpapasalamat tayo sa walang-hanggang Kaharian ni Jehova sa pamamagitan ng pagbubuhos ng sarili sa paglilingkod sa Kaniya. (17:16-27) Oo, ang tema ng Kaharian ni Jehova at ng Binhi ay higit na nagniningning sa kariktan sa Unang Cronica, at pinananabik tayo sa higit na pagsisiwalat sa mga layunin ni Jehova.
[Mga talababa]
a Commentary ni Clarke, Tomo II, pahina 574.
b Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 444-5.
c Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 1076.
[Mga Tanong sa Aralin]